2013
Pag-unawa sa Binyag
Abril 2013


Mga Bata

Pag-unawa sa Binyag

Sino ang magbibinyag sa akin?

Ang sinumang magbibinyag sa iyo ay kailangang mayhawak ng priesthood—ang kapangyarihan na kumilos sa pangalan ng Diyos. Noong gusto ni Jesus na magpabinyag, nagpunta Siya kay Juan Bautista, na nagtataglay noon ng priesthood (tingnan sa Mateo 3:13).

Ang taong magbibinyag sa inyo ay hihingi ng pahintulot mula sa inyong bishop o branch president.

Kailangan ba akong ilubog sa tubig para mabinyagan?

Si Jesus ay bininyagan sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, ibig sabihin talagang nakalubog Siya sa tubig at kaagad na umahon muli (tingnan sa Mateo 3:16). Sa ganitong paraan ka bibinyagan. Ang pagpapabinyag sa ganitong paraan ay nagpapaalala sa atin na tinatalikuran na natin ang dati nating buhay at nagsisimula ng bagong buhay na ilalaan sa paglilingkod sa Diyos at sa Kanyang mga anak.

Ano ang mga pangakong gagawin ko kapag bininyagan ako?

Kapag bininyagan ka, gagawa ka ng tipan, o pakikipagpalitan ng pangako, sa Ama sa Langit. Nangangako ka sa Kanya na gagawin mo ang partikular na mga bagay, at nangangako Siyang pagpapalain ka. Ang tipan na ito ay nakalarawan sa mga panalangin ng sakramento na binibigkas tuwing Linggo (tingnan sa D at T 20:77–79). Ang pangako mo:

  • Aalalahanin si Jesucristo.

  • Susundin ang Kanyang mga kautusan.

  • Tataglayin mo sa iyong sarili ang pangalan ni Cristo, na ibig sabihin ay uunahin mo ang Kanyang gawain sa iyong buhay at gagawin ang nais Niya sa halip na gawin ang gusto ng daigdig.

Sa pagtupad mo sa pangakong ito, nangangako ang Ama sa Langit na makakasama mo ang Espiritu Santo at patatawarin ang iyong mga kasalanan.

Ano po ang Espiritu Santo?

Ang kaloob na Espiritu Santo ay isa sa pinakamahahalagang kaloob ng Ama sa Langit. Ang iyong binyag sa tubig ay hindi kumpleto hangga’t hindi ka nabibigyan ng basbas ng kalalakihan na mayhawak ng Melchizedek Priesthood para tanggapin ang Espiritu Santo (tingnan sa  Juan 3:5).

Ang Espiritu Santo ay miyembro ng Panguluhang Diyos. Nagpapatotoo Siya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at tinutulungan tayong malaman ang totoo. Tinutulungan Niya tayo na maging matatag ang ating espiritu. Binabalaan Niya tayo kapag may panganib. Tinutulungan Niya tayong matuto. Matutulungan tayo ng Espiritu Santo na madama ang pag-ibig ng Diyos.

Kapag nakumpirma kang miyembro ng Simbahan, maaaring palaging mapasaiyo ang Espiritu Santo kung pipiliin mo ang tama.

Bakit kailangang walong taong gulang ako para mabinyagan?

Itinuturo ng Panginoon na ang mga bata ay hindi dapat binyagan hangga’t wala sila sa hustong edad para maunawaan ang pagkakaiba ng tama at mali, na sinasabi ng mga banal na kasulatan na walong taong gulang (tingnan sa Moroni 8:11–12; D at T 29:46–47; 68:27).

Photo © Dynamic Graphics; mga paglalarawan nina David Stoker, Matthew Reier, at Sarah Jenson