Bakit Kailangan Natin ang Aklat ni Mormon
Maaari kayong tanungin ng ilang tao kung bakit kailangan natin ang Aklat ni Mormon samantalang mayroon na tayong Biblia. Katunayan, nagpatotoo si Jesucristo na mangyayari ito (tingnan sa 2 Nephi 29:3). Maraming dahilan kung bakit mahalaga ang Aklat ni Mormon sa ating panahon (halimbawa, tingnan sa 2 Nephi 29:7–11). Narito ang ilang dahilan kung bakit ito mahalaga.
Isa Pang Saksi ni Jesucristo
Ipinakikita sa atin ng mga banal na kasulatan ang huwaran sa paggamit ng maramihang saksi para maitatag ang katotohanan sa Simbahan ni Cristo. Ang Aklat ni Mormon ay pumapangalawa sa Biblia sa pagsaksi sa katotohanan ni Cristo. Sinabi minsan ni Elder Mark E. Petersen (1900–84) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pangunahing dahilan kaya tayo may Aklat ni Mormon ay, sa bibig ng dalawa o tatlong saksi mapapatunayan ang lahat ng bagay. (Tingnan sa II Cor. 13:1.) Mayroon tayong Biblia; mayroon din tayong Aklat ni Mormon. Sila ang bumubuo sa dalawang tinig—dalawang aklat ng banal na kasulatan—mula sa dalawang lubhang magkahiwalay na sinaunang mga tao, na kapwa nagpapatotoo sa kabanalan ng Panginoong Jesucristo.”1 Idinagdag pa ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), “Hindi natin dapat kalimutan na ang Panginoon mismo ang nagbigay ng Aklat ni Mormon bilang pangunahin Niyang saksi.”2
Ang Kabuuan ng Ebanghelyo
Alam natin na may “malilinaw at mahahalagang bagay … na inalis” sa Biblia sa paglipas ng panahon (1 Nephi 13:40). Nililinaw ng Aklat ni Mormon ang doktrina ni Cristo at inihahatid muli ang kabuuan ng ebanghelyo sa lupa (tingnan sa 1 Nephi 13:38–41). Halimbawa, tinutulungan tayo ng Aklat ni Mormon na malaman na ang binyag ay kailangang isagawa sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig (tingnan sa 3 Nephi 11:26) at na hindi kailangang binyagan ang maliliit na bata (tingnan sa Moroni 8:4–26).
Pinakamahalaga sa Ipinanumbalik na Simbahan
Nagpatotoo si Joseph Smith na ang Aklat ni Mormon “ang saligang bato ng ating relihiyon.”3 Yamang alam natin ito, mukhang hindi lamang nagkataon na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay itinatag noong Abril 6, 1830, 11 araw lamang matapos unang lumabas ang Aklat ni Mormon na mabibili ng publiko noong Marso 26, 1830. Ang Simbahan ay hindi itinatag hangga’t wala ang saligang banal na kasulatan nito sa mga miyembro.
Isang Pagpapala sa Ating Buhay
Tungkol sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Joseph Smith na, “ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”4 May kapangyarihan itong baguhin ang mga buhay—pati na ang sa inyo at sa mga binabahaginan ninyo ng Aklat ni Mormon. Pinatotohanan ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan na, “Talagang may epekto ang Aklat ni Mormon sa inyong pagkatao, lakas, at katapangan na maging saksi ng Diyos. Ang doktrina at magigiting na halimbawa sa aklat na iyon ay magpapasigla, gagabay, at magpapalakas ng inyong loob. … Ang mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon ay magpapatatag ng pananampalataya sa Diyos Ama, sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, at sa Kanyang ebanghelyo. Patatatagin nito ang inyong pananampalataya sa mga propeta ng Diyos, noon at ngayon. … Mas ilalapit kayo nito sa Diyos kaysa anupamang ibang aklat. Patitinuin nito ang buhay.”5