2013
Diyos ng mga Himala: Ang mga Banal na Slovak sa Sheffield
Hulyo 2013


Diyos ng mga Himala Ang mga Banal na Slovak sa Sheffield

Elder Erich W. Kopischke

Nang pag-isahin ng mga lider ng priesthood, missionary, ward council, at mga miyembro sa Sheffield, England, ang kanilang mga pagsisikap na tunay silang lumago, pinagpala sila sa pambihirang mga paraan.

Sa makapangyarihang sermon sa isang kongregasyon ng mga nananalig, nagtanong ng isang simpleng bagay ang propetang si Mormon: “Tumigil ba ang mga himala? Agad siyang sumagot ng: “Masdan sinasabi ko sa inyo, Hindi” (Moroni 7:29).

Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Mormon kung paano isasakatuparan ang dakilang gawain ng kaligtasan, na tinatalakay ang kaugnayan at pagtutulungan ng Espiritu Santo, gawain ng mga anghel, ating mga dalangin, ating pananampalataya, at ng himala ng Panginoon (see Moroni 7:33–37, 48).

Sa buong banal na kasulatan pinaaalalahanan tayo ng mga propeta na ang Diyos ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman (tingnan sa 3 Nephi 24:6; D at T 20:12). Sa paghahangad nating sundin ang utos na “humayo … sa buong sanlibutan, … nagbibinyag sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo” (D at T 68:8), mahalagang pag-aralan at alalahanin ang sumusunod na mga alituntunin:

  • Ang Diyos ay hindi nagbabago.

  • Ang Diyos ay Diyos ng mga himala.

  • Ang pinakadakilang himala ng Diyos ay ang paghahatid ng walang-hanggang kaligtasan sa Kanyang mga anak.

  • Ang Diyos ay gumagawa ng mga himala ayon sa ating pananampalataya, na ipinapakita natin sa ating mga gawa.

  • Ang Espiritu Santo ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pagbabalik-loob.

Handang Magsakripisyo

Habang naglilingkod sa Europe Area, nagkaroon ako ng pribilehiyong makita na nasunod ang mga alituntuning ito nang magkaroon ng himala sa Sheffield, England. Noong katapusan ng 2008, pinag-isipang mabuti ni Bishop Mark Dundon ng Sheffield First Ward kung ano ang magagawa niya para lumago ang kanyang ward. Sa pagsasanay sa pamumuno, tinanong ng kanyang stake president ang mga bishop, “Ano ang handa ninyong isakripisyo para magtagumpay sa gawaing misyonero?” Mula sa mga turo ng kanyang mga lider, nalaman ni Bishop Dundon na mahalaga ang isang mahusay na ward mission leader, isang kumikilos na ward council, at ang kahandaang makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu.

Matapos ang maraming pagninilay at pagdarasal, ginamit ni Bishop Dundon ang kanyang mga susi ng priesthood at sinunod ang mga pahiwatig ng Espiritu na i-release ang dalawa niyang tagapayo, sina Gregory Nettleship at Robert McEwen. Pagkatapos ay tinawag ni Bishop Dundon si Brother Nettleship na maging bagong ward mission leader at si Brother McEwen bilang assistant ward mission leader. Malapit sa isa’t isa ang mga miyembro ng bishopric, kaya hindi naging madali ang pagbabagong ito sa kanila. Ngunit alam ni Bishop Dundon na sa partikular na sitwasyong ito ay tama ang pasiya, at mapagkumbabang tinanggap ng dalawang tagapayo ang kanilang bagong tungkulin.

Ang bishop, kasama ang kanyang bagong ward mission leader at ward council, ay mapanalanging gumawa ng mga plano at nagtakda ng mga mithiin para lumago ang ward. Nang isagawa nila ang kanilang mga plano, nagsimula silang makakita ng malaking tagumpay. Dumami nang husto ang mga nagpabinyag, at maraming taong muling naging aktibo sa Simbahan. Gayunman, walang kamalay-malay ang mga lider ng ward na ang kanilang pananampalataya at mga pagsisikap ay gagantimpalaan sa mga paraang hindi nila inakalang posible.

Naantig ng Pagmamahal

Noong Marso 2011 nakipag-usap ang isang bata pang missionary at ang kanyang kompanyon sa mga tao sa mga kalsada ng Sheffield. Nakita ni Elder Nicholas Pass na may isang mag-asawang nagdaan at nagkaroon siya ng malakas na pahiwatig na dapat niya silang kausapin. Hinabol ni Elder Pass at ng kanyang kompanyon ang mag-asawa. Nahirapan silang makipag-usap—ang mag-asawa ay taga-Slovakia at hindi marunong mag-Ingles—ngunit tumulong ang kasama nilang kaibigan sa interpretasyon. Sa pagtuturo sa kalsada, gumamit ng mga larawan ang mga missionary para ituro ang Unang Pangitain at ang mensahe ng Panunumbalik. Pagkatapos ay nakipag-appointment ang mag-asawa sa mga missionary para simulan silang turuan.

Sinimulang basahin ni Ludovit Kandrac, na ama ng pamilya, ang Aklat ni Mormon. Hindi nagtagal at tumigil siya sa paninigarilyo. Sa pagtuturo, kinailangang gumamit ng mga missionary ng maraming interpreter at nag-aral pa sila mismo ng kaunting salitang Slovak. Noong Mayo 14, 2011, nabinyagan si Ludovit, ang isa sa kanyang mga anak na babae, at dalawa pa niyang kamag-anak.

Sa kanyang binyag, nagpatotoo si Brother Kandrac. Sa tulong ng interpreter, ikinuwento niya ang pagkikita nila ng mga missionary. Nang maraanan niya si Elder Pass at ang kompanyon nito sa gitna ng lungsod ng Sheffield, nakaramdam siya ng pag-aalab ng dibdib. Binalewala niya ang nadama niya at nagpatuloy siya sa paglakad, ngunit nang sulyapan niyang muli ang mga missionary, naantig siya ng pagmamahal na ipinakita nila habang kausap nila ang mga tao. Kahit gusto niya silang lapitan, nagpatuloy sa paglakad si Brother Kandrac. Nagulat siya pagkaraan ng isang minuto nang lapitan siya ng mga missionary.

Kasama ang isa pang pamilyang taga-Slovakia na sumapi sa Simbahan noong isang taon, ang mga pagbibinyag na ito ay tanda ng pagsisimula ng isang makabagong himala ng pagbabalik-loob sa populasyong Slovak sa Sheffield, England. Nagsimba ang mga bagong miyembrong ito linggu-linggo, na kasama ang iba pang mga kapamilya at kaibigan. Binuksan nila ang kanilang tahanan sa mga missionary at inanyayahan ang iba sa kanilang komunidad na makinig sa ebanghelyo.

Madalas bisitahin ni Elder Pass at ng kanyang bagong kompanyon na si Elder Joseph McKay ang mga pamilyang ito. Kanila silang tinuruan, pinaglingkuran, tinulungan, at binasbasan. Ito ay isang kagila-gilalas na panahon ng pagtuturo, pag-aaral, at pagtanggap ng mga kaloob ng Espiritu para sa mga investigator, nabinyagan, missionary, lider ng stake at ward, at gayon din sa mga miyembro.

“Makapiling at Palakasin Sila”

Sa buong tag-init at taglagas ng 2011, marami pang Slovak ang sumapi sa Simbahan. Dahil sa kanilang pagdami, nahirapan ang mga miyembro sa lugar na patuloy na maglaan ng transportasyon papunta at pauwi mula sa meetinghouse. Ilang linggong naglakad nang limang milya (walong km) ang matatapat na Banal na Slovak papunta at pauwi para dumalo sa mga serbisyo ng Linggo sa isang wikang hindi nila maunawaan.

Noong Setyembre 2011 muling inorganisa ang Sheffield stake presidency, at si Bishop Dundon ang tinawag na bagong stake president. Isang buwan pagkaraan nagdaos ng isang fireside kapwa para sa mga Banal na nagsasalita ng Ingles at Slovak at may mga interpreter doon.

Habang nakaupo sa pulpito, nadama ni President Dundon na kailangang magbuo ng isang grupo ng mga Slovak na idurugtong sa Sheffield First Ward ngunit magpupulong sila sa isang pasilidad sa komunidad ng mga Slovak. Hindi nagtagal at isang akmang lugar ang natagpuan at inupahan ang mga silid. Noong Disyembre 11, 2011, idinaos ang unang mga pulong sa bagong pasilidad. Inasahan ng mga lider ng Sheffield First Ward na 50 katao ang dadalo. Sa halip, 84 na katao—kabilang na ang 63 Slovak—ang dumalo.

Kasunod ng muling pag-organisa ng Sheffield stake, tinawag na bishop ng Sheffield First Ward si Robert McEwen. Patuloy na naglingkod si Brother Nettleship bilang mission leader. Sa pamumuno ng dalawang bishop, nagawang akayin ng ward mission leader at ng ward council ang ward sa kahanga-hangang paraan na “makapiling at palakasin” ang mga Banal na Slovak (D at T 20:53).

Nilutas ng ward council ang mga isyung tulad ng paano ilalaan ang mga pangangailangan ng mga bagong miyembro, paano sila matutulungang lubos na makibahagi sa mga aktibidad ng ward, paano sila pangangalagaan sa ebanghelyo, at paano sila magkakaunawaan sa wika. Nag-ayuno at nanalangin ang mga miyembro ng council na tulungan sila ng Diyos at pagkatapos ay masigasig silang kumilos. Binisita nila ang mga bagong miyembro at sumama sa mga appointment sa pagtuturo ng mga full-time missionary. Naglaan sila ng transportasyon. Umorder sila ng mga materyal ng Simbahan sa wikang Slovak. Dinala nila sa templo ang bagong binyag na mga miyembro para magsagawa ng mga binyag para sa mga patay.

Nagbuo rin ang mga lider ng ward ng isang proyekto sa paglilingkod sa Kapaskuhan. Ang mga miyembro ng ward ay nagbigay ng pera at nangalap ng mga laruan, damit, at iba pang mga regalo. Malalaking bag na puno ng mga Pamaskong regalo na may kasamang pagkain para sa hapunan sa Pasko ang ipinamahagi sa mga Banal na Slovak at sa iba pang mga pamilya na sakop ng ward noong Bisperas ng Pasko.

Kakaunti lamang ang nauunawaan ng matatagal nang miyembro at mga bagong miyembro sa wika ng isa’t isa, ngunit nadama nilang lahat ang init ng tunay na pagmamahal. Puspos ng pambihirang kagalakan, kaligayahan, at katuwaan ang mga miyembro at investigator.

Nang sumunod na taon ang maliit na grupong ito ay naging isang matatag na unit ng Simbahan, na buu-buong pamilya ang nabibinyagan at sumasapi sa Simbahan. Naorden ang mga ama sa Aaronic at Melchizedek Priesthood, ang mga anak na lalaki sa Aaronic Priesthood, nagtatag ng isang Primary na may mahigit 20 bata, at nagbuo ng Young Men at Young Women na may mahigit 25 kabataang dumadalo linggu-linggo. Ang Panginoon ay naglaan ng isang full-time missionary mula sa Czech Republic na nakapagsasalita ng wika at nagdaragdag ng suporta sa grupo. Kasabay nito, nagpadala ang mga pamilyang ito ng mga referral sa kanilang bayang tinubuan.

Diyos ng mga Himala

Bakit ito nangyari? Dahil ang Diyos ay hindi tumitigil sa pagiging Diyos ng mga himala. Dahil masigasig na hinanap ng matatapat na missionary ang mga taong handang tanggapin ang ebanghelyo. Dahil ang stake president at mga bishop ay kumilos nang may pananampalataya at sumunod sa patnubay ng Espiritu Santo. Dahil ginampanan ng ward council ang kanilang responsibilidad at nagkakaisa silang kumilos. Dahil natutuhan ng mga miyembro ang wika ng pagmamahal at kumilos nang anyayahan ng kanilang mga lider, nang may pananampalataya at tiwala na totoo ang sinabi ng Diyos na: “Ako ay Diyos ng mga himala; at ipakikita ko sa mundo na ako ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman” (2 Nephi 27:23).

Ang tagumpay sa Sheffield ay hindi kailangang maging minsanang pangyayari. Ipinaaalala nito sa atin ang mga pangakong ibinigay sa pamamagitan ng mga propeta at mapapalakas nito ang ating pananampalataya at hangaring maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga tao sa ating paligid na lumapit kay Cristo. Kung gagawin natin ito, magiging karapat-dapat tayong mabiyayaan ng Panginoon ng mga pagkakataong magturo, magpaaktibo, at mapangalagaan ang iba. At makikita natin ang mga katibayan na Siya ay isa pa ring Diyos ng mga himala.