Para sa Maliliit na Bata
Tinawag ni Jesus ang Kanyang mga Disipulo
Mula sa Lucas 5:1–11.
Sina Simon at Andres ay magkapatid na mangingisda. Isang gabi, magdamag na nangisda sina Simon at Andres pero wala silang mahuli.
Nakasakay si Jesus sa bangka ni Simon. Sinabi niya sa magkapatid na minsan pang ihagis ang kanilang mga lambat sa dagat. Nang iangat nila ang kanilang mga lambat, puno ng isda ang mga ito!
Tinawag nina Simon at Andres ang mga kaibigan nilang sina Santiago at Juan para tulungan silang ilipat ang laman ng kanilang mga lambat sa kanilang bangka. Napakaraming isda kaya napuno nila ang dalawang bangka! Sinabi ni Jesus sa mga lalaki na kung susunod sila sa Kanya, manghuhuli sila ng isang bagay na mas mainam kaysa mga isda. Magiging mga mamamalakaya sila ng mga tao.
Iniwan nina Simon, Andres, Santiago, at Juan ang lahat, pati na ang kanilang mga bangka. Naging mga disipulo sila ni Jesus. Sumunod sila kay Jesus at tinulungan Siyang ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng tao.
Tulad ng mangingisda na may dalang mga isda sa lambat, makapagdadala tayo ng mga tao sa ebanghelyo sa pagiging mabuting halimbawa at pagtuturo sa kanila tungkol kay Jesus. Maaari din tayong maging mga mamamalakaya ng mga tao!