2013
Sinumang Tinawag ng Panginoon ay Binibigyan Niya ng Kakayahan
Hulyo 2013


Ang Ating Paniniwala

Sinumang Tinawag ng Panginoon ay Binibigyan Niya ng Kakayahan

Karamihan sa mga miyembro ng Simbahan ay magkakaroon ng maraming pagkakataong tumanggap ng isang “tungkulin”—isang gawaing maglingkod. “Inaasahan ng Panginoon na magkakaroon ng tungkulin sa Kanyang Simbahan ang bawat isa sa atin nang sa gayon ay mapagpala ang iba ng ating mga talento at impluwensya,” sabi ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994).1

Ang mga lider ng Simbahan, na tinawag para maglingkod, ay umaasa sa ibang mga miyembro na kanilang tatanggapin at tutuparin ang mga tungkuling ibinigay sa kanila. Bawat bagong tungkulin ay isang pagkakataong maglingkod at umunlad at dapat gawin nang may pagpapakumbaba at panalangin. Ang mga tawag na maglingkod sa Simbahan ay ibinibigay ng mga lider ng priesthood matapos humingi ng inspirasyon mula sa Panginoon. “Kayo’y tinawag ng Diyos,” paliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “Kilala kayo ng Panginoon. Alam Niya kung sino ang nais Niyang maglingkod sa bawat posisyon sa Kanyang Simbahan. Pinili Niya kayo.”2

Sa ating mga tungkulin kinakatawan natin ang Tagapagligtas, at ang gawaing ginagawa natin—gaano man ito kahamak—ay may mga walang-hanggang ibubunga. Ang impluwensya ng isang masigasig na guro sa Primary, halimbawa, ay maaaring bigyan ng inspirasyon ang isang bata na magmisyon balang-araw. O ang magiliw na pagbati ng isang usher ay maaaring maipadama sa isang miyembrong nahihirapan na tinatanggap siya sa simbahan.

Tutulungan tayo ng Panginoon sa ating mga tungkulin, lalo na kung nahihirapan tayo sa ating mga responsibilidad. Kapag nagdasal tayo sa Ama sa Langit na patnubayan tayo, papatnubayan Niya tayo sa pamamagitan ng inspirasyon at pagpapalain tayo upang makapaglingkod nang husto. Tinutulungan ng Panginoon ang mga naglilingkod sa Kanya at idaragdag ang Kanyang kapangyarihan sa kanilang mga pagsisikap (tingnan sa D at T 84:88). Tulad ng ipinangako ni Pangulong Thomas S. Monson, “Kapag tayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon, tayo ay karapat-dapat sa tulong ng Panginoon. Tandaan na sinumang tinawag ng Panginoon ay binibigyan Niya ng kakayahan.”3

Kapag sinunod natin ang halimbawa ng paglilingkod ng Panginoon at masunuring tinupad ang ating mga tungkulin at responsibilidad sa Simbahan, pagpapalain ang ating buhay at magiging higit tayong katulad ng Diyos (tingnan sa Moroni 7:48; D at T 106:3).

  • Maaari tayong sumangguni sa mga hanbuk, sa manwal, sa payo ng mga lider ng Simbahan, at sa iba pang mga materyal upang malaman natin ang ating mga responsibilidad at masagot ang ating mga tanong.

  • Hindi natin hinahangad ang mga tungkulin, ni hindi natin karaniwang tinatanggihan ang mga tungkuling ibinibigay sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood (tingnan sa Moises 6:31–32).

  • Kapag tumutulong tayo sa gawain ng Panginoon, maaari nating ipagdasal at tanggapin ang Kanyang tulong (tingnan sa D at T 84:88).

  • Ang pagtupad sa ating mga tungkulin ay naghahatid ng mga pagpapala at kagalakan (tingnan sa Mateo 25:23).

  • Lahat ng tungkulin ay pare-parehong mahalaga; kailangan ng Simbahan ang mga nursery leader at maging ang mga Relief Society president (tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:14–18). Mas mahalaga kung paano tayo naglilingkod kaysa kung saan tayo naglilingkod.

Mga Tala

  1. Ezra Taft Benson, sa Dieter F. Uchtdorf, “Magbuhat Kung Saan Kayo Nakatayo,” Liahona, Nob. 2008, 54.

  2. Henry B. Eyring, “Manindigan sa Iyong Tungkulin,” Liahona, Nob. 2002, 76.

  3. Thomas S. Monson, “Duty Calls,” Liahona, Hulyo 1996, 42.