Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ano ang Tunay na Kaibigan?
Ang kahulugan ng isang kaibigan ay nagbago na sa mundo ngayong nakakonekta na tayong lahat sa isa’t isa sa tulong ng teknolohiya. Maaari nating isipin ngayon na marami tayong “kaibigan.” Totoo iyan: may kakayahan nga tayong malaman at malaman palagi ang nangyayari sa buhay ng marami sa ating mga kakilala gayundin sa kasalukuyan at dating mga kaibigan at maging ng mga taong hindi pa natin nakikilala nang personal na tinatawag nating mga kaibigan.
Sa konteksto ng social media, ang katagang “kaibigan” ay madalas gamitin sa paglalarawan ng mga contact sa halip na mga ugnayan. May kakayahan kayong magpadala ng mensahe sa inyong “mga kaibigan,” ngunit hindi ito katulad ng pagkakaroon ng ugnayan sa isang tao nang harapan.
Kung minsan abala tayo sa pagkakaroon ng mga kaibigan. Marahil dapat tayong magtuon sa pagiging isang kaibigan.
Maraming kahulugan ang pagiging kaibigan. Hinding-hindi ko malilimutan ang sinabi ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol nang magsalita siya tungkol sa kahulugan ng pagiging kaibigan at ng malaking impluwensya ng mga kaibigan sa ating buhay. Ang kanyang pakahulugan ay nagkaroon ng walang-hanggang epekto sa buhay ko. Sabi niya, “Ang mga kaibigan ay mga taong tumutulong upang madaling ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.”1 Sa ganitong pananaw, paghahangad sa pinakamabuting kapakanan ng ibang tao ang kahulugan ng tunay na pagkakaibigan. Ito ay pag-una muna sa ibang tao. Ito ay pagiging tunay na tapat, at may dangal sa bawat kilos. Marahil ang salitang tapat sa pangako ang nagsisiwalat sa tunay na kahulugan ng pagkakaibigan.
Noong 15 taong gulang ang anak kong si Emi, nagpasiya siya kung anong uri ng mga kaibigan ang kanyang hahanapin. Isang umaga napansin kong nakabuklat ang kanyang Aklat ni Mormon sa Alma 48. Minarkahan niya ang mga talatang naglalarawan kay Kapitan Moroni: “Si Moroni ay isang malakas at makapangyarihang lalaki; siya ay isang lalaking may ganap na pang-unawa. … Oo, at siya’y isang lalaking di matitinag sa pananampalataya kay Cristo” (mga talata 11, 13). Sa gilid ng pahina isinulat niya, “Nais kong makipagdeyt at makasal sa isang lalaking kagaya ni Moroni.” Nang pagmasdan ko si Emi at ang uri ng kabataang lalaking kahalubilo niya at kalaunan ay kadeyt niya pagsapit niya sa edad na 16, nakita ko na halimbawa siya mismo ng mga katangiang iyon at tinulungan ang iba na mamuhay ayon sa kanilang identidad bilang mga anak ng Diyos, mayhawak ng priesthood, at ama at lider sa hinaharap.
Ang mga tunay na kaibigan ay iniimpluwensyahan ang mga nakakasama nila na “taasan pa ang pamantayan [at] higit pang magpakabuti.”2 Matutulungan ninyo ang isa’t isa, lalo na ang mga kabataang lalaki, na maghanda para sa at maglingkod nang marangal sa misyon. Matutulungan ninyo ang isa’t isa na manatiling malinis ang moralidad. Ang inyong mabuting impluwensya at pakikipagkaibigan ay maaaring magkaroon ng walang-hanggang epekto hindi lamang sa buhay ng mga nakakasalamuha ninyo kundi maging sa darating na mga henerasyon.
Tinawag ng Tagapagligtas na mga kaibigan ang Kanyang mga disipulo. Sabi niya:
“Ito ang aking utos, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo.
“Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan.
“Kayo’y aking mga kaibigan, kung gawin ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo.
“Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin; sapagka’t hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang Panginoon: nguni’t tinatawag ko kayong mga kaibigan; sapagka’t ang lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay mga ipinakilala ko sa inyo” (Juan 15:12–15; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Kapag ipinamuhay at ibinahagi ninyo ang ebanghelyo ni Jesucristo, maaakit ninyo ang mga taong magnanais na maging kaibigan ninyo—hindi basta isang contact sa social media site kundi ang uri ng kaibigang inihalimbawa ng Tagapagligtas sa Kanyang mga salita at halimbawa. Sa pagpupunyagi ninyong maging kaibigan sa iba at habang pinaniningning ang inyong liwanag, ang inyong impluwensya ay magpapala sa buhay ng maraming nakakasama ninyo. Alam ko na kapag nagtuon kayo sa pakikipagkaibigan sa iba, ayon sa pakahulugan ng mga propeta at sa halimbawa sa mga banal na kasulatan, kayo ay liligaya at magiging mabuting impluwensya sa mundo at balang-araw ay tatanggapin ninyo ang maluwalhating pangakong binanggit sa mga banal na kasulatan tungkol sa tunay na pagkakaibigan: “At yaon ding lipunan na umiiral sa atin dito ang iiral sa atin doon, lamang ito ay may kakabit na walang hanggang kaluwalhatian” (D at T 130:2).