Sampung Paraan para Malaman na Kayo ay Nagbalik-loob
Si Tyler Orton ay nakatira sa Java, Indonesia.
Nalaman ko sa priesthood meeting na isa sa mga layunin ng Aaronic Priesthood ay tulungan tayong “magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo at mamuhay ayon sa mga turo nito.”1 Hindi ko tiyak kung ano ang kahulugan ng “magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo.” Tinanong ko ang aking mga magulang at nakatatandang mga kapatid kung ano sa palagay nila ang kahulugan niyon, at sama-sama naming tinalakay ang ilang paraan para malaman ninyo kung kayo ay nagbabalik-loob.
Malamang may iba pa, pero may naisip kaming 10 paraan. Dahil ang pagbabalik-loob ay habambuhay na proseso, hindi tayo kailangang maging perpekto ngayon sa bawat isa sa mga ito, ngunit maipapaalam nito sa atin kung sumusulong tayo.
-
Kapag kayo ay nagbalik-loob, hindi lamang ninyo alam kung ano ang dapat ninyong gawin kundi hangad din ninyong gawin ang mga tamang bagay. Hindi sapat ang basta iwasan lang na gumawa ng mali dahil takot kayong mahuli o maparusahan. Kung totoong nagbalik-loob nga kayo, talagang gusto ninyong piliin ang tama.
-
Ang isa pang tanda ng pagbabalik-loob ay wala na kayong hangaring gumawa ng mali. Magandang halimbawa nito ang mga Anti-Nephi-Lehi. Nang magbalik-loob sila sa ebanghelyo ni Cristo, sila ay “nakipagtipan sa Diyos na paglilingkuran siya at susundin ang kanyang mga kautusan” (Mosias 21:31). Gaya ng mga Nephita na tinuruan ni Haring Benjamin, sila ay “wala nang hangarin pang gumawa ng masama” (Mosias 5:2). Totoong nagbalik-loob nga sila sa ebanghelyo ni Cristo, at wala nang kapangyarihan ang mga tukso ni Satanas sa kanila.
-
Kapag kayo ay nagbalik-loob, mas aalalahanin ninyo kung ano ang iniisip ng Diyos kaysa iniisip ng iba tungkol sa inyo. Sa eskuwelahang pinapasukan ko sa Indonesia, mahilig uminom ng alak ang mga estudyante. Kung minsan nakakatuksong sumama sa party kapag ginagawa nilang lahat iyon at pinagtatawanan ka kapag hindi ka sumama. Maraming beses naanyayahang uminom at sumama sa party ang kapatid kong lalaki, ngunit kailanma’y hindi niya ginawa iyon—nanindigan siya sa kanyang pinaniniwalaan. Mahirap iyon, at maraming gabi siyang napag-isa sa bahay. Nang magpaalam ang mga estudyante noong graduation niya, sinabi sa kanya ng ilang tao kung gaano sila kamangha na napaglabanan niya ang pamimilit ng barkada at naging tapat siya sa kanyang mga pamantayan. Sinabi nila kung gaano kataas ang tingin nila sa kanya dahil doon. Ipinakita niya na nagbalik-loob siya sa pamamagitan ng paglaban sa pamimilit ng barkada.
-
Kapag nagbalik-loob kayo, gagawin ninyo ang lahat para laging maipamuhay ang ebanghelyo—hindi lamang tuwing Linggo o kapag madali ito para sa inyo kundi sa lahat ng oras. Hindi nagbabago ang mga kilos ninyo ayon sa kung sino ang kasama ninyo o nakamasid sa inyo. Kapag nagbitaw ng masamang biro o gustong manood ng malaswang pelikula ang inyong mga kabarkada, hindi kayo nakikihalo nang dahil lang sa walang nakamasid; sa halip ay naninindigan kayo sa inyong pinaniniwalaan.
-
Kapag kayo ay nagbalik-loob, mas mabait at mahabagin kayo sa pakikitungo sa iba. Hindi kayo nanghuhusga o namimintas o nagtsitsismis. Mas alam ninyo ang damdamin ng iba, at nagiging natural ang paghanap ninyo ng mga paraan para makapaglingkod at makatulong. Kung naglalakad kayo sa pasilyo ng inyong paaralan at nalaglag ng isang tao ang kanyang mga aklat, ni hindi na ninyo kailangang isipin kung ano ang gagawin. Kusa kayong titigil para tumulong.
-
Kapag kayo ay nagbalik-loob, nag-iibayo ang hangarin ninyong manalangin at pakiramdam ninyo ay talagang kausap ninyo ang Diyos kapag nagdarasal kayo. Lagi kayong mag-uukol ng oras para manalangin anuman ang pakiramdam ninyo o nangyayari sa inyong buhay. Sinabi sa atin ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), “Kung wala tayong ganang manalangin, dapat tayong manalangin hanggang sa magkagana tayong manalangin.”2
-
Kapag kayo ay nagbalik-loob, aasamin ninyo ang pagsapit ng Linggo dahil iyon ang Sabbath. Pagsapit ng Linggo, sa halip na isiping, “Naku, hindi na naman ako maaaring sumama sa barkada o manood ng sine,” iniisip ninyong, “Mabuti na lang, makakasimba na ako at makakapagtuon sa mga espirituwal na bagay at makakasama ang pamilya ko!”
-
Kapag nagbalik-loob kayo, sinusunod ninyo ang mga utos at hindi kayo nagdadahilan, nangangatwiran, o nagtatangkang humanap ng dahilan para suwayin ang mga utos. Hindi kayo nagmamalabis; sinusunod lang ninyo ang mga utos dahil alam ninyo na ito ang mas mabuting gawin.
-
Kapag nagbalik-loob kayo, inaasam ninyo ang pagbabayad ng inyong ikapu. Itinuturing ninyo itong pribilehiyo at nadarama ninyo na hindi naman malaki ang 10 porsiyento, lalo na kung ikukumpara sa mga pagpapala at kasiyahang natatamo ninyo. Ang mga pagpapalang ito ay mas mahalaga kaysa perang ibinayad ninyo.
-
Kapag kayo ay nagbalik-loob, malaki ang hangarin ninyong tulungan ang iba na malaman ang katotohanan at kaligayahang natagpuan ninyo. Ang isang magandang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan ay ang panaginip ni Lehi, kung saan nagkaroon siya ng gayon kalakas na hangaring ibahagi ang masarap na bunga ng puno ng buhay sa kanyang pamilya. Nang kainin niya ang bunga, ang una niyang naisip ay huwag kumuha ng marami para sa kanyang sarili kundi hanapin ang kanyang pamilya para sila man ay makakain ng bunga at madama ang kaligayahang nadama niya (tingnan sa 1 Nephi 8:12).
Bilang buod, alam ninyo na nagbabalik-loob kayo kapag sinimulan ninyong ipamuhay ang mas mataas na batas, ang ebanghelyo ni Jesucristo. Sinusunod ninyo nang lubusan ang batas para sa tamang mga dahilan. Ipinamumuhay ninyo ang ebanghelyo sa lahat ng aspeto ng inyong buhay. Ipinamumuhay ninyo ang ebanghelyo nang lubusan, hindi dahil sa kailangan kundi dahil sa gusto ninyo. Mas masaya at mas mabait kayo, at nais ninyong maging katulad ng taong nais ng Ama sa Langit na kahinatnan ninyo. Nais ninyong tularan si Jesucristo at sundin ang Kanyang halimbawa. Kapag naging gayon kayo, totoong nagbalik-loob na nga kayo.