Pagyabong sa Matabang Lupa: Matatapat na Kabataan sa Uganda
Nanirahan si Cindy Smith sa Uganda habang nagtatrabaho roon ang kanyang asawa, at ngayon ay naninirahan na sila sa Utah, USA.
Nang tanggapin at ipamuhay nila ang ebanghelyo ni Jesucristo, nakita ng mga kabataan sa Uganda na yumabong ang pananampalataya at pag-asa sa buong paligid nila.
Sa kalagitnaan ng East Africa, ang magandang bansa ng Uganda ay biniyayaan ng kaburulan ng mga tubo at punong saging—at ng mga kabataang handang tanggapin at ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang unang stake sa Uganda ay itinatag noong 2010. Mabilis ang paglago ng Simbahan at marami ang kabataang lalaki at babae sa bawat ward at branch.
Pagsunod sa Pamantayan, Pagiging Huwaran
Nagkaroon ng inspirasyon ang mga kabataang babae sa isang ward sa mga turo ni Sister Elaine S. Dalton, Young Women general president, tungkol sa kabanalan: “Panahon na para bumangon at magladlad ng isang bandila sa mundo ang bawat isa sa atin na nananawagan na magbalik sa kabanalan.”1 Inakyat ng mga kabataang babae ang isang burol kung saan tanaw ang bayan at nagtaas ng mga ginintuang bandilang sumasagisag sa kanilang pangako na maging mabubuting halimbawa ng kabanalan. Sabay-sabay nilang kinanta ang “Sa Tuktok ng Bundok” (Mga Himno, blg. 4).
Itinaas na ng mga kabataang babaeng ito ang mga personal nilang pamantayan ng kabutihan. Ang kanilang pagsunod ay nagpalakas sa kanilang patotoo at nakaimpluwensya sa iba. Sabi ni Sister Dalton, “Huwag na huwag ninyong hamakin ang kapangyarihan ng inyong mabuting impluwensya.”2 At gaya ng isang bandila, ang halimbawa ng mga kabataang babaeng ito ay nakawagayway sa buong mundo.
Gaya ng maraming kabataang babae sa Uganda, naglalakad si Sandra ng mahigit isang milya papuntang simbahan, tumutulong sa paglilinis ng meetinghouse tuwing Biyernes, at dumadalo sa seminary tuwing Sabado. Sa buong linggo, gumigising siya bago mag-alas-5:00 n.u. para magbasa ng mga aklat, pagkatapos ay naglalakad papasok sa eskuwela, at umuuwi makalipas ang alas-6:00 n.g. Isang taon siyang hindi nakapag-aral dahil sa kahirapan ngunit hinarap niya ang kanyang mga hamon nang may magandang saloobin: “Talagang natulungan ako ng ebanghelyo na manatiling matatag at di-natitinag.”
Si Sandra lamang ang miyembro ng Simbahan sa kanilang pamilya, ngunit sinusuportahan siya ng kanyang mga magulang sa paglilingkod niya sa Simbahan, tulad ng pagtulong kapag nililinis ng ward ang bakuran ng isang lokal na bahay-ampunan. Nakikita ng kanyang pamilya kung paano siya napatatag ng ebanghelyo, kahit sa harap ng mga problemang hindi nalutas. Sa pag-iisip sa pinagmulan ng katatagang iyon, sinabi ni Sandra, “Kapag nagsisimba ako, pakiramdam ko parang nagsusuot ako ng kalasag ng Diyos” (tingnan sa Mga Taga Efeso 6:11–17).
Kailan lang nabinyagan, mahal ni Susan ang Simbahan. Katutubo ng South Sudan, tinakasan ng kanyang pamilya ang mga paghihirap at pinagpalang makausap ang mga missionary sa Uganda. Bilang refugee, nakasumpong siya ng kapayapaan at proteksyon sa ebanghelyo. Tuwing Linggo dinadala niya ang kanyang nakababatang mga kapatid sa simbahan, gayundin ang hanggang 10 iba pang mga batang hindi miyembro ng Simbahan. Pagkaraan ng di-inaasahang pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya, nagbalik siya sa South Sudan, kung saan niya hinintay na maitatag ang Simbahan sa kanyang lugar. Sina Susan at Sandra ay kapwa may mga hamon, ngunit umaasa sila sa Diyos at tinatamasa ang mga bunga ng pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa Alma 32:6–8, 43).
Pagsasakripisyo para Makapagmisyon
Nagsimulang maglaro ng football ang mga kabataang lalaki sa Uganda noong maliliit pa sila, gamit ang bolang yari sa mga sangang matibay na pinagbigkis-bigkis. Noon pa mang bata siya, mahusay na si Dennis sa larong ito, at binigyan siya ng scholarship sa kanyang high school para maglaro sa kanilang team. Nang makatapos siya ng high school, isang professional team ang nag-alok sa kanya ng suweldo, libreng tirahan, at libreng pagkain. Isang pangarap iyon na natupad, ngunit alam ni Dennis na malamang na makahadlang iyon sa mga plano niyang magmisyon kalaunan sa taong iyon.
Matatag ang hangarin ni Dennis na gawin ang gustong ipagawa ng kanyang Ama sa Langit kaya ni ayaw niyang matuksong manatili sa team pagdating ng oras na kailangan na niyang magmisyon. Nagduda ang maraming tao sa kanyang pasiya, ngunit natitiyak ni Dennis na tama ang kanyang desisyon—para sa kanyang sarili at sa iba. “Kabibinyag lang ng dalawang nakababata kong kapatid na lalaki at babae,” wika niya. “Hindi ko akalaing pakikinggan ng kapatid kong babae ang ebanghelyo. Kapag nakikita kong naghihimala ang Diyos sa pamilya ko, nagkakaroon ako ng malinaw na pag-asa sa aking hinaharap.”
Sa ward ni Dennis pinag-aaralan ng mga kabataang lalaki ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo linggu-lingo. Para na silang isang team, na nakikipagtulungan sa mga full-time missionary at nagdadala ng mga kaibigan sa mga pulong sa Linggo at iba pang mga aktibidad, pati na sa mga basketball at football game sa karaniwang araw. Nakapagbinyag ang mga priest ng mga kaibigan at iba pa na naturuan nila ng mga missionary. Sa nagdaang ilang taon, napalakas ng team na ito ng mga kabataang lalaki ang buong ward, at apat sa kanila, kabilang na si Dennis, ang tumanggap ng tawag sa Kenya Nairobi Mission.
Sinunod nila ang payo ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na “maging misyonero kayo bago pa ninyo ipadala ang inyong papeles sa misyon.”3 Ginawa nila iyon sa pagtutulungan bilang isang korum, isang team na mas mainam kaysa sa iba.
Napaglabanan ng apat na missionary ang mga hamon para makapaglingkod. Ipinaliwanag ni Wilberforce, “Nawawalan na ako ng pag-asang makapagmisyon [dahil sa gastos], pero binasa ko ang Mateo 6:19–20: ‘Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa … kundi mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit.’ Kaya sa kasigasigan at katapatan, naisakatuparan ko ang aking mithiing maglingkod sa full-time mission. Gustung-gusto ko ang pagmimisyon. Wala nang mas mainam pa kaysa hanapin muna ang kaharian ng langit.”
Pag-asa sa Hinaharap
Ang mga kabataan ng Uganda ay tumutulong na maitatag ang kaharian ng Diyos dito, na may malaking pag-asa sa hinaharap. Bagaman walang templo sa East Africa, inaasam ng mga kabataan ang panahon na makasal sila sa isang malayong templo. Isang stake activity ang nagtuon sa paghahanda sa pagpasok sa templo, at sa huli, isang miyembro ng stake presidency ang nagpatotoo: “Mahal kayo ng Diyos. Sa inyo nakasalalay ang kinabukasan ng Simbahan sa Uganda.” Malaki na ang impluwensya ng mabubuting kabataang ito.
Isinasakripisyo ng mga kabataan ng Uganda ang mga bagay ng mundo para sa mga pagpapalang tatagal magpakailanman. Nakapagtanim na sila ng binhi ng pananampalataya at maingat na pinangangalagaan ito (tingnan sa Alma 32:33–37). Gaya ng isang punong hitik sa bunga (tingnan sa Alma 32:42), nakikihati ang mga kabataan sa kagalakan ng ebanghelyo sa mayamang lupang ito.