Buhay at Kamatayan
Pananaw ng mga Pioneer Tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli
Habang naglalakbay ang mga nagbalik-loob sa Simbahan noong una patungo sa kanlurang bahagi ng Estados Unidos para makasama ng mga Banal, nakasagupa nila ang kamatayan ngunit pinalakas sila ng bago nilang pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Narito ang mga piling bahagi mula sa salaysay ng mga pioneer na nagpapakita sa pag-asa ng mga Banal sa Pagkabuhay na Mag-uli, pati na ang nakaaalong mga katuruan mula sa unang limang Pangulo ng Simbahan.
Kuwento tungkol sa isang di pinangalanang ama na Scandinavian Latter-day Saint na namatayan ng batang anak habang naglalakbay mula New York papuntang Utah noong 1866:
“Sa tulong ng isang kaibigan ay hinukay ang munting libingan at doon inihimlay ang mga labi. Ang bata ay namatay dahil sa nakahahawang sakit, walang mga tumatangis, walang pormal na seremonya, walang mga bulaklak, walang espirituwal na kanta, walang salita ng papugay sa kanya. Ngunit bago lumisan ang nagdadalamhating ama umusal siya ng maikling panalangin ng paglalaan sa kanyang katutubong wika (Danish) sa ganitong paraan: …
“‘Ama sa Langit: Ibinigay Mo po sa akin itong munting yaman—ang mahal na batang ito, at ngayon ay tinawag mo na siya. Nawa loobin ninyo na mahimlay ang kanyang mga labi rito nang hindi nabubulabog hanggang sa umaga ng muling pagkabuhay. Gawin nawa ang iyong kalooban. Amen.’
“At sa pagtayo mula sa pagkakaluhod ang kanyang mga salita ng pamamaalam ay:
“‘Paalam, mahal kong munting Hans—ang makisig kong anak.’ At habang nakayuko at nagdadalamhati ang puso naglakad na siya pabalik sa kanyang kampo.”1
Pangulong Joseph Smith (1805–44):
“Lubhang nakaaaliw sa mga namimighati kapag natawag silang humiwalay sa kanilang asawa, ama, ina, anak, o mahal na kamag-anak, ang malaman na, bagaman ang tabernakulo [katawan] sa lupa ay inilibing at naagnas, muli silang babangon upang manahanan sa walang hanggang lagablab sa kaluwalhatiang imortal, upang hindi na muling magdalamhati, magdusa, o mamatay, kundi sila ay magiging mga tagapagmana sa Diyos at kasamang tagapagmana ni Jesucristo.”2
Si Joseph Watson Young (1828–73), pamangkin ni Brigham Young na naglakbay mula England papuntang Estados Unidos noong 1853:
“Lubhang nakakalungkot ang ilibing ang isa pang kasamahan sa katahimikan at kalaliman ng gabi na kasama ang ilang malulungkot na saksi. … Wala siyang kasamang kamag-anak o kahit sinong tatangis para sa kanya maliban sa isang kapwa tagapaglingkod. Ito ang pinakaaasam ng likas na tao na biglang naglaho sa isang saglit. Tinalikuran ng binatang ito ang lahat upang magpunta sa Sion, at puno ang kanyang puso ng pag-asa sa hinaharap, at hindi inisip na baka mamatay siya habang naglalakbay sila sa karagatan. Gayunman, ang pagkamatay niya ay hindi katulad ng sa mga taong walang pag-asa, sapagkat may kapayapaan siya sa kanyang Diyos, at binigyan siya ng katiyakan na maluwalhating pagkabuhay na muli sa umaga ng mga matwid.”3
Pangulong Brigham Young (1801–77):
“Anong madilim na lambak at anino itong tinatawag nating kamatayan! Ang makalagpas mula sa kalagayan ng pananatili rito kung ang katawang mortal ang pag-uusapan, tungo sa isang kalagayan ng kahungkagan, gaano kakaiba ito! Gaano kadilim ang lambak na ito! Gaano kahiwaga ang lansangang ito, at kailangang bagtasin natin itong nag-iisa. Nais kong sabihin sa inyo, mga kaibigan at mga kapatid, kung makikita natin ang bagay sa kanilang kalagayan, at kagaya ng pagkakita at pagkaunawa natin sa kanila, ang madilim na lambak at aninong ito ay napakaliit na bagay lamang kung kaya tayo ay lilingon at muling mamalasin ito at mapag-iisip, kapag nabagtas na natin ito, bakit, ito ang pinakadakilang kapakinabangan ng buo kong pagkabuhay, dahil nilisan ko na ang isang kalagayan ng kalungkutan, kapighatian, pagdadalamhati, kasawian, matinding hirap, sakit, panggigipuspos at kabiguan tungo sa isang kalagayan ng pagkabuhay, kung saan ko matatamasa ang buhay hanggang sa pinakahangganan na maaari itong gawin nang walang katawan.”4
Si Dan Jones (1811–62), Welsh convert na, kasama ni Mrs. Williams at ng iba pang miyembro ng Simbahan, ay naglayag patungong Estados Unidos noong 1849:
“Si Mrs. Williams, ng Ynysybont malapit sa Tregaron [Wales], ay lumulubha ang kalagayan, at tanda ito na hindi na magtatagal ang kanyang buhay. … Sinabi niya na ang pinakamalaking karangalan na natanggap niya ay ang pagiging miyembro ng tunay na simbahan ng Anak ng Diyos, na walang takot sa kanyang dibdib hinggil sa kabilang-buhay at higit kailanman ay napatunayan ngayon ng kanyang relihiyon ang katatagan nito. … Taimtim niyang pinayuhan ang kanyang mga anak na patuloy na maging tapat upang makasama niya sila sa pagkakamit ng mas mabuting pagkabuhay na muli. … Malinaw pa rin ang kanyang kaisipan sa magdamag, at kinaumagahan nang alas kuwatro kinse ay payapang lumisan ang kanyang espiritu, na nag-iwan ng ngiti sa kanyang mga labi.”5
Pangulong John Taylor (1808–87):
“Anong kaaliwan ang idinudulot nito sa mga yaong nagdadalamhati bunsod ng pagkamatay ng mga mahal na kaibigan, ang mabatid na tayo ay muling makikisalamuha sa kanila! Gaano ito nagpapalakas ng loob sa lahat ng yaong nabubuhay alinsunod sa mga naihayag na alituntunin ng katotohanan, lalung-lalo na marahil sa mga yaong ang buhay ay magwawakas na, na nagtitiis nang matagal hanggang sa katapusan, na malaman na hindi magtatagal ay kakawala tayo sa mga hadlang ng libingan, at babangon bilang mga kaluluwang buhay at imortal, upang magsaya sa piling ng ating subok at tapat na mga kaibigan, at hindi na makadaranas ng kamatayan, at upang matapos ang gawaing pinagagawa sa atin ng Ama!”6
Si Andrew Jenson (1850–1941), Danish immigrant na naglakbay kasama ng Andrew H. Scott wagon company mula Nebraska, USA, papuntang Utah noong 1866:
“Nang masaksihan namin ang kanilang mga bangkay [bangkay ng mga kasama naming manlalakbay] na inilagak sa inang lupa, sa ilang, kaming lahat ay tumangis, o gustong tumangis; dahil iniisip na ang paglilibing sa mga mahal sa buhay sa ganitong paraan, kung saan ang mga kaibigan at kamag-anak ay kailangang magmadali sa paglayo, nang walang pag-asang mabisitang muli ang huling hantungan ng kanilang yumao, ay nakakalungkot at napakahirap gawin. … Ngunit matatagpuan ang kanilang mga puntod kapag pinatunog na ni Gabriel ang kanyang trumpeta sa umaga ng unang pagkabuhay na muli. Sa gayon nahimlay ang bangkay ng mga yumaong ito habang nagmamartsa sila papuntang Sion. Pinauwi na sila ng Panginoon bago pa nila marating ang kanilang pupuntahan; hindi ipinahintulot na makita nila ang Sion sa laman; ngunit tatanggap sila ng kaluwalhatian at magagalak matapos ito; namatay sila habang sinisikap na sundin ang Diyos at ang kanyang mga kautusan, at mapapalad sila na pumapanaw sa [Panginoon].”7
Pangulong Wilford Woodruff (1807–98):
“Kung wala ang ebanghelyo ni Cristo ang paghihiwalay dahil sa kamatayan ay isa sa mga pinakamalungkot na paksa na maiisip natin; ngunit kapag nasa atin na ang ebanghelyo at nalaman ang alituntunin ng pagkabuhay na muli, ang kapighatian, kalungkutan, at paghihirap na dulot ng kamatayan ay lubos na mapapawi. … Ang pagkabuhay na muli ng mga patay ay inilahad mismo sa naliwanagang isipan ng tao, at nagkaroon siya ng pundasyon na sasaligan ng kanyang espiritu. Ganito ang kalagayan ng mga Banal sa mga Huling Araw ngayon. Alam natin mismo, na may alam tayo sa bagay na ito; ipinahayag ito ng Diyos sa atin at nauunawaan natin ang pagkabuhay na muli ng mga patay, at ang ebanghelyo ay nagdadala sa liwanag ng buhay at imortalidad.”8
William Driver (1837–1920), isang pioneer na naglakbay mula England papuntang New York, USA, noong 1866:
“Ang pinakamamahal kong anak na si Willie, ay malubhang nagkasakit sa buong magdamag hanggang sa alas 7:30 n.u., nang makalaya na siya sa kanyang paghihirap. Pagpalain ng Diyos ang kanyang kaluluwa. Naghirap siyang mabuti. Namatay siya sa kariton ni Mr. Poulter nang masira ito sa St. Ann’s Hill, Wandsworth, Surrey, England. Ah, napakasakit ng matinding dagok na ito. O Panginoon, tulungan po Ninyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan na mabata ko ito at pukawin ako sa mas magiting at tapat na paglilingkod sa Inyo, at nawa makapaghanda ako sa buhay na ito upang magkita kami sa mas maligaya at mas mainam na mundo kasama ng kanyang mahal na kapatid na si Elizabeth Maryann, at sa pagkabuhay na muli ng mga matwid nawa naroon ako upang salubungin sila.”9
Pangulong Lorenzo Snow (1814–1901)
“Sa kabilang-buhay magkakaroon tayo ng niluwalhating mga katawan at hindi na ito magkakasakit at mamamatay. Walang kasing-ganda ang taong nabuhay na muli at niluwalhati. Wala nang mas gaganda pa sa kalagayang ito at makapiling ang ating asawa at mga anak at mga kaibigan.”10