Pandaigdigang Pagsasanay sa Pamumuno—Isang Bagong Pamamaraan sa Pangangasiwa
Sa darating na mga buwan, ang mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo ay makikibahagi sa isang nakasisiglang bagong pamamaraan ng pangangasiwa sa Pandaigdigang Pagsasanay sa Pamumuno.
Hindi tulad ng mga nakaraang pulong sa pagsasanay, ang Pandaigdigang Pagsasanay sa Pamumuno sa taong ito ay hindi ibobrodkast sa iisang kaganapan para sa mga lider ng ward at stake. Sa halip, hahatiin ito sa siyam na maiikling segment—sa DVD at sa LDS.org—na naghihikayat ng talakayan sa lahat ng lider, miyembro, at pamilya sa buong taong ito at sa mga susunod pa.
Ang tuon ng pagsasanay ay “Pagpapatatag ng Pamilya at Simbahan sa pamamagitan ng Priesthood.” Sa pagsasanay, ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, kasama ang iba pang mga General Authority at pangkalahatang opisyal, ay nagbibigay ng inspiradong tagubilin tungkol sa:
-
Kung paano maaaring makatagpo ng katatagan at kapayapaan ang mga pamilya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood.
-
Kung paano matutulungan ang bawat pamilya na makatanggap ng mga pagpapala ng priesthood.
-
Kung paano patatatagin ng mga mayhawak ng priesthood ang mga tahanan at pamilya.
-
Kung paano maglilingkod sa paraang katulad ng kay Cristo.
-
Kung paano palalakihin ang mga anak sa liwanag at katotohanan.
Lahat ng unit ng Simbahan ay tatanggap ng mga kopya ng DVD, at hinihilingan ang mga ward at stake council na panoorin ang kabuuan nito. Pagkatapos nito ay dapat silang mag-usap-usap kung paano tutulungan ang mga miyembro ng ward at stake na makinabang sa tagubilin.
Sa mga pulong at klase, maaaring panoorin at talakayin ng mga miyembro ang bawat segment ng DVD. Maaaring panoorin ng mga pamilya at indibiduwal ang mga segment, pati na ang karagdagang mga pagkukunan para mapagbuti pa ang kanilang pag-aaral, sa wwlt.lds.org.
Sa bawat sitwasyon, ang pinakamagandang bahagi ng pagsasanay ay mangyayari kapag tapos na ang isang segment at nagsisimula na ang talakayan. Kapag pinagnilayan, ibinahagi, at pinatotohanan ng mga lider, miyembro, at pamilya ang kanilang narinig at nadama, bibigyang-inspirasyon sila at tuturuan ng Espiritu Santo kung paano gagamitin ang tagubilin sa sarili nilang mga sitwasyon. Sa pamamagitan ng mga karanasang ito, ang Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay na ito ay makakatulong sa pagpapatatag ng mga pamilya at Simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo.