2013
Pagpili sa Mas Mabuting Bahagi
Abril 2013


Pagpili sa Mas Mabuting Bahagi

Kung minsan kailangan mong talikuran ang isang mabuting bagay kapalit ng isang bagay na mas mainam.

Isang araw ginulat ni Zoltán Szücs ng Szeged, Hungary, ang kanyang kayaking coach sa pagsasabi rito na hindi siya sasali sa paligsahan sa Germany.

“Gaganapin iyon sa araw ng aking binyag, kaya tumanggi ako,” sabi ni Zoltán.

Sa edad na 17, marami nang napanalunan si Zoltán sa pakikipagpaligsahan sa kayaking. Ito ay bantog na laro sa Hungary, at mahusay si Zoltán—sapat para maging propesyonal siya sa larong ito. Higit pa sa pasiyang hindi sasali sa isang kompetisyon lamang, tuluyan na ring iiwan ni Zoltán ang kayaking. May gagawin siyang mas mabuti pa kaysa rito.

Mabuti ang naidulot ng kayaking kay Zoltán. Sa paglipas ng mga taon sa pagtatrabaho kasama ang kanyang coach, natutuhan niyang kontrolin ang sarili, sumunod, at maging masipag. Natutuhan ding iwasan ni Zoltán ang mga sangkap at kaugalian na makasasama sa kanyang paglalaro. Hindi madali ang ganitong buhay; malungkot talaga, at marami pang oras na bubunuin para maging propesyonal na manlalaro. Ang mga propesyonal ay nagpapraktis ng 12 oras sa isang araw at makikipaglaban sa araw ng Linggo.

“Nauubos ang oras ko sa kayaking,” sabi ni Zoltán. “Panatiko ako. Dahil dito, marami akong tinalikuran sa buhay ko.”

Iyon ang dahilan kaya nagpasiya si Zoltán na hindi niya lubusang maiuukol ang sarili niya kapwa sa ebanghelyo at sa kayaking. Noong 2004 sinabi niya sa kanyang coach na hindi na siya maglalaro ng kayaking.

Sa simula ng taong iyon inumpisahang turuan ng mga missionary ang nanay ni Zoltán. Hindi siya nakibahagi sa mga lesson. May pasubali niyang tinanggap ang imbitasyon ng kanyang ina sa binyag nito. Ngunit ang kanyang puso ay naantig sa nadama niya pagpasok sa gusali ng simbahan. Pumayag si Zoltán na makipagkita sa mga missionary, sa isang banda dahil nakikita niya ang kanyang sarili sa kanila.

“Natutuwa ako sa mga missionary dahil normal silang mga tao pero mas mataas ang pamantayan nila sa buhay,” sabi niya.

Dahil sa mas mataas na pamantayang sinusunod ni Zoltán bilang kayaker, agad niyang tinanggap ang mahahalagang turo ng ebanghelyo. Bininyagan siya makalipas ang dalawang buwan.

Noong una akala niya puwede pa rin niyang ipagpatuloy ang kayaking nang hindi nakikipaglaban sa araw ng Linggo. Ngunit dahil siya ang tipo ng tao na, kapag nangako na siya sa isang aktibidad o gawain, gusto niyang pakahusayin ito, pinili niyang tuluyan nang iwan ang kayaking.

Sinubukan niyang minsan mag-kayak bilang libangan pagkatapos ng kanyang binyag. Nang gawin niya ito, hiniling ng kanyang coach na tumulong siya sa pagtuturo sa iba at mag-organisa ng mga biyahe yamang ayaw niyang sumali sa mga paligsahan. Pero ayaw na niyang makipagkompromiso sa kayaking—o sa iba pang aktibidad—na maaaring maging hadlang sa kanyang pagiging disipulo.

Kaya isinantabi na lang ni Zoltán ang kanyang sagwan at inilaan ang kanyang sarili sa paglilingkod sa Simbahan dahil sa pasiyang ginawa rin noon ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95) nang mag-asawa siya. Si Pangulong Hunter ay mahusay na musician na marunong tumugtog ng maraming instrumento. Sa gabi tumutugtog siya sa isang orkestra, ngunit ang paraan ng pamumuhay ng mga kasamahan niya ay salungat sa mga pamantayan ng ebanghelyo. Kaya itinabi ni Pangulong Hunter ang kanyang mga instrumento at inilalabas na lamang ang mga ito paminsan-minsan kapag nagkakantahan ang pamilya.1

Nami-miss ni Zoltán ang kayaking, pero natanto niya na ang pagmamahal niya sa kayaking ay napakalakas para maging kakumpetensya, at baka nga humigit pa, sa pagmamahal niya sa Panginoon kung sasali pa rin siya rito.

Ang ganitong alituntunin ay akma sa alinmang aktibidad na pipigil sa atin na marating ang nais ng Diyos na kahinatnan natin. Para sa bawat isa sa atin maaaring mas mabuting mabuhay nang wala ang ilang bagay—kahit na mabubuti ito—kaysa manganib ang ating buhay na walang-hanggan para lamang makamtan ang mga ito.

“Ang Simbahan na ang buhay ko,” sabi ni Zoltán. “Dahil alam ko na hindi puwedeng maging hanapbuhay ang kayaking kung gusto kong maging aktibo at magiging libangan lang ito, naging madali para sa akin na talikuran ito. Sa halip, gusto kong ituon ang aking pansin sa Ama sa Langit.”

Sinimulang pag-aralan ni Zoltán ang ebanghelyo nang dibdiban gaya ng ginagawa niya sa alinmang adhikain. Nagtakda siya ng mithiin na magmisyon. Gusto niyang lumagi sa kanyang bayan at turuan ang iba.

Nagmisyon siya sa Hungary at ngayon ay English teacher siya sa hayskul. Patuloy niyang inuuna ang ebanghelyo. “May mga bagay na kailangan nating talikuran dahil hadlang ang mga ito sa paglapit natin sa Diyos,” sabi niya. “Madali nating talikuran ang masama kapag nalaman nating dapat itong talikuran. Kadalasan hindi natin alam kung kailan natin dapat talikuran ang isang bagay na mabuti para sa isang bagay na higit na mainam. Iniisip natin na dahil hindi naman ito masama, puwedeng patuloy natin itong hawakan at sundin pa rin ang plano ng Diyos.” Ngunit alam ni Zoltán na kailangan nating talikuran ang mabuti kung hadlang ito sa pagsunod natin sa plano ng Diyos para sa atin.

Tala

  1. Tingnan sa Eleanor Knowles, Howard W. Hunter (1994), 81.

Tinalikuran ni Zoltán Szücs, ng Szeged, Hungary, ang kayaking para mas mapag-ukulan ng panahon ang ebanghelyo.

Itaas: larawang kuha © Thinkstock; ibaba: larawang kuha ni Adam C. Olson