2013
Siya ay Nagbangon
Abril 2013


Mensahe ng Unang Panguluhan

Siya ay Nagbangon

Pangulong Henry B. Eyring

Ang patotoo na tunay na naganap ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay pinagmumulan kapwa ng pag-asa at determinasyon. At maaaring totoo ito sa sinumang anak ng Diyos. Nangyari ito sa akin isang araw ng tag-init noong Hunyo 1969 nang mamatay ang nanay ko, at nang sumunod na mga taon mula noon, hanggang sa muli ko siyang makita.

Ang kalungkutan sa panandaliang paghihiwalay ay agad napalitan ng kaligayahan. Higit pa ito sa pag-asa ng masayang muling pagsasama. Dahil maraming inihayag ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at dahil pinagtibay sa akin ng Espiritu Santo ang katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli, nakinita ko ang magiging tagpo kapag muli nating nakasama ang ating mga mahal sa buhay na pinabanal at nabuhay na mag-uli:

“Sila ang mga yaong babangon sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid. …

“Sila ang mga yaon na ang mga pangalan ay nakasulat sa langit, kung saan ang Diyos at si Cristo ang hukom ng lahat.

“Sila ang mga yaong matwid na tao na ginawang ganap sa pamamagitan ni Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, na nagsakatuparan ng ganap na pagbabayad-salang ito sa pamamagitan ng pagbubuhos ng kanyang sariling dugo” (D at T 76:65, 68–69).

Dahil kinalag ni Jesucristo ang gapos ng kamatayan, lahat ng mga anak ng Ama sa Langit na isinilang sa mundong ito ay mabubuhay na muli sa isang katawan na hindi kailanman mamamatay. Kaya ang ating patotoo sa maluwalhating katotohanang iyon ay makapapawi sa mapait na pagkawala ng mahal na miyembro ng pamilya o kaibigan at mapapalitan ito ng maligayang pag-asam at matatag na determinasyon.

Ibinigay ng Panginoon sa ating lahat ang kaloob na pagkabuhay na mag-uli, kung saan ang ating mga espiritu ay inilalagay sa katawan na walang mga pisikal na kapintasan (tingnan sa Alma 11:42–44). Ang nanay ko ay magmumukhang bata at puno ng sigla, ang mga epekto ng katandaan at matagal na paghihirap ng katawan ay mapapawi. Iyon ay darating sa kanya at sa atin bilang regalo.

Ngunit sa amin na gusto siyang makasama magpakailanman ay kailangang gumawa ng mga desisyon na magpapagindapat sa pagsasamang iyon, na mamuhay sa kaluwalhatian sa piling ng Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na nabuhay na mag-uli. Iyon lang ang lugar kung saan maaaring magpatuloy sa walang-hanggan ang buhay may-pamilya. Ang patotoo sa katotohanang iyon ay nakaragdag sa determinasyon ko na maging karapat-dapat ako at ang mga mahal ko sa pinakamataas na antas sa kahariang selestiyal sa pamamagitan ng biyaya ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa aming buhay (tingnan sa D at T 76:70).

Ginagabayan tayo ng Panginoon sa paghahangad natin ng buhay na walang-hanggan sa mga panalangin ng sakramento na nakatulong sa akin at makatutulong din ito sa inyo. Inaanyayahan tayong panibaguhin ang ating mga tipan sa binyag sa bawat sakrament miting.

Nangangako tayo na palaging aalalahanin ang Tagapagligtas. Ang mga sagisag ng Kanyang sakripisyo ay tutulong sa atin na mapahalagahan ang malaking kabayarang ginawa Niya upang makalag ang mga gapos ng kamatayan, alukan tayo ng awa, at maglaan ng kapatawaran sa lahat ng ating mga kasalanan kung pipiliin nating magsisi.

Nangangako tayo na susundin ang Kanyang mga kautusan. Sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta at pakikinig sa inspiradong mga tagapagsalita sa ating mga sakrament miting naaalala natin ang ating mga tipan na gayon ang gawin. Inihahatid ng Espiritu Santo sa ating puso at isipan ang mga kautusan na lubhang kailangang sundin sa araw na iyon.

Sa mga panalangin ng sakramento, nangangako ang Diyos na isusugo sa atin ang Espiritu Santo (tingnan sa Moroni 4:3; 5:2; D at T 20:77, 79). Natuklasan ko sa sandaling iyon na maaari akong personal na interbyuhin ng Diyos. Ipinaiisip Niya sa akin ang ginawa ko na nakalulugod sa Kanya, na kailangan kong magsisi at mapatawad, at ang mga pangalan at mukha ng mga taong nais Niyang paglingkuran ko para sa Kanya.

Sa paglipas ng mga taon, sa paulit-ulit na karanasang iyon ang pag-asa ay naging damdamin ng pagmamahal sa kapwa at nagbigay ng katiyakan na kahahabagan ako dahil sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas.

Pinatototohanan ko na si Jesus ang nagbangon na Cristo, ang ating Tagapagligtas, at ating perpektong halimbawa at gabay tungo sa buhay na walang-hanggan.

Pagtuturo mula sa Mensaheng Ito

Dapat nating “inihahalintulad [sa atin] ang lahat ng banal na kasulatan, upang ito ay maging para sa [ating] kapakinabangan at kaalaman” (1 Nephi 19:23). Isiping basahin ang mga panalangin sa sakramento, na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 20:76–79. Matapos basahin ang mga itinuro ni Pangulong Eyring tungkol sa mga panalangin sa sakramento, maaari mong anyayahan ang mga tinuturuan mo na mag-isip ng mga paraan upang magabayan ng mga panalanging ito ang kanilang buhay at tulungan silang makabalik sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Larawang kuha ni Matthew Reier; Siya’y Nagbangon, ni Del Parson, hindi maaaring kopyahin