Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary
Ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa mga Huling Araw
Magagamit ninyo ang aralin at aktibidad na ito para matutuhan pa ang iba tungkol sa tema ng Primary sa buwang ito.
Kunwari’y papunta kayo sa isang treasure hunt. Saan kayo hahanap ng kayamanan? Paano ninyo ito matatagpuan? Mayroon kayang treasure box? Ano kaya ang nasa loob niyon?
Ang ilang treasure box ay may magandang alahas at mamahaling mga barya. Ngunit bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, may kayamanan tayong mas mahalaga pa riyan: ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Maraming taong hindi nakaaalam sa kayamanang ito, kaya isa sa mga tungkulin natin ang iparating ito sa maraming tao hangga’t kaya natin.
Pagkamatay ni Jesus at ng Kanyang mga Apostol, ilang mahahalagang turo at ordenansa ng ebanghelyo ang nawala o binago, kabilang na ang binyag, awtoridad ng priesthood, mga templo, buhay na mga propeta, at sakramento.
Lahat ng kayamanang ito ng ebanghelyo ay ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan nang manalangin siya para malaman ang katotohanan.
Kalauna’y tinanggap ni Joseph ang mga laminang ginto at isinalin ang mga ito na siyang naging Aklat ni Mormon. Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng mga turong pinakaiingatan natin dahil ipinaliliwanag nito ang mga katotohanang minsa’y nawala. Tumatanggap tayo ng maraming pagpapala dahil nasa atin ang mga katotohanang ito ng ebanghelyo.
Napakahahalagang kayamanan nito!