2013
Isang Telebisyon at Isang Espiritung Napasigla
Hulyo 2013


Paglilingkod sa Simbahan

Isang Telebisyon at Isang Espiritung Napasigla

Ang awtor ay naninirahan sa Mississippi, USA.

Ang asawa ko ay binging-bingi at lubos ang katapatan sa ebanghelyo. Gayunman, dahil maraming taon siyang nahirapang unawain ang mga pulong sa Simbahan tuwing Linggo ay nag-alangan siyang dumalo sa iba pang mga pulong at brodkast para sa priesthood. Bagama’t mababait at mapanghikayat ang mga miyembro ng aming ward, ang kakulangan nila sa pag-unawa sa tulong-teknikal na kailangan niya upang makabahagi sa mga pulong ay madalas magpalungkot at magpayamot sa aking asawa.

Bago kami sa aming ward, at panahon iyon ng pangkalahatang kumperensya. Atubiling naghanda ang aking asawa sa pagpunta sa pangkalahatang pulong ng priesthood, na iniisip kung anong mga problema ang makakaharap niya sa pagsisikap na panoorin ang brodkast. Dumating siya at nalaman na walang nakakaalam kung paano maglagay ng closed captions sa malaking overhead projector, kaya naglabas ng telebisyon at inilagay ito sa sulok. Gayunman, may kaunting problema. Ginamit pala sa projector ang kurdon na kailangan para maikonekta ang telebisyon, at nawalan ng silbi ang telebisyon. Nagpunta sa library ang aking asawa, na sanay na sa ganitong mga sitwasyon, at nagsimulang maghanap ng projector cord. Matapos maghanap sa ilang kahon at kabinet, nakakita siya ng maiksing kurdon para sa projector.

Dahil magsisimula na ang brodkast, nag-alala ang lahat sa pagtatanggal ng koneksyon at pag-aayos ng anumang bagay. Napakaikli ng kurdon na nakita ng asawa ko para umabot sa telebisyon na nasa rolling cart, kaya’t kinailangang ilipat ang TV sa mas mababang mesa. Inilabas niya ang cart sa chapel at ipinasok sa kalapit na silid. Sinimulan niyang kalagin ang telebisyon mula sa rolling cart at inisip na sana ay may dumating para tulungan siyang iangat ito. Sa sandaling iyon, naramdaman niyang may pumasok sa silid. Ang bishop iyon. Natuwa ang asawa ko nang ilagay nilang dalawa ang TV sa ibabaw ng mesa. Napaandar ng asawa ko ang TV habang kumukuha ng upuan ang bishop at inilalagay ito paharap sa screen.

Pinasalamatan siya ng aking asawa sa pagtulong niya at kinamayan siya, at tumalikod na ang bishop papunta sa pinto. Sa gulat ng asawa ko, hindi lumabas ang bishop at tumuloy sa mga silyang nakasandal sa dingding. Kumuha siya ng isa at naupo sa tabi ng aking asawa. Magkatabi silang dalawa na nakaupo sa buong sesyon.

Ngayon ay nasasabik nang dumalo ang asawa ko sa kanyang mga pulong. Ang simpleng kabutihang ginawa ng bishop ay nagpasigla sa aking asawa at nagpadama ng pasasalamat sa kanyang puso. Bagama’t may ilang problema pa ring dumarating, hindi na niya nadarama na nag-iisa siya o hindi siya tanggap. Ang pananaw ng aking asawa ay nagbago magpakailanman dahil sa mabuting ginawa ng isa sa mga pastol ni Cristo.