2013
Ang Misyon at Ministeryo ni Jesucristo
Abril 2013


Ang Misyon at Ministeryo ni Jesucristo

Mula sa mensahe sa debosyonal na ibinigay noong Agosto 18, 1998, sa Brigham Young University. Para sa buong teksto sa Ingles, bumisita sa speeches.byu.edu.

Elder Russell M. Nelson

Ang pinakamagandang ebidensya ng pagsamba natin kay Jesus ay ang pagtulad natin sa Kanya.

Bilang isa sa “mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (D at T 107:23), naniniwala ako na pinakamainam ang paglilingkod ko kung magtuturo at magpapatotoo ako tungkol sa Kanya. Una, maaaring itanong ko muna ang minsan Niyang itinanong sa mga Fariseo: “Ano ang akala ninyo tungkol kay Cristo? kanino bagang anak siya?” (Mateo 22:42).

Madalas pumasok sa isip ko ang tanong na ito sa pakikipagkita ko sa mga lider ng pamahalaan at ng iba’t ibang relihiyon. Kinikilala ng ilan na “si Jesus ay dakilang guro.” Sabi naman ng iba, “Siya ay isang propeta.” May ilan naman na talagang hindi nakakakilala sa Kanya. Hindi tayo dapat magulat. Pagkatapos ng lahat, iilang tao lang ang mayroon ng ipinanumbalik na mga katotohanan ng ebanghelyo na nasa atin. Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay talagang kakaunti sa kalipunan ng mga taong nagsasabing mga Kristiyano sila.

Ang kalagayan natin ngayon ay nakita noon ni Nephi maraming siglo na ang lumipas:

“At ito ay nangyari na, na namasdan ko ang simbahan ng Kordero ng Diyos, at ang bilang nito ay kakaunti … ; gayon pa man, namasdan ko na ang simbahan ng Kordero, na mga banal ng Diyos, ay nasa lahat din ng dako ng mundo; at ang kanilang nasasakupan sa mundo ay kakaunti. …

“At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay namasdan ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa mga banal ng simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian” (1 Nephi 14:12, 14).

Tunay na ang kabutihang iyon, ang kapangyarihang iyon, at ang kaluwalhatiang iyon—, lahat ng ating maraming pagpapala—ay nagmula sa ating kaalaman sa, pagsunod sa, at pasasalamat at pagmamahal sa Panginoong Jesucristo.

Sa Kanyang maikling paglalakbay sa mortalidad, naisagawa ng Tagapagligtas ang dalawang magkaugnay na mithiin. Ang isa ay ang Kanyang “gawain at [Kanyang] kaluwalhatian— … [na] isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Simpleng sinabi Niya ang isa pa: “Kayo’y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko” (Juan 13:15).

Alam natin na ang una Niyang mithiin ay ang Pagbabayad-sala. Ito ang Kanyang maringal na misyon sa buhay na ito. Sa mga mamamayan ng sinaunang Amerika, ipinahayag ng Panginoon ang Kanyang misyon:

“Ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking Ama, sapagkat isinugo ako ng aking Ama.

“At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus; at matapos na ako ay maipako sa krus, upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin” (3 Nephi 27:13–14).

Sa pagpapatuloy ng Kanyang sermon, inihayag Niya ang kanyang pangalawang mithiin—ang maging huwaran natin: “Alam ninyo ang mga bagay na kinakailangan ninyong gawin … ; sapagkat ang mga gawaing nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin” (3 Nephi 27:21).

Ang Kanyang unang mithiin gaya ng inilarawan ko ay ang Kanyang misyon. Ang Kanyang pangalawang mithiin ay ang Kanyang ministeryo. Repasuhin natin ang dalawang sangkap na ito ng Kanyang buhay—Kanyang misyon at Kanyang ministeryo.

Ang Misyon ni Jesucristo—ang Pagbabayad-sala

Ang Kanyang misyon ay ang Pagbabayad-sala. Ang misyon na iyon ay sa Kanya lamang. Isinilang sa isang mortal na ina at imortal na Ama, Siya lamang ang maaaring mag-alay ng Kanyang buhay at ibangon itong muli (tingnan sa Juan 10:14–18). Ang maluwalhating bunga ng Kanyang Pagbabayad-sala ay walang katapusan at walang-hanggan. Inalis Niya ang tibo ng kamatayan at ginawang pansamantala ang pighati ng libingan (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:54–55). Ang Kanyang responsibilidad sa Pagbabayad-sala ay alam na noon pa bago ang Paglikha at Pagkahulog. Hindi lamang ito maglalaan ng pagkabuhay na muli at imortalidad ng buong sangkatauhan, kundi daan din ito para mapatawad ang ating mga kasalanan—batay sa mga kondisyon na Kanyang itinakda. Dahil dito ang Kanyang Pagbabayad-sala ang nagbukas ng daan upang makapiling natin Siya at ang ating mga pamilya sa kawalang-hanggan. Ang pag-asang ito ang itinuturing nating buhay na walang-hanggan—ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao (tingnan sa D at T 14:7).

Wala nang ibang makapagsasagawa ng Pagbabayad-sala. Walang ibang tao, kahit taglay niya ang pinakamalaking yaman at kapangyarihan, ang makapagliligtas ng kahit isang kaluluwa—maging ng sarili niyang kaluluwa (tingnan sa Mateo 19:24–26). At wala ng iba pang hihilingan o papayagang magbuhos ng dugo para sa walang hanggang kaligtasan ng isa pang nilalang. Ginawa ito ni Jesus nang “minsan at magpakailan man” (Sa Mga Hebreo 10:10).

Bagamat isinagawa ang Pagbabayad-sala sa panahon ng Bagong Tipan, madalas isaad ng mga pangyayari sa panahon ng Lumang Tipan ang kahalagahan nito. Sina Eva at Adan ay nag-alay ng mga hain o handog bilang “kahalintulad ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Ama” (Moises 5:7). Paano? Sa pagbubuhos ng dugo. Mula sa sarili nilang karanasan pinagtibay nila ang talata na “ang buhay ng laman ay nasa dugo” (Levitico 17:11).

Alam ng mga doktor na kapag ang dugo ay tumigil sa pagdaloy sa isang organ, magsisimula nang magkaroon ng problema. Kung hindi dumadaloy ang dugo sa paa, maaaring kangrena ang kasunod nito. Kung titigil ang pagdaloy ng dugo sa utak, maaaring stroke ang ibunga nito. Kung hindi normal ang pagdaloy ng dugo sa ugat ng puso, maaaring magkaroon ng atake sa puso. Kung hindi maampat o mapigil ang pagdurugo, kamatayan ang bunga nito.

Batid nina Eva, Adan, at ng sumunod na mga henerasyon na sa tuwing magpapadanak sila ng dugo ng isang hayop, namamatay ito. Para sa kanilang rituwal ng pagsasakripisyo, hindi puwedeng kahit anong hayop ang ialay. Kailangang panganay ito ng kawan at walang kapintasan (tingnan, halimbawa, ang Exodo 12:5). Ang mga hinihinging ito ay simbolo ng kalaunan ay naging huling sakripisyo ng walang bahid-dungis na Kordero ng Diyos.

Sina Eva at Adan ay inutusan na: “Kaya nga, gawin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa pangalan ng Anak, at ikaw ay magsisi at manawagan sa Diyos sa pangalan ng Anak magpakailanman” (Moises 5:8). Mula nang araw na iyon hanggang sa kalagitnaan ng panahon, ang pag-aalay ng hayop ay patuloy na naging halimbawa at anino ng Pagbabayad-sala ng Anak ng Diyos sa huli.

Nang maisagawa ang Pagbabayad-sala, ang dakila at huling sakripisyong iyon ang kaganapan ng batas ni Moises (tingnan sa Alma 34:13–14) at dito tumigil ang pag-aalay ng mga hayop, na nagturo na “ang buhay ng laman [ay] nasa dugo” (Levitico 17:11). Ipinaliwanag ni Jesus kung paanong ang mga elemento ng pag-aalay noong una ay hindi na kailangan pa sa Pagbabayad-sala at inaalaala na lang sa sakramento ang simbulo nito. Muling pansinin ang pagbanggit sa buhay, sa laman, at sa dugo:

“Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili.

“Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan; at siya’y aking ibabangon sa huling araw” (Juan 6:53–54).

Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang buong sangkatauhan—maging kasindami ng magnanais—ay matutubos. Sinimulang ibuhos ng Tagapagligtas ang Kanyang dugo para sa buong sangkatauhan hindi sa krus kundi sa Halamanan ng Getsemani. Doon ay pinasan Niya sa Kanyang sarili ang bigat ng mga kasalanan ng lahat ng mabubuhay. Dahil sa bigat ng pasanin, Siya ay nilabasan ng dugo sa bawat butas ng balat (tingnan sa D at T 19:18). Ang pagdurusa ng Pagbabayad-sala ay natapos sa krus sa Calvario.

Ang kahalagahan ng Pagbabayad-sala ay ibinuod ni Propetang Joseph Smith. Sabi niya, “Ang mga saligang alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit: at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”1

Sa awtoridad na iyon at sa matinding pasasalamat, nagtuturo at nagpapatotoo ako tungkol sa Kanya.

Ang Ministeryo ni Jesucristo—ang Huwaran

Ang ikalawang walang-hanggang pakay ng Panginoon sa mortalidad ay magsilbing huwaran natin. Ang Kanyang huwarang buhay ang bumuo sa Kanyang mortal na ministeryo. Kasama rito ang Kanyang mga katuruan, talinghaga, at sermon. Saklaw nito ang Kanyang mga himala, mapagkandiling pagmamahal, at mahabang pagtitiis sa mga anak ng tao (tingnan sa 1 Nephi 19:9). Kasama rito ang Kanyang mahabaging paggamit ng awtoridad ng priesthood. Kasama rito ang Kanyang makatwirang pagkagalit nang isumpa Niya ang kasalanan (tingnan sa Mga Taga Roma 8:3) at nang itaob Niya ang mga dulang o mesa ng mga mamamalit ng salapi (tingnan sa Mateo 21:12). Kasama rin dito ang Kanyang mga kalungkutan. Siya ay kinutya, pinahirapan, at itinakwil ng Kanyang sariling mga tao (tingnan sa Mosias 15:5)—ipinagkanulo ng isang alagad at itinatwa ng isa pa (tingnan sa Juan 18:2–3, 25–27).

Kagila-gilalas man ang nagawa Niyang ministeryo, yaon ay hindi, noon at ngayon, para sa Kanya lamang. Walang hangganan ang bilang ng mga taong maaaring sumunod sa halimbawa ni Jesus. Gayon din ang ginawa ng Kanyang mga propeta at apostol at ng iba pa sa Kanyang mga awtorisadong tagapaglingkod. Marami ang nagtiis ng pang-aalipusta para sa Kanya (tingnan sa Mateo 5:10; 3 Nephi 12:10). Sa ating panahon, may kilala kayong mga kapatid na nagsikap na mabuti—kahit napakatindi ng naging kapalit nito—para tularan ang halimbawa ng Panginoon.

Iyan ang dapat mangyari. Iyan ang inaasahan Niya para sa atin. Hiniling ng Panginoon na sundan natin ang Kanyang halimbawa. Napakalinaw ng Kanyang mga pakiusap:

  • “Maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? … Maging katulad ko” (3 Nephi 27:27; tingnan din sa 3 Nephi 12:48).

  • “Magsisunod kayo sa hulihan ko at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:19).

  • “Sapagka’t kayo’y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko” (Juan 13:15; tingnan din sa Juan 14:6).

Ito at ang iba pang mga katulad nitong talata ay hindi isinulat bilang mga mungkahi. Ito ay mga banal na kautusan! Dapat nating sundan ang Kanyang halimbawa!

Para maisagawa ang hangarin nating sumunod sa Kanya, marahil puwede nating isaalang-alang ang limang aspeto ng Kanyang buhay na maaari nating tularan.

Pag-ibig, pagmamahal

Kung itatanong ko kung aling katangian ng Kanyang buhay ang una mong babanggitin, baka unahin ninyo ang katangian Niyang magmahal. Kasama rito ang Kanyang pagkahabag, kabaitan, pag-ibig sa kapwa, katapatan, pagpapatawad, awa, katarungan, at marami pang iba. Minahal ni Jesus ang kanyang Ama at ang Kanyang ina (tingnan sa Juan 19:25–27). Minahal Niya ang Kanyang pamilya at ang mga Banal (tingnan sa Juan 13:1; II Mga Taga Tesalonica 2:16). Minahal Niya ang makasalanan nang hindi binibigyang-katwiran ang kasalanan (tingnan sa Mateo 9:2; D at T 24:2). At itinuro Niya kung paano natin maipapakita ang ating pagmamahal sa Kanya. Sabi Niya, “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). At, para bigyang-diin na ang Kanyang pag-ibig ay may kondisyon, idinagdag Niya na, “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay magsisipanahan kayo sa aking pagibig; gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako’y nananatili sa kaniyang pagibig” (Juan 15:10; tingnan din sa D at T 95:12; 124:87).

Ang isa pang pagpapakita ng pagmamahal ng ating Tagapagligtas ay ang Kanyang paglilingkod. Pinaglingkuran Niya ang Kanyang Ama, at naglingkod Siya sa mga taong kasalamuha Niya. Dapat nating sundan ang Kanyang halimbawa sa ganitong mga paraan. Dapat nating paglingkuran ang Diyos, “lumakad ka sa lahat ng kaniyang mga daan, at ibigin mo siya” (Deuteronomio 10:12; tingnan din sa 11:13; Josue 22:5; D at T 20:31; 59:5). At dapat nating mahalin ang ating kapwa sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanila (tingnan sa Mga Taga Galacia 5:13; Mosias 4:15–16). Simulan natin sa ating mga pamilya. Ang matinding pagmamahal na nagbibigkis sa mga magulang sa kanilang mga anak ay nabubuo sa paglilingkod sa kanila sa panahong lubusan pa silang nakaasa sa mga magulang. Kalaunan sa buhay ang mga anak ay maaaring magkaroon ng pagkakataong gantihan ang pagmamahal na iyon kapag pinaglingkuran nila ang kanilang mga magulang na nagkakaedad na.

Mga Ordenansa

Ang ikalawang aspeto ng huwarang buhay ng Tagapagligtas ay ang pagbibigay-diin Niya sa mga sagradong ordenansa. Noong Kanyang mortal na ministeryo ipinakita Niya ang kahalagahan ng mga ordenansa ng kaligtasan. Bininyagan Siya ni Juan sa Ilog ng Jordan. Nagtanong pa nga si Juan, “Bakit?”

Ipinaliwanag ni Jesus na, “Sapagka’t ganyan ang nararapat sa atin ang pagganap ng buong katuwiran” (Mateo 3:15; idinagdag ang pagbibigay-diin). Hindi lamang mahalaga ang ordenansa, kundi mahalaga rin ang halimbawang ipinakita nina Jesus at Juan.

Kalaunan pinasimulan ng Panginoon ang ordenansa ng sakramento. Ipinaliwanag Niya ang simbolismo ng sakramento at ipinagkaloob ang mga sagradong sagisag nito sa Kanyang mga disipulo (tingnan sa Mateo 26:26–28; Marcos 14:22–24; Lucas 24:30).

Nagbilin din ang ating Ama sa Langit tungkol sa mga ordenansa. Sabi niya: “Kayo ay kinakailangang isilang na muli sa kaharian ng langit, sa tubig, at sa Espiritu, at malinisan sa pamamagitan ng dugo, maging ng dugo ng aking Bugtong na Anak; upang kayo ay mapabanal mula sa lahat ng kasalanan, at magtamasa ng mga salita ng buhay na walang hanggan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating, maging ang walang kamatayang kaluwalhatian” (Moises 6:59).

Sa ministeryo ng Panginoon nang wala na Siya sa mundo, ang mas mataas na ordenansa ng kadakilaan ay inihayag (D at T 124:40–42). Naglaan Siya para sa mga ordenansang ito sa Kanyang mga banal na templo. Sa ating panahon, ang mga paghuhugas, pagpapahid ng langis, at endowment ay ipinagkakaloob sa mga taong nakapaghanda (tingnan sa D at T 105:12, 18, 33; 110:9; 124:39). Sa loob ng templo, ang isang tao ay maaaring ibuklod sa asawa, sa mga ninuno, at sa mga inapo (tingnan sa D at T 132:19). Ang ating Panginoon ay Diyos ng batas at kaayusan (tingnan sa D at T 132:18). Ang pagtutuon Niya ng pansin sa mga ordenansa ay mabisang bahagi ng Kanyang halimbawa sa atin.

Panalangin

Ang ikatlong aspeto ng huwarang ministeryo ng Panginoon ay ang panalangin. Nanalangin si Jesus sa Kanyang Ama sa Langit at tinuruan din tayo kung paano manalangin. Dapat tayong manalangin sa Diyos ang Amang Walang Hanggan sa pangalan ng Kanyang Anak na si Jesucristo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo (tingnan sa Mateo 6:9–13; 3 Nephi 13:9–13; Joseph Smith Translation, Matthew 6:9–15). Gustung-gusto ko ang Panalangin ng Pamamagitan ng Panginoon na nakatala sa Juan, kabanata 17. Doon ang Anak ay malayang nakipag-usap sa Kanyang Ama alang-alang sa Kanyang mga disipulo, na minamahal Niya. Ito ay modelo ng epektibo at mahabaging panalangin.

Kaalaman

Ang ikaapat na aspeto sa huwaran ng Panginoon ay ang paggamit ng Kanyang banal na kaalaman. Gaya ng nabanggit kanina, kinikilala ng maraming di-Kristiyano si Jesus bilang isang dakilang guro. Tunay na dakila Siyang guro. Pero ano ba ang kaiba sa Kanyang mga itinuturo? Siya ba ay bihasang tagapagturo ng engineering, mathematics, o science? Bilang Tagapaglikha nito at ng iba pang mga daigdig (tingnan sa Moises 1:33), tiyak na bihasa Siya. O, bilang May-akda ng banal na kasulatan, mainam Niyang maituturo kung paano magsulat.

Ang kakaibang katangian ng Kanyang itinuturo kumpara sa lahat ng iba pang mga guro ay, na nagturo Siya ng mga katotohanan na walang-hanggan ang kahalagahan. Siya lamang ang makapaghahayag ng layunin natin sa buhay. Tanging sa pamamagitan Niya natin malalaman ang tungkol sa ating premortal na buhay at ating potensiyal sa kabilang-buhay.

Minsan sinabi ng Dakilang Guro sa Kanyang mapag-alinlangang mga tagapakinig na may tatlo silang saksi tungkol sa Kanya:

  • Si Juan Bautista.

  • Ang mga ginawa ni Jesus.

  • Ang salita ng Diyos, ang Amang Walang Hanggan (tingnan sa Juan 5:33–39).

Ang salitang iniisip sa katagang iyon ay tila hindi akma. Ngunit mahalaga ito sa ibig sabihin ni Jesus. Alam Niya na marami sa Kanyang mga tagapakinig ang nag-iisip na nasa mga banal na kasulatan ang buhay na walang-hanggan. Ngunit mali sila. Ang mga banal na kasulatan lamang ay hindi makapagkakaloob ng buhay na walang-hanggan. Siyempre may kapangyarihan sa banal na kasulatan, ngunit ang kapangyarihang iyon ay mula kay Jesus mismo. Siya ang Salita: Logos. Ang kapangyarihan ng buhay na walang-hanggan ay nasa Kanya, na “nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios” (Juan 1:1; tingnan din sa 2 Nephi 31:20; 32:3). At, dahil sa tigas ng ulo ng mga tumutuligsa sa Kanya, pinagsabihan sila ni Jesus: “Ayaw kayong magsilapit sa akin, upang kayo’y magkaroon ng buhay [na walang hanggan]” (Juan 5:40).

Puwede tayong gulatin at pahangain ng Guro sa Kanyang pambihirang kaalaman, ngunit hindi Niya ito ginagawa. Iginagalang niya ang ating kalayaan. Hinahayaan Niyang masiyahan tayo sa pagtuklas. Hinihikayat Niya tayong pagsisihan ang ating sariling mga pagkakamali. Hinahayaan Niyang danasin natin ang kalayaan na nagmumula sa kahandaan nating sumunod sa Kanyang banal na batas. Oo, ang paraan Niya ng paggamit ng Kanyang kaalaman ay nagbibigay sa atin ng napakagandang halimbawa.

Pagtitiis

Ang ikalimang aspeto ng ministeryo ng Panginoon ay ang Kanyang pangakong magtitiis hanggang wakas. Hindi Niya kailanman tinalikuran ang ipinagagawa sa Kanya. Kahit dumanas Siya ng pagdurusa na hindi natin kayang unawain, hindi Siya sumuko. Sa kabila ng matitinding pagsubok tiniis Niya hanggang wakas ang ipinagawa sa Kanya: ang magbayad-sala para sa kasalanan ng buong sangkatauhan. Ang Kanyang mga huling salita habang nakabayubay Siya sa krus ay, “Naganap na” (Juan 19:30).

Aplikasyon sa Ating Buhay

Itong limang aspeto ng Kanyang ministeryo ay maaaring iangkop sa ating buhay. Tunay na ang pinakamainam na ebidensya ng ating pagsamba kay Jesus ay ang pagtulad natin sa Kanya.

Kapag natanto natin kung sino si Jesus at ano ang ginawa Niya para sa atin, mauunawaan natin, kahit paano, ang lohika ng una at dakilang utos: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo, at ng buong lakas mo” (Marcos 12:30). Sa madaling salita, lahat ng iniisip at ginagawa at sinasabi natin ay dapat dahil sa pagmamahal natin sa Kanya at sa Kanyang Ama.

Itanong sa iyong sarili, “May iba pa ba akong mas mahal kaysa sa Panginoon?” Pagkatapos ay ikumpara ang iyong sagot sa mga pamantayang ito na itinakda ng Panginoon:

  • “Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin.”

  • “Ang umiibig sa anak na lalake o sa anak na babae ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin” (Mateo 10:37).

Ang pag-ibig sa pamilya at mga kaibigan, kahit na napakalaki nito, ay mas matindi kapag nakasalig sa pag-ibig ni Jesucristo. Ang pagmamahal ng mga magulang sa mga anak ay mas makabuluhan dito at sa susunod na buhay dahil sa Kanya. Lahat ng pagmamahalan ay lalo pang napagbubuti sa Kanya. Ang pag-ibig ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo ay nagbibigay ng liwanag, inspirasyon, at panghihikayat na mahalin ang iba sa mas marangal na paraan.

Ang mga ordenansa ay nakatuon sa paglilingkod na may halaga magpasawalang-hanggan. Dapat isaisip ng mga magulang kung aling ordenansa ang susunod na kailangan ng bawat anak. Dapat isipin ng mga home teacher ang angkop na ordenansa na susunod na kakailanganin sa bawat pamilyang pinaglilingkuran nila.

Ang halimbawa ng panalangin ng Tagapagligtas ay nagpapaalala sa atin na ang personal na panalangin, panalangin ng pamilya, at panalangin para sa ating mga gagawin sa Simbahan ay dapat maging bahagi ng ating buhay. Ang malaman at gawin ang kalooban ng Ama ay nagbibigay ng malaking espirituwal na kalakasan at pagtitiwala (tingnan sa D at T 121:45). Gugustuhin nating mapunta sa panig ng Panginoon.

Ang kaalaman “ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at mga bagay kung ano talaga ang magiging ito” (Jacob 4:13) ay nagtutulot sa ating kumilos sa mga tunay na alituntunin at doktrina. Ang kaalamang iyon ang mag-aangat sa ating antas ng pag-uugali. Ang ibang mga gawa na maaaring bunga ng makasariling mga hangarin at damdamin ay mapapalitan ng mga gawaing ginabayan ng katuwiran at kabutihan.

Ang ibig sabihin ng pangakong magtitiis hanggang wakas ay hindi natin hihilingin na i-release tayo sa tawag na maglingkod. Ibig sabihin nito magiging masigasig tayo sa pagkakamit ng marapat na mithiin. Ibig sabihin nito hindi tayo titigil sa pagsagip sa mahal sa buhay na naligaw ng landas. At ibig sabihin nito palagi nating pahahalagahan ang ugnayan ng ating walang hanggang pamilya, kahit sa mahihirap na panahon ng karamdaman, kapansanan, o kamatayan.

Buong puso kong idinadalangin na gumawa ng malaking kaibhan sa inyong buhay ang nakapagpapabagong impluwensya ng Panginoon. Ang Kanyang misyon at Kanyang ministeryo ay magpapala sa bawat isa sa atin ngayon at magpakailanman.

Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 58.

Nagpunta si Jesus sa Betania sa Gabi, ni James Tissot

Babae, Masdan ang Iyong Anak (Stabat Mater), ni James Tissot © Brooklyn Museum, Brooklyn, New York; paningit: detalye mula sa Sa Halamanan ng Getsemani, ni Carl Heinrich Bloch

Ang Sermon sa Bundok, ni James Tissot; paningit: detalye mula sa Si Cristo at ang Mayamang Batang Pinuno, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.

Ang Buong Lungsod ay Magkakasamang Nagtipon, ni James Tissot