Mensahe sa Visiting Teaching
Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang inyong mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society. Para sa iba pang impormasyon, pumunta sa reliefsociety.lds.org.
Si Jesucristo ay isang dalubhasang guro. Nagpakita Siya ng halimbawa para sa atin nang “[turuan Niya] ang kababaihan nang sama-sama at nang isa-isa, sa lansangan at sa dalampasigan, sa tabi ng balon at sa kanilang mga tahanan. Nagpakita Siya ng mapagmahal na kabaitan sa kanila at pinagaling sila at ang mga miyembro ng kanilang pamilya.”1
Tinuruan Niya sina Marta at Maria at “inanyayahan … silang maging Kanyang mga disipulo at makibahagi sa kaligtasan, ‘ang magaling na bahagi’ [Lucas 10:42] na hindi kailanman aalisin sa kanila.”2
Sa ating mga banal na kasulatan sa mga huling araw, inutusan tayo ng Panginoon na “turuan ninyo ang isa’t isa ng doktrina ng kaharian” (D at T 88:77). Hinggil sa pagtuturo at pag-aaral ng doktrina, sinabi ni Cheryl A. Esplin, pangalawang tagapayo sa Primary general presidency, “Ang pag-aaral upang lubos na maunawaan ang mga doktrina ng ebanghelyo ay panghabambuhay na proseso at dumarating nang ‘taludtod sa taludtod, [na]ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon’ (2 Nephi 28:30).”3
Kapag tayo ay natuto, nag-aral, at nanalangin, maaari tayong magturo nang may kapangyarihan ng Espiritu Santo, na siyang magdadala ng ating mensahe “sa puso ng mga anak ng tao” (2 Nephi 33:1).
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Mula sa Ating Kasaysayan
Ang mga propeta natin noon ay ipinaalala sa atin bilang kababaihan na tayo ay may mahalagang tungkulin bilang mga guro sa tahanan at Simbahan. Noong Setyembre 1979, inutusan tayo ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na maging “mga kababaihang maalam sa mga banal na kasulatan.” Sinabi niya: “Maging maalam sa mga banal na kasulatan—hindi para hamakin ang iba, kundi para pasiglahin sila! Kunsabagay, sino pa ba ang mas nangangailangang ‘magpahalaga’ sa mga katotohanan ng ebanghelyo (na maaasahan nila sa mga sandali ng pangangailangan) kundi ang kababaihan at mga inang maraming inaalagaan at tinuturuan?”4
Lahat tayo ay mga guro at mag-aaral. Kapag nagturo tayo mula sa mga banal na kasulatan at mga salita ng ating mga buhay na propeta, matutulungan natin ang iba na lumapit kay Cristo. Kapag nakibahagi tayo sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga makabuluhang bagay at pakikinig pagkatapos, matatagpuan natin ang mga sagot na tumutugon sa personal nating mga pangangailangan.