Namatay ang Telepono
Seda Meliksetyan, Armenia
Noong Marso 1997, habang naninirahan sa Rostov-on-Don na isang lungsod sa Russia, nabinyagan kami ng asawa ko sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Habang inaaral ko ang mga doktrina ng Simbahan, marami sa mga tanong ko ang nasagot. Nakakatuwang malaman ang tungkol sa plano ng kaligtasan, pati na ang pagsasagawa ng binyag para sa mga patay. Nagulat ako na malaman na maaari tayong magpabinyag para sa namatay nating mga ninuno.
Isang taon matapos kaming binyagan, inanyayahan kami ng mission president na maghandang pumunta sa templo. Bilang bahagi ng aming paghahanda, sinimulan naming magsaliksik sa family history. Isang araw habang iniisip ko ang gawaing ito, tumunog ang telepono. Ang biyenan ko palang babae. Hiniling ko na kung puwede padalhan niya ako ng listahan ng mga yumaong ninuno ng asawa ko. Nagulat siya at sinabi sa akin na ang binyag para sa mga patay ay hindi doktrina ni Cristo kundi gawa-gawa lang ng mga Mormon. Hindi ko alam kung paano ko sasagutin ito dahil hindi ako pamilyar sa mga talata sa banal na kasulatan na sumusuporta sa doktrinang ito.
Habang iniisip ko kung paano ako sasagot, biglang namatay ang telepono. Hindi ko matiyak kung ano ang nangyari, pero ibinaba ko ang telepono at nagpunta sa silid ko. Kinuha ko ang Bagong Tipan, lumuhod para manalangin, at hiniling sa Ama sa Langit na ipakita sa akin kung saan ko matatagpuan ang sagot.
Pagkatapos kong magdasal, binuklat ko ang Biblia. Nadama kong may nagsabi sa akin na basahin ko ang talata 29 sa mismong pahina na nabuklat ko. Nasa kabanata 15 ako ng I Mga Taga Corinto, na nagbabanggit tungkol sa doktrina ng binyag para sa mga patay.
Naantig ako at nagulat na sinagot ng Ama sa Langit ang dasal ko nang sandaling iyon. Ang sarap ng pakiramdam.
Pinag-iisipan ko ang karanasang ito nang biglang tumunog ulit ang telepono. Ang biyenan ko ulit, at nagtatanong kung bakit pinatay ko ang telepono. Sinabi ko sa kanyang hindi ko alam at hiniling ko na buklatin niya ang kanyang Biblia at basahin ang I Mga Taga Corinto 15:29.
Makalipas ang ilang araw nasa mesa ko na ang listahan ng yumaong mga kamag-anak. Binasa ng biyenan ko ang talata at ngayon ay naniniwala na na ang Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Apostol Pablo, ang nagturo ng doktrina ng binyag para sa mga patay.
Nangako ang Diyos ng malalaking pagpapala sa mga gumagawa nitong gawain ng pagtubos. Alam kong ito ay totoo.