2012
Pagtuturo ng Kalinisang-Puri at Kabanalan
Oktubre 2012


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Pagtuturo ng Kalinisang-Puri at Kabanalan

Matthew O. Richardson

Maaaring gamitin ng mga magulang ang anim na estratehiyang ito upang ituro sa kanilang mga anak ang tungkol sa seksuwal na intimasiya.

Nagkaroon na ako ng pribilehiyong makilala ang mga kabataan at young adult mula sa iba’t ibang larangan at sa iba’t ibang panig ng daigdig. Minsan ay nagsalita ako sa isang grupo ng kahanga-hangang mga tinedyer tungkol sa kabanalan, kalinisang-puri, at malinis na pamumuhay. Pagkatapos sabihin sa kanila kung gaano ang paghanga ko sa kanilang mga puna, kumpiyansa, kaanyuan, at asal, itinanong ko, “Paano ninyo nagawang magpaliwanag nang mahusay, makasagot nang walang alinlangan, at hindi maasiwa sa maselang paksang tulad nito?” Walang pag-aatubiling sinabi ng isang dalagita, “May mga magulang po ako na nagtuturo nito.” Tumango ang iba pa sa pagsang-ayon. Ang simple bagama’t napakagandang karanasang ito ay nagbibigay-diin sa impluwensyang nagagawa ng mga magulang sa buhay ng kanilang mga anak—lalo na sa tungkulin nilang ituro ang kabanalan, kalinisang-puri, seksuwal na intimasiya, at mga tamang pakikipagrelasyon.

Nakalulungkot nga lang na maraming magulang ang maaaring hindi naituturong mabuti sa kanilang mga anak ang mga isyu tungkol sa sex. Halimbawa, sa pagsasagawa ng survey sa mahigit 200 aktibong mga young single adult na mga Banal sa mga Huling Araw, natuklasan ko na 15 porsiyento lamang ang nagsabi na ang kanilang mga magulang ang pangunahing pinagmulan ng impormasyon tungkol sa sex. Sinabi ng mga batang miyembrong ito na nalaman nila ang tungkol sa mahalagang paksang ito unang-una sa kanilang mga kaibigan o kabarkada, sa Internet, media, libangan, mga textbook, kamag-anak, o sa kanilang mga lider sa Simbahan.

Siyempre, hindi madaling ituro ang paksang ito. Ngunit naniniwala ako na ang mga magulang ang pinakamahuhusay na guro na makapagtuturo ng gayon kasagradong mga alituntunin. Ang sumusunod na mga estratehiya ay tutulong upang makabuo kayo ng simple, mabisa, at hindi malilimutang mga alituntunin at kaugalian na makapaghihikayat o makapagsisimula ng epektibong pagkatuto at pagtuturo—lalo na sa pagtuturo sa inyong mga anak kung paano mamuhay nang matwid at malinis.

Ang pagtuturo at pagkatuto ay dapat simulan habang maaga pa. Ang mga magulang na mabisang naituturo sa kanilang mga anak ang mga paksa tungkol sa sex ay nauunawaan na karamihan sa mga bata ay nalalantad sa ganitong paksa sa napakamurang edad kaysa inaasahan o ninanais nila o ng kanilang mga magulang. Maraming bata ang nalalantad sa nilalaman ng Internet tungkol sa sex sa napakabatang edad na 11 taon at may ilan na mas bata pa rito. Ang mga lugar ng libangan, mga palaro, patalastas, at maging ang social media ay lalong nahahaluan at napupuno ng mga imahe ng sex at mga pagpapahiwatig tungkol dito.

Tama ang pagtatanong ng ilang magulang, “Kailan ko dapat simulang banggitin ang mga bagay na may kaugnayan sa sex?” Depende ito sa edad at kahustuhan ng isip ng bata at ng partikular na situwasyon. Ang espirituwal na patnubay ay darating kapag mapanalangin at maingat na sinubaybayan ng mga magulang ang kilos ng kanilang mga anak, pinakinggang mabuti ang kanilang mga anak, at nag-ukol ng panahon upang isaalang-alang at malaman kung kailan at ano ang ituturo. Halimbawa, naaalala ko nang magtanong ang anak kong lalaki tungkol sa anatomy (ukol sa katawan ng tao) noong limang taong gulang pa lamang siya. Kahit medyo nakakakaba, malinaw na tamang panahon iyon para mag-usap. Gayunman, habang iniisip ko kung paano sasagot, medyo naging malinaw na hindi iyon ang tamang oras para kausapin ang anak ko tungkol sa bawat paksang may kinalaman sa sex.

Ang pagtuturo at pagkatuto ay dapat na mangyari nang madalas. Ang pagkatuto ay isang proseso at hindi minsanan lang nangyayari. Kapag tungkol na sa pagtuturo sa mga bata hinggil sa seksuwal na intimasiya o iba pang kaugnay na paksa, madalas itong tukuyin ng mga tao bilang “ang pag-uusap.” Sinadya man o hindi, ipinahihiwatig ng salitang ito na ituturo ng mga magulang ang paksang ito sa minsanang pag-uusap lamang. Hindi iyan ang pinakamabisang paraan na matututo ang isang bata. Itinuro ng Tagapagligtas na natututo tayo nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30). Mas magtatagumpay tayo sa pagtuturo kapag inulit natin ang paksa sa ating mga anak habang lumalaki sila at nahuhusto ang kaisipan nila. Ang mga magulang na nakauunawa sa alituntuning ito ay inihahanda ang kanilang sarili sa kaisipan, damdamin, at sa espirituwal upang maituro sa kanilang mga anak ang tungkol sa mga paksang may kinalaman sa sex habang sila ay bata pa at nagiging tinedyer na.

Ang epektibong pagkatuto at pagtuturo ay batay sa ugnayan ng nagtuturo at ng tinuturuan. Kapag tungkol na sa pagtuturo sa mga bata ng mga paksang may kinalaman sa sex, karamihan sa mga magulang ay nag-aalala na sa kung ano ang dapat nilang sabihin. Bagama’t mahalaga ito, ang epektibong pagtuturo at pagkatuto ay hindi lamang batay sa pag-uusap at pagsasabi ng tungkol dito. Sa katunayan, ang paraan ng mga magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak ay maaaring mas mahalaga kaysa sa talagang sasabihin nila. Nakita sa research na ang mga magulang na nakaiimpluwensyang mabuti sa kanilang mga anak kapag tungkol na sa sex ang pinag-uusapan ay ang mga magulang na bukas sa pakikipagtalakayan tungkol dito, nagpapakita ng pagmamahal at malasakit, at inaalam ang buhay ng kanilang mga anak.1

Ang mga puna mula sa di-pormal na survey na ginawa ko sa mga batang Banal sa mga Huling Araw ay paulit-ulit na nakasentro sa paghahangad na sana ay naging mas bukas o handa ang kanilang mga magulang na pag-usapan ang paksang may kinalaman tungkol sa sex. Ipinahayag ng mga young adult na ito na hindi lamang nila gustong maging bahagi ang kanilang mga magulang sa proseso, kundi nais din sana nila na “kausapin sila ng kanilang mga magulang tungkol dito sa halip na pagsabihan lang sila ng tungkol dito.” Gusto nila ng mga pag-uusap na “natural,” “normal,” “komportable,” at hindi “nakakaasiwa.” Dapat mahikayat nito ang mga magulang na lalo pang sikapin na sila ay madaling lapitan, na may panahon sila, natural lang ang kilos, at kalmado lang sa pagtalakay sa paksa, situwasyon, o maging sa tamang oras. Kung may sakripisyo mang dapat gawin ang mga magulang para maituro nang epektibo sa kanilang mga anak ang tungkol sa mga bagay na pinakamahalaga, iyon ay ang kumilos ang mga magulang sa paraan na matutulungan ang kanilang mga anak na maging komportable at malayang magsalita tungkol sa lahat ng paksa—lalo na ang mas personal na mga bagay.

Ang pagtuturo at pagkatuto ay pinaka-epektibo kapag ang paksa ay angkop at tunay. Depende na rin sa kung paano natin harapin, ang pagtuturo ng tungkol sa seksuwal na intimasiya ay maaaring nakakaasiwa, hindi makatotohanan, hindi praktikal, o parang pangangaral. Ang isang susi sa tagumpay ay ang matanto na ang karamihan sa mga tanong at alalahanin ng mga bata ay mga reaksyon sa mga situwasyon at naoobserbahan nila sa tunay na buhay. Habang pinagtutuunan natin ng pansin, pinakikinggan, at pinagmamasdan ang ating mga anak, malalaman natin kung ano ang kailangan nating ituro.

Halimbawa, ang mga pelikula, estilo, uso, programa sa telebisyon, patalastas, o titik ng musika ay nagbibigay ng sapat na pagkakataon upang magsalita tungkol sa mga pamantayan ng kagandahang-asal. Ang iba pang mga pagkakataon ay darating habang inoobserbahan natin ang pakikipag-ugnayan at pakikisalamuha ng ating mga anak sa ibang tao, ang paraan nila ng pananamit at ng kanilang mga barkada, ang mga pananalitang gamit nila, kung gaano ang pagdepende nila sa opposite sex, gayundin ang iba’t ibang pakahulugan tungkol sa kalinisang-puri at mga pamantayan ng kagandahang-asal sa komunidad. Napakaraming pagkakataon sa buhay para makipag-usap sa mga bata tungkol sa moralidad at kabanalan.

Marahil ang pinakamahalagang aspeto ng pagtuturo batay sa tunay na buhay ay nagagawa kapag ang mga magulang ay huwaran ng kalinisang-puri, pagkadisente, at kabanalan sa kanilang sariling buhay. Ang mga bata ay mas handang makinig at sumunod sa payo ng kanilang mga magulang kapag ang gayong payo ay batay sa mabubuting halimbawa ng kanilang mga magulang.

Totoo rin ang kabaligtaran nito. Gaya ng sinabi ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa maraming paraan, mas mabisa ang epekto ng ating mga gawa kaysa ating mga salita. Itinuro ni Pangulong Brigham Young (1801–77): ‘Dapat tayong magpakita [sa ating mga anak] ng halimbawa na nais nating gayahin nila. Nauunawaan ba natin ito? Gaano kadalas nating nakikita ang mga magulang na humihingi ng pagsunod, magandang asal, mga mabuting pananalita, kalugud-lugod na anyo, magiliw na tinig, maaliwalas na mukha mula sa isang anak o mga anak samantalang sila ay puno ng sama ng loob at pagpapagalit! Gaano ito kasalungat at kawalang katwiran!’ Mapapansin ng ating mga anak ang paiba-iba nating pag-uugali at marahil pangangatwiranan nila ang paggawa rin ng gayon.”2

Ang mga nag-aaral ay natututong mabuti kapag nauunawaan nila ang itinuturo ng mga guro. Napakaraming kabataan at mga young adult ang nagsasabi na ang kanilang mga magulang at maging ang mga lider ng Simbahan ay mahilig gumamit ng mga “code word” o malabong pananalita at hindi tuwirang mga mensahe na lumilikha ng mas maraming tanong kaysa mga sagot at higit na tensiyon sa halip na mapanatag sila. Totoo ito lalo na kapag tungkol na sa sex ang paksa.

Noong ako ang bishop sa isang young single adult ward, madalas akong matanong kung ano ang ibig sabihin ng “petting” o paghihipuan. Ang matatapat kong miyembro sa ward ay tinuruan na hindi sila dapat masangkot sa petting (paghihipuan), ngunit hindi kailanman itinuro sa kanila ang ibig sabihin ng petting. Mahirap para sa kanilang sundin ang tagubilin na hindi nila nauunawaan.

Si Pangulong Marion G. Romney (1897–1988), Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nagpaliwanag na hindi sapat ang magturo sa paraan na mauunawaan ng ibang tao, kundi kailangan din tayong magturo sa paraan na walang magkakamali sa pagkaunawa nito.3 Sa halip na magsalita gamit ang ‘code word’ o malabong salita o kaya’y slang, mas magtatagumpay tayo kung gagamit tayo ng wasto at angkop na mga salita. Nakatutulong ito upang magkaunawaan at magkaroon ng paggalang.

Isipin kung paano mabisang itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga alituntunin at pamantayan ng kagandahang-asal. Sabi niya: “Ang anumang seksuwal na intimasiya sa labas ng bigkis ng kasal—ibig kong sabihin anumang sinadyang pagdaiti sa sagrado at pribadong mga bahagi ng katawan ng isang tao, may suot mang damit o wala—ay kasalanan at ipinagbabawal ng Diyos. Paglabag o kasalanan din ang sadyaing pukawin ang mga damdaming ito sa sarili ninyong katawan.”4

Upang maging epektibo sa pagtuturo, dapat nating tiyakin na nauunawaan ng mga tinuturuan natin ang mensahe. Ang mga simpleng tanong na gaya ng “Nasagot ba nito ang tanong mo?” o “Naipaliwanag ko bang mabuti iyan?” o “May iba pa ba kayong mga tanong?” ay napakalaking tulong.

Ang mga nag-aaral ay nakauunawa kapag iniuugnay ng mga guro ang mensahe sa walang hanggang mga alituntunin at pamantayan. Sa halip na magpokus lamang sa kaukulang “mga katotohanan ng buhay,” ang epektibong pagtuturo ng ebanghelyo ay nagaganap kapag iniuugnay natin ang mga katunayang iyon sa “mga katotohanan ng buhay na walang hanggan.” Kapag nagsasalita tungkol sa ating katawan, halimbawa, maaari nating sabihin kung paano nilikha ng isang mapagmahal na Ama sa Langit ang ating mga katawan at kung paano natin dapat ituring ang Kanyang mga nilikha nang may paggalang at ayon sa Kanyang mga inaasahan.

Habang nalulunod ang mundo sa imoralidad, may pag-asa pa para sa mga susunod na henerasyon. Ang pag-asang ito ay nakasentro sa mga magulang na ginagawa ang lahat upang maturuan ang bagong henerasyon na maging banal at marangal. Ang mga magulang na nagtuturo sa kanilang mga anak na mamuhay nang banal at marangal ay sinisikap na dagdagan ang kanilang pang-unawa at paghusayin ang kanilang kasanayan sa pagtuturo. Sa paggawa nito, nalalaman nila na “pauunlarin ang [kanilang] kakayahan ng Panginoon kapag nagtuturo [sila] sa paraang iniuutos Niya.” Dahil totoo namang ito “ay isang gawain ng pagmamahal—isang pagkakataon upang tulungan ang iba na gamitin ang kanilang kalayaan sa pagpili nang matwid, lumapit kay Cristo, at tanggapin ang mga biyaya ng buhay na walang hanggan.”5

Mga Tala

  1. Tingnan sa Bonita F. Stanton at James Burns, “Sustaining and Broadening Intervention Effect: Social Norms, Core Values, and Parents,” sa Reducing Adolescent Risk: Toward an Integrated Approach, ed. Daniel Romer (2003), 193–200.

  2. Robert D. Hales, “Tungkulin Natin sa Diyos at sa Bagong Henerasyon Bilang mga Magulang,” Liahona, Ago. 2010, 74.

  3. Tingnan sa Jacob de Jager, “Let There Be No Misunderstanding,” Ensign, Nob. 1978, 67.

  4. Richard G. Scott, “Serious Questions, Serious Answers,” Liahona, Set. 1997, 31.

  5. Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin (2000), 4.

Paglalarawan ni David Stoker © IRI

Paglalarawan ni [to come]