2013
Ang Espiritu Santo ay Umaalo, Nagbibigay-Inspirasyon, at Nagpapatotoo
Abril 2013


Ang Ating Paniniwala

Ang Espiritu Santo ay Umaalo, Nagbibigay-Inspirasyon, at Nagpapatotoo

Ang kaloob na Espiritu Santo ay isa sa mga pinakadakilang pagpapala na matatanggap natin sa buhay na ito, sapagkat ang Espiritu Santo ang umaalo, nagpapasigla, nagbababala, nagpapadalisay, at gumagabay sa atin. Mapupuspos Niya tayo ng “pag-asa at ganap na pag-ibig” (Moroni 8:26). Itinuturo Niya “ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5). Tumatanggap tayo ng paghahayag at mga espirituwal na kaloob mula sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang pinakamahalaga, natatanggap natin ang ating patotoo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Bago kayo nabinyagan, nadama ninyo paminsan-minsan ang Espiritu Santo. Ngunit tanging sa pagtanggap sa kaloob na Espiritu Santo pagkatapos ng inyong binyag ninyo matatamasa ang palagiang patnubay ng Espiritu Santo, kung kayo ay karapat-dapat. Ito ay kaloob na ibinigay ng isang mayhawak ng Melchizedek Priesthood sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay (tingnan sa Ang Mga Gawa 19:6; D at T 33:15). Bawat araw ng Sabbath pagkatapos niyon, maaari ninyong panibaguhin ang inyong mga tipan sa binyag sa pagtanggap ninyo ng sakramento at sa gayon ay tanggapin ang mga pagpapala ng Panginoon na “sa tuwina ay mapasa[inyo] ang Kanyang Espiritu” (D at T 20:77).

Ang Espiritu Santo, na madalas tukuyin bilang ang Espiritu, ang pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Ang Ama ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao; ang Anak din; subalit ang Espiritu Santo ay walang katawang may laman at mga buto, kundi isang personaheng Espiritu. Kung hindi ganito, ang Espiritu Santo ay hindi makapananahanan sa atin” (D at T 130:22).

“Sapagkat ang Espiritu ng Panginoon ay hindi nananahanan sa mga hindi banal na templo” (Helaman 4:24), kailangan tayong maging karapat-dapat sa Kanyang patnubay. Ginagawa natin ito sa pagkakaroon ng mabubuting kaisipan, pamumuhay nang may integridad, at paghahangad na sundin ang mga kautusan.

Matapos tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo, marami tayong magagawa para anyayahan ang Kanyang impluwensya sa ating buhay:

  • Manalangin.

  • Pag-aralan ang mga banal na kasulatan.

  • Karapat-dapat na makibahagi ng sakramento.

  • Sumamba sa templo.

  • Panoorin ang makabuluhang media, gamitin ang malinis na pananalita, at magkaroon ng malinis na kaisipan.

Mga paglalarawan nina Christina Smith, Eve Tuft, Cody Bell, at Matthew Reier