2013
Mamuhay para sa Kawalang-Hanggan
Hulyo 2013


Mamuhay para sa Kawalang-Hanggan

Halaw mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Marso 12, 2007. Para sa buong teksto sa Ingles, bisitahin ang web.byui.edu/devotionalsandspeeches.

Elder Keith K. Hilbig

Nakikiusap ako sa inyong mga young adult na madalas isipin ang magiging buhay ninyo sa langit kasama ang inyong pamilya sa kawalang-hanggan.

Gaano naiiba at gaano kahirap ang daigdig ng mga young adult (may-asawa o wala) ngayon kung ihahambing sa daigdig ng mga young adult sa nakalipas na dalawa o tatlong henerasyon. Marami sa mga pagsubok ngayon ang hindi namin naranasan, o hindi gaanong matindi, noong nasa kolehiyo ako.

Ngunit narito kayo ngayon, sa sandaling ito. Masigla kayong sumusulong habang ang matatanda ninyo ay nagsisipanaw na. Hindi nagkataon lang na narito kayo sa panahong ito kundi bahagi ito ng isang walang-hanggang plano—ginawa, sinang-ayunan, at ipinatupad bago nilikha ang mundo.

Napakapalad ninyong malaman ang Panunumbalik ng ebanghelyo! Alam ninyo na bago kayo isinilang sa mundo ay nabuhay kayo sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Tinuruan kayo at sinubukan. Natutuhan ninyo ang mga batas na magtutulot sa inyong umunlad at sumulong. Sinunod ninyo ang mga batas na iyon, kaya nagkaroon kayo ng karapatang magtungo sa mundo, na naglalagay sa inyo sa landas tungo sa kadakilaan, kapangyarihan, at pagkadiyos.

Nauunawaan ninyo ang mga layunin ng mortalidad sa mundo, at itinuro sa inyo ang mga bagay hinggil sa mga oportunidad ninyo sa kabilang buhay. Sa madaling salita, may kaalaman kayo sa kawalang-hanggan—malilingon ninyo ang nakaraan, at matatanaw ninyo ang hinaharap.

Karamihan sa mga katulad ninyong young adult na hindi miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at ang daigdig sa kabuuan, ay di-gaanong alam ang mga katotohanang ito. Nabubuhay sila na parang nasa isang kahon na ang nalalaman ay limitado sa dalawang kaganapan: pagsilang at kamatayan. Nagpapasiya sila at kumikilos nang may limitadong pananaw. Masasabing nabubuhay sila para magpakasaya ngayon—ang panahon sa pagitan ng kanilang pagsilang at kamatayan, na napakaikling panahon lang sa saklaw ng kawalang-hanggan. Malamang na wala silang alam sa kanilang buhay bago sila isinilang at kakaunti ang alam nila tungkol sa kawalang-hanggan.

Ang Inyong Walang-Hanggang Potensyal

Gayunman, alam ninyo ang pangako ng maaari ninyong kahinatnan sa kawalang-hanggan. Sa mga mag-asawang nabuklod sa banal na templo, nangako ang Panginoon:

“Kayo ay magbabangon sa unang pagkabuhay na mag-uli … at magmamana ng mga trono, kaharian, pamunuan, at kapangyarihan, mga sakop, lahat ng taas at lalim … at kung siya ay susunod sa aking tipan, at hindi gagawa ng pagpaslang upang makapagpadanak ng dugo ng walang malay, ito ay magagawa sa kanila sa lahat ng bagay anuman ang ipataw sa kanila ng aking tagapaglingkod, sa panahon, at sa lahat ng kawalang-hanggan; at magkakaroon ng buong bisa kapag sila ay wala na sa daigdig; at sila ay makararaan sa mga anghel, at sa mga diyos, na inilagay roon, tungo sa kanilang kadakilaan at kaluwalhatian sa lahat ng bagay, na ibinuklod sa kanilang mga ulo, kung aling kaluwalhatian ay magiging isang kaganapan at isang pagpapatuloy ng mga binhi magpakailanman at walang katapusan.

“Pagkatapos sila ay magiging mga diyos, sapagkat sila ay walang katapusan; samakatwid sila ay magiging mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, sapagkat sila ay magpapatuloy; sa gayon sila ay mangingibabaw sa lahat, sapagkat lahat ng bagay ay saklaw nila. Sa gayon sila ay magiging mga diyos, sapagkat taglay nila ang lahat ng kapangyarihan, at ang mga anghel ay saklaw nila” (D at T 132:19–20).

Nakikiusap ako sa inyo na laging isipin ang magiging buhay ninyo sa langit kasama ang inyong pamilya sa kawalang-hanggan, isang kalagayang di-maarok sa kaluwalhatian at kalamangang hindi pa natin lubos na maunawaan. Gayunman, ang talagang tiyak natin ay napanatili ng bawat isa sa inyo ang inyong “unang kalagayan” (Abraham 3:26), bawat isa sa inyo ay nakapasa sa lahat ng pagsubok bago kayo isinilang sa mundong ito, bawat isa sa inyo ay nanampalataya nang lubos, at dahil diyan, bawat isa sa inyo ay tumanggap ng pribilehiyong magkamit ng katawang lupa at mabuhay sa mundong ito.

Samakatwid, hindi kayo dapat mamuhay para sa ngayon; bagkus, dapat ay mamuhay kayo para sa kawalang-hanggan. Lagi ninyong tandaan na kung kayong mag-asawa, o kayo ng inyong mapapangasawa kung wala pa kayong asawa, ay masunurin, kayo ay “magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa [inyong] mga ulo magpakailanman at walang katapusan” (Abraham 3:26)—isang napakagandang bagay na ipinangako mismo ng Diyos para sa bawat isa sa Kanyang mga anak.

Kung kayo ay tapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, ang Kanyang mga pangako ay ganap na matutupad. Subalit ang kaaway ng mga kaluluwa ng tao ay nagpupumilit na bulagin ang kanilang mga isipan. Kung siya ay hahayaan nila, magbabato si Satanas ng buhangin, ika nga, sa kanilang mga mata, at sila ay mabubulag sa at bubulagin ng mga bagay ng mundo.

Ang mahuhusay at matatalinong tao ng Kristiyanismo ay hindi alam ang alam ninyo sa mga bagay na ukol sa kawalang-hanggan, ngunit alam ito ni Satanas! Alam niya ang inyong paghahanda bago ang buhay na ito, ang layunin ninyo sa mundo, at bukod pa riyan ang inyong walang-hanggang potensyal.

Sa wikang Hebreo ang ibig sabihin ng salitang diyablo ay “maninira.”1 Hangad ng diyablo na sirain ang paglalakbay ninyo patungo sa kawalang-hanggan. Tinatangka niyang hadlangan ang inyong potensyal dito at sa kabilang buhay. Gusto niyang piliin ninyo ang mali. Iniisip ng ilang kabataang gusto nang magsarili sa buhay na ang kanilang pagsasarili ay pinakamainam na maipapakita kapag pinili nilang gawin ang isang bagay na mali. Sinumang hangal ay magagawa iyan; anumang grupo ng mga tao ay magagawa iyan.

Sa katunayan, ang pagsasarili, ang tunay na kalayaan, ay maipapakita at mararanasan sa pagpili ng tama. Binigyan kayo ng Diyos hindi lamang ng karapatang pumili sa pagitan ng mabuti at masama kundi ng kapangyarihang piliin ang mabuti kaysa masama! Sa ganyang paraan kayo ay binigyan ng Diyos ng mas malakas na kapangyarihan kaysa kay Satanas at kanyang mga alagad. Kayo pa rin ang nagpapasiya, hindi si Satanas.

Ipinlano ng Ama sa Langit ang buhay na ito sa mundo dahil sa mahalagang layunin: upang tayo ay masubok at makapanaig sa masama. Hindi Niya karaniwang sinasadyang maganap ang mga pagsubok at tukso, ngunit alam Niya na maraming mararanasang ganito sa mundo. Nais Niya na habang narito tayo sa mundo, matututuhan nating pag-aralang daigin ang ating “likas” na mga sarili (tingnan sa Mosias 3:19), ilayo ang ating sarili sa makamundong bagay, at patunayang tayo ay karapat-dapat. May ibang mga pakana si Satanas. Gagawin niya ang lahat para hadlangan ang ating pag-unlad.

Ang mga Tukso ng Daigdig

Ang daigdig na ito, kaakibat ang mapanlinlang at masamang pagtulong at pag-udyok ni Satanas, ay tinutukso kayong gawin ang lahat para matanggap ng ibang tao, gawin ang ginagawa ng nakararami, magpakasasa sa kasiyahang dulot ng panahon ngayon—marahil sa pamamagitan ng mahahalay na pelikula o video games, kasalanang moral (kabilang na ang pornograpiya), masamang pananalita, mahalay na kasuotan, o kasinungalingan. Guguluhin ni Satanas ang pagkaunawa ninyo sa banal na plano ng langit para sa pamilya: na ang kasal ay inorden ng Diyos sa pagitan ng lalaki at babae at na ang mga anak ay may karapatang mapangalagaan ng isang ina at isang ama.2

Kung sa buhay ngayon ay nagpadala kayo sa panunukso ni Lucifer, maaari niyang alisin sa inyo ang mga pagpapala ng kawalang-hanggan. Si Satanas ay walang anumang magiging pagpapala sa kawalang-hanggan. Alalahanin ninyo, natalo siya sa digmaan sa langit, digmaang ginamitan ng patotoo (tingnan sa Apocalipsis 12:11) kung saan nagapi siya at ang kanyang mga alagad ng matatapat na tagasunod ni Cristo. Malaki ang bilang ng mga napahamak: lahat ng alagad ni Satanas—ang ikatlong bahagi ng hukbo ng langit—ay itinaboy. Hindi sila kailanman tatanggap ng katawang lupa o magkakaroon ng buhay na walang hanggan.

Sinabi ni Lehi sa anak niyang si Jacob:

“At ako, si Lehi, ayon sa mga bagay na aking nabasa, ay talagang kailangang ipalagay na ang isang anghel Diyos, ayon sa yaong nakasulat, ay nahulog mula sa langit; anupa’t siya ay naging diyablo, na hinahangad yaong masama sa harapan ng Diyos.

“At sapagkat siya ay nahulog mula sa langit, at naging kaaba-aba magpakailanman, kanyang hinahangad din ang kalungkutan ng buong sangkatauhan” (2 Nephi 2:17–18).

Itinuro din ni Lehi: “Anupa’t ang tao ay malaya ayon sa laman. … At sila ay malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa pagkabihag at kapangyarihan ng diyablo; sapagkat hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” (2 Nephi 2:27).

Sa ating panahon, ang mga nagbebenta ng mga bawal na gamot, nagpapamahagi ng pornograpiya, tumatangkilik ng masasamang libangan, sumusuporta sa mga kasinungalingan, nagpapaanunsyo ng mahahalay na kasuotan, nag-uudyok ng imoralidad, at tumutuligsa sa tradisyunal na pamilya ay nangungumbinsing piliin ang mga bagay na magpapahina ng espirituwalidad, na maaaring magbunga pa ng espirituwal na kamatayan, ng mga anak ng Diyos.

Lagi ninyong tandaan na humahalakhak si Satanas sa kasawian ng mga nalinlang ng gayong mga panunukso (tingnan sa Moises 7:26). Iba-iba ang kanyang mga pamamaraan, ngunit may iisang layunin ang mga ito: pagsuway at ang pagkawala ng mga pagpapalang dulot nito.

Mga Pagpapala ng Pagsunod

Ang pagsunod ay nagbubunga ng mga pagpapala at kapayapaan. Isipin ang isang matibay na pagpapasiya ninyong gawin ang tama, kahit napakalakas ng tuksong gawin ninyo ang mali. Marahil ito ay pagpapasiyang paalisin ang maruming pag-iisip o magsabi ng totoo kahit mas madali ang magsinungaling. Marahil ito ay pagpapasiyang tumayo at lumabas sa sinehan (o kahit anong masamang lugar) na inaanunsyong kalugud-lugod gayong ang totoo ay hindi katanggap-tanggap ito.

Kapag iniisip ninyo ang inyong mga tamang desisyon, ano ang nadarama ninyo? Kagalakan? Kakayahang supilin ang sarili o karagdagang lakas? Ibayong kumpiyansa sa harapan ng Panginoon? Dagdag na kakayahang labanan ang kasamaan? Iyan ang kapangyarihan; iyan ang kalayaan!

Kung patuloy ninyong nilalabanan ang tukso, mas madali nang gawin ito—hindi dahil sa nabago ang likas na katangian ng paglaban sa tukso, kundi ang kapangyarihan ninyong gawin ito ay naragdagan.3 Mapaglalabanan ninyo ang anumang tuksong kinakaharap ninyo (tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 10:13).

Alam ninyo ang inyong banal na pinagmulan. Nalalaman ninyo nang lubos ang inyong banal na tadhana. Inaanyayahan ko kayo na “magtaglay ng kabanalang mula sa Kanya”4 at mamuhay hindi para sa ngayon kundi para sa kawalang-hanggan.

Kayong kalugud-lugod na mga young adult, kayo na magiging mga lider sa kaharian ng Diyos at sa lipunan, ay hindi dapat magapi sa walang tigil na labanang ito. Nakayanan ninyo ang digmaan sa langit; mapagtatagumpayan ninyo ang digmaan sa lupa. Huwag kayong mamuhay para sa ngayon bagkus mamuhay kayo para sa kawalang-hanggan.

Makatitiyak kayo, sulit ang lahat ng pagsisikap ninyong sundin ang mga kautusan, dahil ang inyong gantimpala ay ang makabalik sa piling ng Diyos sa pinakamataas na antas ng selestiyal na kaharian.

Mga Tala

  1. Bible Dictionary, “Devil.”

  2. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  3. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Heber J. Grant (2002), 39.

  4. Gordon B. Hinckley, “Bawat Isa’y Maging Mas Mabuting Tao,” Liahona, Nob. 2002, 99.