Walang Salitang Mula sa Dios naDi May Kapangyarihan
Ang awtor ay naninirahan sa New Zealand.
Mga 12 taon na ang nakararaan, nandayuhan kami ng aking asawa at apat na anak na lalaki sa New Zealand mula sa Republic of Korea. Habang nagtatrabaho bilang pangalawang punong-guro sa paaralang Korean sa New Zealand, marami akong nakilalang Koreano na nahihirapang makibagay sa bagong kultura at mga bagong patakaran at tuntunin. Gusto kong tulungan sila at makatulong din sa New Zealand, kaya naisip ko na ang pagiging abogado ay isang paraan para mapag-ugnay ang dalawang lahi at bansa. Kaya, matapos manalangin para matiyak ang aking desisyon, nagpasiya akong mag-aral sa law school sa edad na 53.
Alam kong mahihirapan ako. Ngunit nang matanggap ko ang mga manwal sa kurso, natanto ko na mas mahirap pa ito kaysa inasahan ko. Bawat manwal sa kurso ay napakakapal, at tila hindi ko maunawaan ang mga nilalaman nito. Bagama’t halos 10 taon akong nakatulong sa pag-interpret ng wikang Ingles sa wikang Koreano para sa pangkalahatang kumperensya at nakatapos ako ng master’s degree sa linguistics sa New Zealand, ang mga katagang ukol sa batas ay tila lubos na kakaibang uri ng Ingles.
Pag-uwi ko mula sa paaralan noong unang araw ng pasukan, pinag-isipan kong mabuti kong dapat akong magpatuloy o hindi na. Sa panahong iyon ng pag-aalinlangan, isang kaisipan ang nanaig sa aking isipan: Magtatagumpay ako kung lubos akong aasa sa Panginoon.
Dahil alam ko na ang Diyos ay buhay at sinasagot ang ating mga panalangin, humingi ako ng tulong sa Kanya. Naalala ko ang isang talata sa Biblia na nagbigay sa akin ng malaking ginhawa: “Sapagka’t walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan” (Lucas 1:37). Ang talatang iyan ay nagbigay sa akin ng lakas na magpatuloy.
Tuwing hirap ako sa aking pag-aaral, ang Diyos ay laging naghahanda ng daan o nagsusugo ng mga anghel—mga taong matulungin—upang gabayan ako.
Isang araw nahirapan akong tapusin ang isang assignment. Ginawa ko ang lahat, pero hindi ko mawari kung ano ang gustong ipagawa sa amin ng lecturer. Pagsapit ng Linggo, ipinagpaliban ko lahat ng pinag-aaralan ko at nagtuon ako sa mga tungkulin ko sa Simbahan. Bilang stake high councilor, dinalaw ko ang isang ward na nakatalaga sa akin para magbigay ng mensahe sa sacrament meeting. Pagkatapos ng pulong nilapitan ako ng isang lalaki at sinabing nakita na niya ako sa klase. Hindi ko alam na nag-aaral din pala siya ng abugasya. Nang kumustahin niya ang assignment namin, tinapat ko siya na talagang nahihirapan ako. Nagprisinta siyang puntahan ako sa bahay para tulungan ako. Kung hindi ako nagpunta sa ward na iyon at hindi siya nakilala, hindi ko sana naipasa sa oras ang assignment ko. Isa siyang anghel na isinugo ng Diyos para sagutin ang aking panalangin.
Sa isa sa pinakamahihirap kong asignatura, dalawang oras na walang tigil sa pagtuturo ang lecturer tuwing may klase kami. Hindi lang mahirap unawain ang asignatura kundi pati na ang punto ng pagsasalita ng lecturer, kaya sa kanyang pahintulot, inirekord ko ang mga lecture niya para marepaso ko. Isang araw tumanggap ako ng email mula sa isang babaeng hindi ko kilala. Nagpakilala siya na kaklase ko at nagtanong kung puwedeng mahiram ang mga inirekord ko dahil hindi siya nakakapasok sa klase kung minsan dahil sa iskedyul niya sa trabaho.
Siyempre masaya akong bigyan siya ng mga kopya ng mga inirekord ko. Akala ko tinutulungan ko siya, pero hindi naglaon at nalaman ko na isa pa siyang anghel na isinugo ng Diyos para tulungan ako. Para makapasa sa klase, kinailangan naming magpasa ng dalawang assignment at kumuha ng tatlong-oras na pagsusulit. Tinulungan niya akong matapos ang mga assignment at maghanda para sa pagsusulit. Kung hindi sa tulong niya, palagay ko hindi ako pumasa.
Bukod pa sa hirap ng pagiging mas matandang estudyante na hindi matatas magsalita ng Ingles, may iba pa akong mga responsibilidad na nagpahirap sa akin na matapos ang kurso. Malaking oras ang ginugol ko sa trabaho, mga gawain sa komunidad, at mga tungkulin sa Simbahan, at sinikap ko ring pangalagaan at asikasuhin ang pinakamahahalaga kong responsibilidad bilang asawa, ama, at lolo. Nang malaman ng isa sa mga kasamahan ko ang lahat ng dapat kong gawin bukod pa sa pag-aaral, sinabi niya na kahibangang mag-aral pa ako ng abugasya sa dami ng iba ko pang mga obligasyon. Gayunman, naniniwala ako na “ang mga bagay na di mangyayari sa mga tao ay may pangyayari sa Dios” (Lucas 18:27).
Sa edad na 55, natanggap ako bilang solicitor at barrister sa High Court sa New Zealand. Nagpapasalamat ako na hindi lamang ako naging isang abogado sa kabila ng hindi ako gaanong makapagsalita ng wika nila kundi nagkaroon din ako ng mas malakas na patotoo na ang Diyos ay buhay at sinasagot ang matwid nating mga panalangin. Alam ko na walang imposible sa tulong Niya.