2013
Mga Tanong at mga Sagot
Abril 2013


Mga Tanong at mga Sagot

“Paano ko ipaliliwanag sa aking kaibigan na masamang labagin ang batas ng kalinisang-puri?”

Nais ng Ama sa Langit na lumigaya tayo at maging karapat-dapat sa Kanyang Espiritu, kaya binigyan Niya tayo ng mga utos para manatiling nakaayon ang ating iniisip, sinasabi, at ginagawa sa mga wastong hangganan. Ang batas ng kalinisang-puri ay nakakatulong upang ang kapangyarihan ng pagkakaroon ng anak ay manatili sa pagitan ng mag-asawa. Ang isang dahilan kaya Niya iniutos na sa pagitan lamang ng mag-asawa ipahayag ang kapangyarihan ng pagkakaroon ng anak ay dahil “ang mga anak ay may karapatang isilang sa loob ng matrimonyo.”1

Mabibigyan mo ng kopya ng Para sa Lakas ng mga Kabataan ang kaibigan mo. Naroon ang ilang dahilan kung bakit mabuting sundin ang batas ng kalinisang-puri: “Kapag malinis ang inyong puri, inihahanda ninyo ang inyong sarili sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa templo. Naihahanda ninyo ang sarili sa pagbuo ng matatag na samahan ng mag-asawa at sa pagluluwal ng mga sanggol sa mundo bilang bahagi ng walang hanggan at mapagmahal na pamilya. Napapangalagaan ninyo ang inyong sarili mula sa espirituwal at emosyonal na pinsalang laging kaakibat ng pakikipagtalik sa hindi ninyo asawa. Pinoprotektahan din ninyo ang inyong sarili mula sa mga nakapipinsalang sakit. Ang pananatiling malinis ang puri ay makatutulong sa inyo na maging tiwala at tunay na maligaya at nagpapalakas sa inyong kakayahang gumawa ng mabubuting desisyon ngayon at sa hinaharap.”2

Ang Templo

Ang ating Ama sa Langit ay may banal na layunin para sa ating lahat, at ang layuning iyan ay matutupad sa templo. Dapat tayong maging karapat-dapat na pumasok sa templo para mabuklod ang ating pamilya magpakailanman. Muli tayong mabubuhay sa piling ng ating Ama sa Langit, at higit sa lahat ay magkakaroon tayo ng walang-katapusang kagalakan, na hindi makakamtan ng mga taong hindi karapat-dapat.

Alofa M., edad 18, Samoa

Pagsasama ng Mag-asawa at Pamilya

Hinihikayat tayong maging dalisay ang puri para maging karapat-dapat tayong pumasok sa templo at tumupad ng mga sagradong tipan. Kung susundin natin ang batas ng kalinisang-puri, magiging matatag ang pagsasama ng mag-asawa at pamilya sa hinaharap. Laging nariyan si Satanas para tuksuhin tayo, ngunit sa pamamagitan ng panalangin, mga banal na kasulatan, at mabubuting kaibigan, malalabanan natin ito.

Resty M., edad 16, Philippines

Masasamang Kahihinatnan

Maraming masasamang kahihinatnan ang paglabag sa batas ng kalinisang-puri, ngunit hindi mo natututuhan ang lahat ng ito sa klaseng pangkalusugan. Ang paglabag sa batas ng kalinisang-puri ay maglalayo sa Espiritu sa buhay mo, makakasakit sa mga taong malapit sa iyo, at hindi maganda ang tingin mo sa iyong sarili. Iminumungkahi kong panoorin mo ang Mormon Messages video na pinamagatang “Chastity: What Are the Limits?” [sa youth.lds.org sa English, Portuguese, at Spanish].

Matthew T., edad 17, Utah, USA

Kadalisayan at Paggalang

Sa pagsunod sa batas ng kalinisang-puri, nananatili tayong dalisay sa paningin ng Diyos, iginagalang natin ang ating sarili, at tinutulungan natin ang iba na igalang din tayo. Kung susundin natin ang batas ng kalinisang-puri, ipinapakita natin na tayo ay mga anak ng Diyos at sumusunod tayo sa matataas na pamantayan. Maiiwasan nating magsisi sa huli. Kung susundin natin ang ating Ama sa Langit, lalo na hinggil sa batas na ito, mas liligaya ang buhay natin dito sa lupa at sa mundong darating.

Alyana G., edad 19, Philippines

Isang Sagradong Kaloob

Kung babalewalain natin ang kaloob na pagkakaroon ng anak, ang natatanging kaloob na ito mula sa Diyos ay ituturing na karaniwang bagay. Sa tingin ko ay hindi kapaki-pakinabang ang magbigay ng isang kaloob kung hindi iniisip ng taong pinagbigyan mo na ito ay espesyal. Kailangang ituring ng isang tao na sagrado ang pagkakaroon ng anak; sapagkat lahat tayo ay mga templo ng Diyos at dapat tayo manatiling malinis at dalisay na katulad ng templo.

Jaron Z., edad 15, Idaho, USA

Ang Espiritung Kapiling Natin

Kapag nanatili kang malinis mula sa kasalanan, magiging mas masaya ka at pagpapalain ka. Ang ating katawan ay parang mga templo, at ang Ama sa Langit ay “hindi nananahanan sa mga templong hindi banal” (Alma 7:21). Kaya kapag nanatili tayong malinis mula sa kasalanan, makakapanahan ang Espiritu sa atin.

Maryann P., edad 14, Arkansas, USA

Mahahalagang Tanong

Sagutin mo ang tanong ng kaibigan mo sa pagtatanong ng ilang bagay: “Paano kung pinagmamasdan ka ngayon ng mapapangasawa mo?” Lahat ng tao na narinig kong lumabag sa batas ng kalinisang-puri ay nagsisi sa huli. “Paano kung tanungin ka ng magiging anak mo kung nilabag mo ang batas na kalinisang-puri?” Kailangang malaman ng kaibigan mo kung gaano kahalaga ang batas ng kalinisang-puri ngayon, bago pa itanong iyan ng anak niya. Kailangan mong manatiling malinis at dalisay para mabuhay nang masaya at malusog nang hindi binabagabag ng iyong budhi na nilabag mo ang sagradong batas na ito.

Robyn K., edad 13, Utah, USA

Kabanalan at Kalinisang-puri

Natutuwa ang Panginoon sa kabanalan at kalinisang-puri, at lahat ay dapat mangyari sa tamang panahon. Ang batas ng kalinisang-puri ay isang utos mula sa Panginoon. Pagdarasal at patnubay ng Espiritu ang perpektong kumbinasyon para malaman na ang kalinisan ng puri ay isang pagpapala.

Selene R., edad 18, Nicaragua

Sa Loob ng Kasal

Ipaliliwanag ko sa kaibigan ko na masamang labagin ang batas ng kalinisang-puri dahil ang kapangyarihan ng pagkakaroon ng anak ay ginagamit lamang ng mag-asawang legal na ikinasal. Kapag nilabag natin ang batas ng kalinisang-puri, nawawala ang Espiritu Santo sa ating buhay.

Augustina A., edad 15, Ghana

Mga Tala

  1. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  2. Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011), 35.