Mga Ideya para sa Family Home Evening
Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na magagamit sa family home evening. Narito ang ilang halimbawa.
“Ang Misyon at Ministeryo ni Jesucristo,” pahina 18: nagbahagi si Elder Russell M. Nelson ng limang aspeto ng buhay ni Jesucristo na maaari nating tularan. Isiping talakayin ang mga aspetong ito at kung paano ninyo ipamumuhay ang mga ito. Maaari ninyong basahin ang isang kuwento sa mga banal na kasulatan na hango sa buhay ng Tagapagligtas o manood ng Bible video (biblevideos.lds.org) na naglalarawan sa isa sa mga aspetong iyon. Maaari kayong magtapos sa pagpapatotoo tungkol sa Kanyang buhay at ministeryo at pagkanta ng “Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan” (Mga Himno, blg. 80).
“Ano ang Tunay na Kaibigan?” pahina 52: Maaari mong simulan sa pagsasabing, ano ang tunay na kaibigan? Basahin ang pakahulugan ni Elder Robert D. Hales at talakayin kung ano dapat tayong uri ng kaibigan. Isiping magkuwento ng karanasan kung kailan may isang tao na naging tunay na kaibigan mo, at banggitin ang mga katangian na makatutulong sa mga miyembro ng pamilya na maging mas mabubuting kaibigan sa iba.
“Pagbubunyi sa mga Templo!” pahina 62: Kasama ang inyong pamilya, tingnan ang mga larawan ng iba’t ibang paraan ng pagdiriwang ng mga bata sa templo. Isiping ipakita ang retrato ng templong pinakamalapit sa inyo at banggitin kung bakit mahalaga ang mga templo. Bigyang-diin na sa mga templo lamang maaaring mabuklod ang mga pamilya. Maaari kayong magtapos sa pagkanta ng “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan” (pahina 188).
Sa Inyong Wika
Ang Liahona at iba pang mga materyal ng Simbahan ay makukuha sa maraming wika sa languages.lds.org.