Nilibot ng mga Young Women at Relief Society General Leader ang Asia Area
Sa loob ng siyam na araw noong Nobyembre 2012, tinuruan at binigyang-inspirasyon nina Mary N. Cook, unang tagapayo sa Young Women general presidency, at Linda S. Reeves, pangalawang tagapayo sa Relief Society general presidency, ang mga bata at matatandang kababaihan sa buong Asia Area.
Ang paglalakbay ay kasabay ng balita tungkol sa binagong kurikulum ng mga kabataan, ang Come, Follow Me, na sinimulang gamitin sa mga Young Men, Young Women, at youth Sunday School class noong Enero 2013. Ang bagong kurikulum ay nilayon upang tulungan ang mga guro na makapagturo nang higit na katulad ng Tagapagligtas at magkaroon ng matibay na pakikipag-ugnayan sa mga miyembro ng klase.
Matapos bumisita sina Sister Cook at Sister Reeves sa Asia Area, maraming kabataang taga-Asia at mga magulang nila ang nagsabi na mas nahihikayat sila ngayong dalisayin at baguhin ang tuon nila sa buhay at maging halimbawa sa kanilang komunidad.
Sa Hong Kong, nangako si Sister Reeves sa mga kabataan, “Kung mananatili kayong malinis sa inyong buhay, makatatayo kayo nang may tiwala sa sarili sa harap ng sinuman!”
Nabigyang-inspirasyon sa kanyang mga salita, sinabi ng 12-taong-gulang na si Tang Kak Kei pagkatapos ng pulong, “Alam ko na kailangan kong basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw. Pagkatutong magsisi at mamuhay nang matwid ang naituro sa akin ng Para sa Lakas ng mga Kabataan na gawin ko para makita ang Liwanag ni Cristo at tunay na kaligayahan sa akin.”
Sa India, pinulong ni Sister Cook ang mga miyembro sa bagong meetinghouse sa Chennai India District at ang mga miyembro ng bagong Hyderabad India Stake at pinayuhan ang mga young adult na maghanda para sa hinaharap. “Pahusayin ang inyong sarili sa pag-aaral,” paghikayat niya, “na may mga kasanayang tutulong sa inyo na maitayo ang kaharian. Magtuon sa inyong pamilya at sa magagawa ninyo upang mapagpala ang mga miyembro ng inyong pamilya, at sa inyong espirituwal na kahandaan upang maging karapat-dapat kayo sa mga espirituwal na pahiwatig at malaman ninyo kung saan kayo pupunta at ano ang gagawin.”
Sa Indonesia, nakibahagi si Sister Reeves sa unang stake conference ng bagong Surakarta Indonesia Stake. “Nadama namin ang kanilang mapagkumbaba at mapagmahal na espiritu. Kaytatapat na mga miyembro!” wika niya.
Pagkatapos ay binisita ni Sister Reeves ang Malaysia, kung saan tinalakay niya sa isang grupo ng kababaihan ng Relief Society ang pinakamahahalagang isyu para sa Relief Society bilang isang organisasyon sa Malaysia at kung paano makapagbibigay ng patnubay at inspirasyon ang Simbahan.
Sa Taiwan, pinuri ni Sister Reeves ang katatagan at katapatan ng mga miyembro sa lugar. “Napakasaya naming malaman na tapat silang namumuhay at palagi silang nagpupunta sa templo. … Ang mga miyembro ay magagandang halimbawa sa kanilang mga kaibigan at kapitbahay,” wika niya.