2013
Ang Munting Missionary ni Lola Deny
Abril 2013


Ang Munting Missionary ni Lola Deny

Si Emília Maria Guimarães Correa ay nakatira sa Federal District, Brazil.

“Kapag ang isang tao ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito sa puso ng mga anak ng tao” (2 Nephi 33:1).

Tumira si Vítor sa piling ng kanyang ina at kapatid na babae sa bahay ng kanyang Lola Deny. Nagkasakit ang lola ni Vítor at naratay sa kama nang maraming linggo. Nalungkot siya dahil nag-iisa siya sa kanyang kuwarto.

Ipinasiya ni Vítor na samahan si Lola Deny. Araw-araw pag-uwi mula sa paaralan, dinadala niya ang kopya ng Liahona sa kuwarto ni Lola at binabasahan ito ng mga kuwento mula sa mga pahinang pambata.

Matapos basahin ang lahat ng kopya ng Liahona ng kanyang pamilya, sinimulan niya itong basahan ng Aklat ni Mormon at Biblia. Si Lola Deny ay hindi miyembro ng Simbahan, pero gustung-gusto niyang basahan siya ni Vítor. Natutuwa siyang matuto tungkol sa ebanghelyo.

Maraming tanong si Lola. Kung hindi alam ni Vítor ang sagot, tinatanong niya ang kanyang Primary teacher o naghahanap siya sa mga banal na kasulatan. Tinawag ni Lola si Vítor na kanyang munting missionary.

Sinabi ni Lola Deny kay Vítor na marami siyang natutuhan sa kanya. Nangako siya na sasama siyang magsimba paggaling niya. Gusto niyang gumaling dahil sa natutuhan niya at nais niyang pag-aralan ang iba pa tungkol sa ebanghelyo.

Nang gumaling si Lola, tumupad siya sa pangako. Sumama siyang magsimba kay Vítor para matutuhan ang iba pa tungkol sa naituro nito sa kanya. Hindi nagtagal, natanggap ni Lola ang binyag at kumpirmasyon. Natulungan siya ni Vítor na malaman na ang ebanghelyo ay totoo.

Nang malaki na si Vítor, naging full-time missionary siya sa Boston Massachusetts Mission. Bago siya lumisan, nagpunta siya sa templo—kasama si Lola Deny.

Mga larawan sa kagandahang-loob ni Emilia Maria Guimarães Correa