2013
Saan Ako Makakakuha ng Magasing Tulad Nito?
Abril 2013


Saan Ako Makakakuha ng Magasing Tulad Nito?

Sharon Rather, Nevada, USA

Habang nagbibiyaheng kasama ng pamilya ko mula sa Nevada, USA, papuntang Alaska, USA, kinausap ko ang isang matangkad, maganda, palakaibigang babae sa tapat ko.

Itinanong niya kung saan ako pupunta, at sinabi kong papunta kami sa Juneau, Alaska, para bisitahin ang aming anak at kanyang pamilya. Sinabi niyang galing siya sa Las Vegas. Saka madamdaming idinagdag niya na papunta siya sa Juneau para bisitahin ang kanyang mga biyenan at magdaos ng memorial service para sa kanyang asawa, na 20 taon niyang nakasama. Kamamatay lang niya dahil sa kanser.

Tumingin ako sa katapat ko at naisip ko kung gaano ako kapalad na malaman ang plano ng kaligtasan at maging temple worker sa Las Vegas Nevada Temple. Inisip ko kung ano ang magagawa ko para mapasigla ang babaing ito.

Walang anu-ano, bigla kong naalala ang sinabi ni Propetang Joseph Smith na ipinamigay ko sa Relief Society. Nang iorganisa niya ang Relief Society, napansin niya na ang kababaihan ay “matutugunan ang pangangailangan ng mga dayuhan; bubuhusan nila ng langis at alak ang sugatang puso ng naghihinagpis; papahirin nila ang mga luha ng mga ulila at pasasayahin ang puso ng balo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 530).

Minsan pa akong tumingin sa katapat ko. Nakita ko sa kanya ang balisang dayuhan, isang balong sugatan ang puso. Naaalala ko na nabasa ko ang Hulyo 2011 ng Ensign nang umagang iyon. Naglalaman ito ng nakasisiglang artikulo na naisip kong makahihikayat at makapapanatag sa kanya.

Nagtipon ako ng lakas ng loob, binuklat ang magasin sa isang artikulo, at hiniling na basahin niya ito. Minasdan ko siyang mabuti at nagulat ako na binasa niya ang bawat hanay—nang taimtim. Nang matapos siya, binasa niya ang isa pang artikulo.

Kitang-kita na may nakaantig sa puso niya. Niyakap niya nang mahigpit ang magasin at pinahid ang luha sa kanyang mata.

“Saan ako makakakuha ng magasing tulad nito?” tanong niya. Sinabi kong sa kanya na iyon. At marami pa siyang binasa.

Pagdating namin sa Juneau, hinawakan niya ako, tumitig sa mga mata ko, at sinabing, “Salamat.”

May natutuhan akong magandang aral mula sa karanasang iyon. Napalilibutan tayo ng mga dayuhan na may sugatang puso na nangangailangan ng panghihikayat at kailangang malaman ang nalalaman natin bilang mga Banal sa mga Huling Araw.