2012
Pagbibihis para sa Sayawan
Oktubre 2012


Pagbibihis para sa Sayawan

young woman in a purple dress

PAGLALARAWAN NI Scott Greer

Natukso akong sundin ang nakararami, ngunit naisip ko na sa halip ay kailangan kong maging isang mabuting halimbawa.

Noong tinedyer ako, may mga pagkakataon na nahirapan akong ipamuhay ang ebanghelyo. Ang lugar na tinirhan ko ay walang gaanong miyembro ng Simbahan, at may mga pagkakataon na nahirapan akong manatili sa tamang landas dahil sa mga kaibigan kong hindi miyembro ng Simbahan.

“Ito ang dapat mong isuot; tugma ito sa kulay ng iyong mga mata,” sabi sa akin ng isa sa mga kaibigan ko bago sumapit ang araw ng sayawan. Itinaas niya ang isang damit na ipahihiram niya sa akin, pero walang manggas iyon. Nagpasiya akong isuot ang damit nang may jacket.

Pagdating ko sa sayawan, walang ibang may suot ng damit na may manggas, at pakiramdam ko ay namukod-tangi ako. Nang mainitan na ako nang husto, sinabi sa akin ng mga kaibigan ko na dapat kong hubarin ang jacket at mas maganda pa akong tingnan kung wala ito.

Nang magkaroon na ako ng katwiran na hubarin ang jacket, naalala ko ang aking patriarchal blessing. Sabi sa akin sa blessing ko na daranas ako ng maraming tukso at kung magpapatangay ako, marami ang susunod sa akin. Noon ko naisip na kailangan kong manatili sa tamang landas—hindi lamang para sa aking sarili kundi para din sa iba na gumagalang sa akin. Nagpasiya akong huwag hubarin ang jacket.

May mga pagkakataon na pinagtawanan ako dahil hindi ko ginagawa ang ginagawa ng lahat, pero nanatili akong matibay at pinagpala ako dahil doon. Kalaunan ay nalaman ko na maraming tao ang gumalang sa akin. Sinabi pa sa akin ng ilan sa mga kaibigan ko na iginagalang nila ako dahil sinusunod ko ang aking mga pamantayan. Humingi sila ng paumanhin dahil pinahirapan nila ako sa hindi ko paggawa ng ginagawa ng lahat sa high school.

Dahil sinunod ko ang mga pamantayan ng Simbahan at sinikap kong maging magandang halimbawa, nakapagmisyon ako at nakapagturo ng ebanghelyo sa iba. Hindi ko sana naimpluwensyahan ang iba kung hindi ako nanatili sa tamang landas.