2012
Ang Aklat ni Alma: Mga Aral para sa Panahong Ito
Oktubre 2012


Ang Aklat ni Alma: Mga Aral para sa Panahong Ito

Elder Paul B. Pieper

Buong katapatang tiniis ng mga Nephita ang mga pagsubok noong kanilang panahon at saksi sila na ang Panginoon ay magbibigay ng mga pagpapala at proteksyong kailangan natin upang matagumpay na maharap ang mga hamon ng ating panahon.

Sa pagtatapos ng kanyang pamumuno, iminungkahi ni Haring Mosias na palitan ang monarkiya ng isang sistema ng mga hukom na pipiliin ng mga tao. Ang mungkahing sistema ay ibabatay sa mga batas na ibinigay ng Diyos na pangangasiwaan ng mga hukom na hihirangin ng mga tao.

Ang alituntunin na karapatang pumili ang pundasyon ng iminungkahing sistema—mga indibiduwal, sa halip na isang hari, ang tatanggap ng responsibilidad at pananagutan na kumilos nang naaayon sa batas. Sapagkat “hindi pangkaraniwan na ang tinig ng mga tao ay magnais ng anumang bagay na salungat sa yaong tama” (Mosias 29:26), ang sistemang ito ay magbibigay ng higit na proteksyon sa mga karapatan ng mga tao at kabutihan ng lipunan sa kabuuan.

Bilang tugon sa mungkahi ni Mosias, ang mga tao ay “labis na nanabik na ang bawat tao ay magkaroon ng pantay na pagkakataon sa lahat ng dako ng buong lupain; oo, at ang bawat tao ay nagpahayag ng pagkukusang-loob na managot sa kanyang sariling mga kasalanan” (Mosias 29:38).

Ang aklat ni Alma ay naglalaman ng kasaysayan ng mga tao sa loob ng 40-taon pagkatapos tanggapin ng mga tao ang iminungkahing sistema. Ang mga huling kabanata ng tala ni Alma, mga kabanata 43 hanggang 62, ay nagsasalaysay ng panahon ng matitinding hamon at pagsubok. Sa loob ng maikling 19-na taong ito, ang mga tao ay naharap sa mga hamong pulitikal sa kanilang kalipunan, mga pagbabanta mula sa labas, at halos palagiang paglalabanan.

Dalawang beses na pinagbantaan ang sistema ng pamahalaan ng mga taong naghangad na maging mga hari at pagkaitan ang mga tao ng karapatang piliin o hirangin ang kanilang mga lider at malayang makasamba. Kasabay nito, kinailangang ipagtanggol ng mga tao ang kanilang sarili mula sa maramihang pagsalakay ng mga Lamanita na determinadong wasakin ang pamahalaang Nephita at ipailalim ang mga Nephita sa pagkaalipin.

Ang kaguluhang dulot sa ekonomiya nitong sari-saring mga hamon, bagamat hindi isa-isang binanggit, ay malamang na malaking hamon para sa mga tao. Nadama ni Mormon, sa pagtitipon ng sagradong tala, na dapat siyang magbigay ng detalyadong salaysay tungkol sa panahong ito. Sa katunayan, kung idinetalye rin niya ang nalalabing 1,000-taon ng kasaysayan ng mga Nephita, ang Aklat ni Mormon ay maglalaman sana ng mahigit 2,500 pahina!

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):

“Ang Aklat ni Mormon … ay isinulat para sa ating panahon. Ang aklat ay hindi napasa kamay ng mga Nephita; ni ng mga Lamanita noong unang panahon. Ito ay sadyang para sa atin. … Sa inspirasyong mula sa Diyos, na nakakakita sa lahat ng bagay mula sa simula, pinaikli niya ang mga talaang maraming siglo nang naisulat, pumili ng mga kuwento, mensahe, at pangyayari na lubos na makatutulong sa atin. …

“Dapat nating palaging itanong sa ating sarili, “Bakit binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Mormon (o si Moroni o si Alma) na isama iyon sa kanyang talaan? Anong aral ang matututuhan ko roon na tutulong sa akin na mamuhay sa araw at panahong ito?’”1

Natatagpuan ngayon ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang sarili na nahaharap sa maraming katulad na mga hamon na nakaharap ng mga Nephita sa panahong ito ng kanilang kasaysayan, kabilang na ang pagpupumilit na pagkaitan ang mga miyembro ng karapatang sumamba at magsalita tungkol sa mga isyu na mahalaga sa mga lipunan na ating ginagalawan. Nadama ng ilang mga Banal sa mga Huling Araw ang pagbabanta ng pagsalakay mula sa labas at pakikipaglaban sa mga puwersang determinadong wasakin ang kanilang mga bansa at kalayaan.

Sa kabutihang-palad, nalampasan ng mga Nephita ang mga hamon noon sa pamamagitan ng lubus-lubusang pagsisikap, pagsasakripisyo, at tulong mula sa Panginoon. Ang ilang aral tungkol sa matagumpay nilang pagharap sa kanilang mga hamon ay maaaring magbigay sa atin ng patnubay at lakas ng loob na harapin ang mga hamon sa atin ngayon.

1. Panatilihin ang wastong hangarin at motibo.

Sa kabila ng lahat ng hamon sa kanilang buhay, nakahugot pa rin ng lakas ang mabubuting Nephita mula sa katotohanan na kumikilos sila na taglay ang wastong mga motibo. Ang tanging hangarin nila noon ay “ipagtanggol ang kanilang sarili, at kanilang mga mag-anak, at kanilang mga lupain, kanilang bayan, at kanilang mga karapatan, at kanilang relihiyon” (Alma 43:47). Hangad nila noon na mapangalagaan ang kanilang karapatang pumili—ang karapatang kumilos sa kabutihan at panagutan ang kanilang sariling asal at kilos—sa halip na isang hari ang magsabi o magdikta kung paano sila kikilos. Ang motibo nila ay mapanatili ang pagkakapantay-pantay sa ilalim ng batas, lalo na ang kanilang kalayaan na sambahin ang Diyos at mapanatili ang kanilang simbahan (tingnan sa Alma 43:9, 45).

Mayroon at palaging magkakaroon sa mga lipunan ng puwersang maghahangad na manipulahin ang opinyon ng mga tao upang magkaroon ng kapangyarihan para sa personal na kapakinabangan. Nariyan ang tukso na gayahin ang kanilang mga motibo at gamitin ang pakikipaglaban upang magtamo ng kapangyarihan. Ang paraan ng Panginoon ay palaging kumilos nang batay lamang sa dalisay na mga hangarin at motibo, tulad ng ginawa ng mga Nephita noon. Sa paggawa niyon ay nagamit nila ang kapangyarihan ng langit upang malampasan ang mga hamon sa kanilang buhay “sa lakas ng Panginoon” (Alma 46:20; tingnan din sa Alma 60:16; 61:18).

Gayundin naman sa pagharap natin sa mga hamong kinakaharap natin ngayon ay kailangan nating palaging suriin ang ating mga puso upang makatiyak na ang mga hangarin natin at motibo ay dalisay at batay sa mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kung kikilos tayo (o mamanipulahin ang iba upang kumilos) nang dahil sa kasakiman, para sa personal na kapakinabangan, o para maliitin ang iba, hindi mapasasaatin ang tulong ng langit na kailangan upang makayanan ang mga pagsubok natin.

2. Maging mabait at bukas-palad sa mga nangangailangan.

Nang ang kanilang mga dating kaaway, ang mga mamamayan ng Anti-Nephi-Lehi, ay nanganib na mawasak, nagkaisa ang mga Nephita na bigyan sila ng lugar na matitirhan at magpanibagong-buhay at proteksyunan sila (tingnan sa Alma 27:21–22; 43:11–12). Dahil sumumpa ang mga Anti-Nephi-Lehi na hindi na nila kailanman gagamiting muli ang kanilang mga sandata ng digmaan, naglaan na lamang sila ng “malaking bahagi ng kanilang kabuhayan upang matustusan” (Alma 43:13) ang mga hukbong Nephita sa mapanganib na panahong ito. Gayunman, walang naitalang anumang pakikitungo ang mga Nephita sa mga dayuhang ito kundi paggalang at pagmamahal lamang, kahit na maaaring madali silang puntiryahin ng mga taong gustong magpasimula ng paghihimagsik.

Ang kabaitang ipinakita ng mga Nephita sa mga tao ni Ammon, gaya ng itinawag sa kanila kalaunan, ay sinuklian at sa huli ay nakaambag sa pagbuo ng isa sa mga pinaka-kahanga-hangang hukbo na naitala sa kasaysayan—ang 2,000 kabataang mandirigma. Kakatwa, ang paglilingkod ng mga kabataang lalaking ito ang maaaring naging susi sa pagkaligtas ng lipunang Nephita mula sa maagang pagkalipol.

Sa panahong may paghihimagsik sa loob ng bansa ng mga Nephita, pagsalakay mula sa labas, at mga hamong pangkabuhayan, may tendensiyang maging negatibo sa mga “hindi natin katulad.” Nagiging madali ang batikusin sila at hatulan. Maaaring magduda ang isang tao sa kanilang katapatan at kahalagahan sa lipunan at sa epekto nila sa ikabubuti ng ating ekonomiya. Ang mga negatibong damdaming ito ay hindi naaayon sa utos ng Tagapagligtas na mahalin ang ating kapwa gaya ng ating sarili, at lumilikha ito ng pagkakahati-hati, pagtatalo, at paghihiwa-hiwalay. Kung hindi tinanggap ang mga tao ni Ammon sa lipunang Nephita noon, marahil lumikha iyon ng galit sa halip na pasasalamat sa bagong henerasyon. Sa halip na magkaroon ng 2,000 matatapat na mandirigma, marahil ay lumayo ang loob ng bagong henerasyon at muling nakisama sa mga Lamanita.

Ang kahandaang maging mabait at bukas-palad sa nangangailangan ay mahalagang bagay sa pagkakaligtas ng bansang Nephita at dahil dito’y naging marapat ang mga Nephita sa mga biyaya ng langit sa panahon ng kanilang kagipitan. Kailangan ng mga tao ng Diyos ang gayong mga pagpapala ngayon.

3. Pakinggan at sundin ang inspiradong mga lider.

Alam ng Panginoon ang mga hamong kakaharapin ng mga Nephita, at tumawag Siya ng mga inspiradong lider upang tulungan silang harapin ang mga hamong iyon. Si Kapitan Moroni ay isang mandirigma ngunit nabigyang inspirasyon na maghanda ng mga baluti sa dibdib, kalasag sa bisig, kalasag na pangsanggalang ng ulo, at makapal na kasuotan upang mapangalagaan ang kanyang mga tao (tingnan sa Alma 43:19). Dahil dito, naging mas mahusay sa pakikidigma ang mga Nephita kaysa sa mga Lamanita (tingnan sa Alma 43:37–38). Kalaunan, iniutos ni Moroni sa mga tao na maghukay ng lupa sa paligid ng kanilang mga lungsod at sa ibabaw ng mga iyon ay maglagay ng mga kahoy at mga tulos (tingnan sa Alma 50:1–3). Ang inspiradong mga paghahandang ito ay nakatulong sa pagkaligtas ng mga Nephita mula sa pagkalipol.

Habang naghahanda si Moroni para sa digmaan, ipinangaral ni Helaman at ng kanyang mga kapatid ang salita ng Diyos at hinikayat ang mga tao na magpakabuti para magabayan at mapangalagaan sila ng Espiritu ng Panginoon. Sa pakikinig sa temporal at espirituwal na gabay ng mga inspiradong lider, ang mga Nephita ay nakaligtas. Nagkaroon lamang ng mga hadlang at pagdurusa nang magkaroon ng mga paghihimagsik sa kanilang kalipunan at nang tumanggi ang mga tao na makinig sa mga inspiradong babala.

Mapalad tayong mabuhay sa panahon na ang Panginoon ay tumawag ng mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag upang bigyan tayo ng babala at gabayan tayo para maihanda tayo sa mga hamon ngayon. Noong 1998, si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ay nagbigay ng inspiradong tagubilin at babala sa mga miyembro ng Simbahan:

“Dumating na ang panahon para isaayos ang ating [mga tahanan].

“Napakarami sa ating mga tao ang kapos na ang kanilang kinikita para sa kanilang ikabubuhay. Sa katunayan, ang ilan ay nabubuhay na sa panghihiram. …

“Mabuway ang ekonomiya. … May mga palatandaan ng mga maunos na panahong darating na kailangan nating bigyang-pansin.”2

Kamakailan ay nakausap ko ang isang taong nakarinig sa mga salita ni Pangulong Hinckley at sa mga pahiwatig ng Espiritu. Nagpasiya silang mag-asawa na ibenta na ang kanilang mga investment, bayaran ang kanilang tahanan, at makalaya na sa utang.

Ngayon ang taong iyon ay kaya nang tustusan ang kanyang mga pangangailangan. Kakaunti lang ang naging epekto sa kanyang pamilya ng pagbagsak ng ekonomiya. Sa katunayan, dahil sa kakayahan niyang tustusan ang kanyang mga pangangailangan ay nakapagmisyon sila ng kanyang asawa.

Si Pangulong Thomas S. Monson ay tinawag sa ating panahon. Ang kanyang buhay at mga turo ang mensaheng ipinadala ng Diyos para protektahan at pagpalain tayo ngayon. Sa panahon kung saan marami ang nag-aalala sa mga bagay na wala sa kanila, itinuturo sa atin ni Pangulong Monson na magpasalamat tayo sa maraming pagpapala na ibinigay sa atin ng Panginoon. At sa panahong marami ang nakatuon sa kanilang sariling mga problema, hinihikayat tayo ni Pangulong Monson na tumulong at magligtas, na kalimutan ang ating sarili upang tulungan ang iba. Ang pakikinig sa tagubilin ni Pangulong Monson ay magbibigay sa ating mga pamilya ng espirituwal na proteksyon at mga pagpapalang kailangan sa ating panahon.

Nagpapasalamat ako na mabuhay sa panahon na naipanumbalik ang ebanghelyo. Nagpapasalamat ako na inihanda ng Panginoon ang Aklat ni Mormon para sa ating panahon. Buong katapatang tiniis ng mga Nephita ang mga pagsubok noong kanilang panahon at saksi sila na ang Panginoon ay magbibigay ng mga pagpapala at proteksyong kailangan natin upang matagumpay na maharap ang mga hamon ng ating panahon.

Mga Tala

  1. Ezra Taft Benson, “The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 5–7.

  2. Gordon B. Hinckley, “Sa mga Batang Lalaki at mga Kalalakihan,” Liahona, Ene. 1999, 69–70.

Magsilapit, ni Walter Rane, sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Nagtiwala Sila sa Diyos, ni Walter Rane, sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Si Kapitan Moroni at ang Bandila ng Kalayaan, ni Clark Kelley Price