Pagtuturo ng Para sa Lakas ng mga Kabataan
Katapatan at Integridad
Ang katapatan at integridad “ay laging ipinagagawa o ipinasasabi sa isang tao ang tama anuman ang sitwasyon o isipin ng iba,” sabi ni Elder Christoffel Golden Jr. ng Pitumpu sa isang artikulo sa mga pahina 48–49 ng isyu sa buwang ito.
Ang artikulo ay nagsasalaysay tungkol sa isang pangyayari sa buhay ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Noong siya ay estudyante sa kolehiyo, naglaro si Elder Wirthlin sa isang kampeonato ng American football. Ipinasa sa kanya ang bola, tumakbo papunta sa linya ng kalaban, ngunit napigilang siya ng kalaban dalawang pulgada (5 cm) mula sa goal line. Sa ilalim ng patung-patong na mga manlalaro, sa halip na itulak ang bola papasok, naalala niya ang sinabi ng kanyang ina na dapat niyang gawin palagi ang tama. Hinayaan niya ang bola sa kinalalagyan nito.
Ang sumusunod na mga mungkahi, kasama ang inyong sariling halimbawa, ay makatutulong sa inyo na maituro sa inyong mga anak ang mga alituntuning ito ng ebanghelyo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Kabataan
-
Basahin kasama ng inyong anak na tinedyer ang bahaging tungkol sa katapatan at integridad sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Talakayin ang mga pagpapala ng katapatan at integridad.
-
Isiping magpatulong sa inyong anak na tinedyer na maghanda ng quiz na “Ano ang Gagawin Mo?” para sa family home evening. Gamitin ang Para sa Lakas ng mga Kabataan bilang gabay at maglista ng mga sitwasyon na magbibigay sa isang tao ng pagkakataon na magpakita ng katapatan at integridad. Sagutan ninyo ng inyong pamilya ang quiz at pag-usapan ang mga resulta nito.
-
Paulit-ulit na nagsalita si Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa katapatan. Maghanap ng isa sa kanyang mga mensahe at ibahagi ito sa inyong pamilya. Narito ang ilang posibilidad:
“Si Propetang Joseph Smith: Huwarang Guro,” Liahona, Nob. 2005, 67.
“Happiness—the Universal Quest,” Liahona, Mar. 1996, 2.
“In Search of an Abundant Life,” Tambuli, Ago. 1988, 2.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Bata
-
Kasama sa integridad ang pagiging tapat sa inyong sarili. Para maipaliwanag ito, isiping magkaroon ng isang family home evening lesson kung saan may pagkaing nakalagay sa harapan ng mga bata. Sabihin sa kanila na hindi pa sila maaaring kumain hangga’t hindi ninyo sinasabi. Pagkatapos ay pumikit o piringan ang inyong sarili at magtanong, “Ayos lang ba na kainin ninyo ang pagkain ngayon, dahil lang sa hindi ko kayo nakikita?” Talakayin ang mabubuting bagay na magagawa nila kapag walang nakatingin sa kanila, tulad ng personal na panalangin. Ipaalala sa kanila na lagi silang nakikita ng Ama sa Langit.
-
Isiping gamitin ang quiz na ginawa ninyo ng anak ninyong tinedyer (tingnan sa itaas), o gumawa ng isang quiz na angkop sa maliliit na bata na makakatulong sa kanila na kilalanin kung ano ang tapat o hindi tapat. Hayaang talakayin nila ang kanilang mga sagot. Kung kayo ay may mga anak na tinedyer at maliliit na anak, isiping patulungan sa mga tinedyer ang kanilang maliliit na kapatid sa pagsagot sa quiz.