2013
Saan Itinatag ang Simbahan
Abril 2013


Sa Daan

Saan Itinatag ang Simbahan

Samahan ninyo kami sa paglilibot sa isang mahalagang lugar sa kasaysayan ng Simbahan!

Kung nais makita nina Maggie at Lily E. kung saan unang itinatag ang Simbahan, hindi na nila kailangang lumayo. Katabi lang ito ng chapel sa Fayette, New York, kung saan sila nagsisimba tuwing Linggo!

Ang Simbahan ay hindi itinatag sa isang gusali ng simbahan, kundi sa isang bahay na yari sa troso. Nakitira si Propetang Joseph Smith sa bahay na iyon ng pamilya Whitmer noong 1829. Wala na ang orihinal na bahay, pero doon nakatayo ang bahay na ito na yari sa troso.

Ang gusaling sinisimbahan nina Maggie at Lily ay may visitors’ center na may mga displey tungkol sa bahay ng mga Whitmer at sa mga espesyal na pangyayari doon.

1. Dito tinapos ni Joseph Smith ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon.

2. Sa labas, di-kalayuan sa bahay, tatlong lalaki ang nakakita sa anghel na si Moroni at sa mga laminang ginto. Tinatawag silang Tatlong Saksi dahil nasaksihan, o nakita nila, ang mga lamina. Matatagpuan ninyo ang kanilang patotoo sa harapan ng Aklat ni Mormon.

3. Noong Abril 6, 1830, mga 60 katao ang dumating sa isang espesyal na pulong. Opisyal na itinatag ni Joseph Smith ang Simbahan, at binasbasan at ipinasa ang sakramento. Iyon ang unang sacrament meeting!

4. Kaagad pagkatapos ng pulong, bininyagan ang mga magulang ni Joseph Smith at iba pang mga tao sa labas.

Mga larawang kuha ni Brent Walton; mga paglalarawan ni Robert T. Barrett © IRI; Organisasyon ng Simbahan, ni Robert T. Barrett, hindi maaaring kopyahin