Matibay na Pananalig na may Pagkahabag
Halaw sa CES devotional na ibingay noong Setyembre 9, 2012. Para sa buong teksto sa Ingles, na may pamagat na “Israel, Israel, God Is Calling,” bisitahin ang cesdevotionals.lds.org.
Ang reaksyon natin sa mga tao at mga sitwasyon ay kailangang kakitaan ng kabuuan ng mga pinaniniwalaan ng ating relihiyon at katapatan natin sa ebanghelyo.
Kamakailan inimbita akong magsalita sa isang stake single-adult devotional. Pagpasok ko sa pinto sa likod ng stake center, isang mga 30-anyos na dalaga ang halos kasabay kong pumasok. Kahit napakarami ng mga pumapasok sa chapel, mahirap na hindi siya mapansin. Batay sa naaalala ko, mayroon siyang ilang tato, iba’t ibang hikaw sa tainga at ilong, naka-spike ang buhok na may iba’t ibang kulay, napakaikli ng palda, at napakababa ng leeg ng blusa.
Ang babae bang ito ay puno ng problema, hindi natin ka-relihiyon, na inakay—o kaya naman ay isinama ng isang tao—sa patnubay ng Panginoon sa debosyonal na ito sa pagsisikap na tulungan siyang magkaroon ng kapayapaan at patnubay ng ebanghelyo na kailangan niya sa kanyang buhay? O miyembro kaya siya na medyo nawalan ng pag-asa at nalihis sa mga pamantayang ipinapayo ng Simbahan na sundin ng mga miyembro nito ngunit, mabuti na lamang at nakikihalubilo pa rin siya at piniling dumalo sa aktibidad ng Simbahan sa gabing iyon?
Ano man ang maging reaksyon ng sinuman sa dalagang iyon, ang tuntunin magpakailanman ay na sa lahat ng pakikihalubilo at kilos natin, kailangan tayong kakitaan ng kabuuan ng ating mga pinaniniwalaan sa ating relihiyon at ng ating katapatan sa ebanghelyo. Ibig sabihin, anuman ang reaksyon natin sa anumang sitwasyon dapat ay makabuti ito, hindi lalong makasama. Hindi tayo maaaring kumilos sa paraan na mas malaki pa ang nagawa nating kasalanan, sa kasong ito, kaysa sa kanya. Hindi ibig sabihin nito ay wala tayong mga opinyon, na wala tayong mga pamantayan, na kahit paano ay binabalewala natin ang mga kautusan na “dapat gawin” at “hindi dapat gawin” sa buhay. Ngunit ang ibig sabihin nito ay kailangan nating ipamuhay ang mga pamantayang iyon at ipagtanggol ang mga “dapat gawin” at “hindi dapat gawin” sa mabuting paraan sa abot-kaya natin, sa paraang ipinamuhay at ipinagtanggol ito ng Tagapagligtas. At ginawa Niya sa tuwina ang dapat gawin para mapabuti ang sitwasyon—mula sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapatawad sa mga makasalanan, hanggang sa paglilinis ng templo. Dakilang kaloob ang malaman kung paano gawin ang gayong mga bagay sa tamang paraan!
Kaya, hinggil sa babaing kakaiba ang suot na damit at anyo, simulan natin sa pag-alaala na siya ay anak ng Diyos at walang-hanggan ang kanyang kahalagahan. Simulan natin sa pag-alaala na siya ay anak ng isang tao dito sa lupa at, sa ibang pagkakataon, maaaring anak ko siya. Simulan natin sa pasasalamat na dumalo siya sa aktibidad ng Simbahan, at hindi umiiwas kanino man. Sa madaling salita, sinisikap nating gawin ang pinakamainam sa ganitong sitwasyon sa hangaring tulungan siyang gawin ang pinakamainam. Patuloy nating ipinagdarasal nang tahimik: Ano ba ang tamang gawin dito? At ano ba ang tamang sabihin? Ano ba ang magpapabuti sa huli sa sitwasyong ito at sa kanya? Ang pagtatanong ng mga bagay na ito at pagsisikap na gawin ang gagawin ng Tagapagligtas sa palagay ko ang ibig Niyang sabihin nang sabihin Niyang, “Huwag kayong magsihatol ayon sa anyo, kundi magsihatol kayo nang matuwid na paghatol” (Juan 7:24)
Dahil diyan, pinaaalalahanan ko ang lahat na sa paghanap at pagtulong sa pagbabalik ng isang tupang naligaw, may malaking responsibilidad din tayo sa 99 na hindi nangaligaw at sa kagustuhan at kalooban ng Pastol. May isang kawan, at dapat ay naroon tayong lahat, anuman ang kaligtasan at mga pagpapalang natatanggap natin dahil dito. Mga bata kong kapatid, kailanman ay hindi “babaguhin” ng Simbahang ito ang mga doktrina nito para lamang umangkop sa lipunan o maging katanggap-tanggap ito o sa iba pang dahilan. Tanging ang seguridad ng inihayag na katotohanan ang naglalagay sa atin sa katayuan na kung saan maiaangat natin ang isang taong nababagabag o pinabayaan. Ang ating pagkahabag at pagmamahal—na mahahalagang katangian ng ating pagiging Kristiyano ay hindi—kailanman dapat bigyang-kahulugan na pagsasapalaran ng mga kautusan. Gaya ng sinabing minsan ng kahanga-hangang si George MacDonald, sa gayong mga sitwasyon “hindi tayo obligadong sabihin ang lahat ng ating [pinaniniwalaan], kundi obligado tayong huwag [matulad] sa hindi natin [pinaniniwalaan].”1
Kailan Tayo Kailangang Humatol
Tungkol dito, kung minsan ay may di-pagkakaunawaan, lalo na sa ating mga kabataang nag-iisip na hindi natin dapat hatulan ang anuman, na hindi natin dapat halagahan ang anumang bagay. Dapat tayong magtulungan sa bagay na iyan dahil nilinaw ng Tagapagligtas na sa ilang sitwasyon ay dapat tayong humatol, obligasyon nating humatol—tulad nang sabihin Niyang, “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anomang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy” (Mateo 7:6). Parang paghatol na iyan para sa akin. Ang isang di-katanggap-tanggap na alternatibo ay ang magpaubaya at maging katulad ng makabagong mundo na nagbibigay ng kaluwagan sa mga pamantayang sumisira sa kagandahang-asal, na nagsasabing walang bagay na walang hanggan ang katotohanan o napakasagrado, at, samakatwid, walang isang pananaw tungkol sa anumang usapin na higit na mahalaga kaysa iba. At sa ebanghelyo ni Jesucristo, talagang hindi iyan totoo.
Sa prosesong ito ng pagsusuri, hindi tayo sinasabihang isumpa ang iba, kundi sinasabihan tayong gumawa ng mga desisyon sa araw-araw na kakikitaan ng paghatol—sana, mabuting paghatol. Minsan ay tinukoy ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ganitong uri ng mga desisyon bilang “pansamantalang paghatol,” na kadalasan ay dapat nating gawin para sa ating kaligtasan o para sa kaligtasan ng iba, kumpara sa tinatawag na “huling paghatol,” na magagawa lamang ng Diyos na nakaaalam sa lahat ng pangyayari.2 (Tandaan, sa talatang nabanggit kanina, sinabi ng Tagapagligtas na ang mga ito ay dapat maging “mabubuting paghatol,” hindi pagmamagaling lamang, na lubhang kakaiba.)
Halimbawa, hindi sisisihin ng sinuman ang magulang na nagbabawal sa isang bata na tumatakbo sa lansangan na maraming nagdaraang sasakyan. Kaya bakit sisisihin ang magulang na nag-aalala kung anong oras dapat umuwi sa gabi ang mga anak na iyon, sa pagtanda ng mga ito nang kaunti, o anong edad sila dapat makipagdeyt o kung dapat silang sumubok ng seks o droga o pornograpiya? Hindi, gumagawa tayo ng mga desisyon at naninindigan at muling pinagtitibay ang ating mga pinahahalagahan—sa madaling salita, gumagawa tayo ng mga “pansamantalang paghatol”—sa lahat ng oras, o kahit paano ay dapat nating gawin ito.
“Hindi Ba’t May Kalayaang Pumili ang Iba?”
Maaaring magtanong ang mga kabataan kung angkop ba sa lahat ng sitwasyon ang bagay na ito o ang patakarang ginawa ng Simbahan, na nagsasabi: “Alam natin kung paano tayo kikilos, ngunit bakit kailangan nating pilitin ang ibang tao na tanggapin ang mga pamantayan natin? Hindi ba’t may kalayaan silang pumili? Hindi ba tayo nagiging mapagmagaling at mapanghusga, na ipinipilit natin sa iba ang ating mga paniniwala, na inuutusan sila, gayundin tayo, na kumilos sa partikular paraan?” Sa gayong mga sitwasyon kailangan ninyong ipaliwanag nang buong ingat kung bakit ang ilang prinsipyo ay pinaninindigan at ang ilang kasalanan ay tinututulan saanman matagpuan ang mga ito dahil ang mga isyu at batas ukol dito ay hindi lamang sa ngayon ang bunga kundi sa kawalang-hanggan. At bagama’t hindi nating nais saktan ang kalooban ng mga taong iba ang paniniwala sa atin, mas ayaw nating saktan ang kalooban ng Diyos.
Para bang sinasabi ng isang kabataan na, “Ngayong puwede na akong magmaneho, alam kong dapat akong tumigil sa pulang ilaw, pero dapat ba nating husgahan at patigilin ang lahat kapag pula ang ilaw?” Sa gayon ay dapat ninyong ipaliwanag kung bakit, oo, umaasa tayo na lahat ay titigil kapag pula ang ilaw. At dapat ninyong gawin ito nang hindi hinahamak ang mga taong lumalabag o kaiba ang paniniwala sa atin dahil, oo, mayroon silang kalayaang moral. Ngunit huwag pagdudahan na may panganib sa paligid kung pinipiling sumuway ng ilan.
Mga bata kong kaibigan, maraming iba’t ibang paniniwala sa mundong ito at may kalayaang moral para sa lahat, ngunit hindi malayang kumilos ang sinuman na para bang pipi ang Diyos sa mga bagay na ito o na parang mahalaga lang ang mga kautusan kung nagkakasundo ang mga tao ukol sa mga ito.
Wala akong alam na mas mahalagang kakayahan at integridad na maipapakita kaysa maingat na pagtahak sa landas na iyon—paninindigan sa moralidad na naaayon sa ipinahayag ng Diyos at sa mga batas na ibinigay Niya, ngunit gawin ito nang may habag, pag-unawa at malaking pagmamahal sa kapwa. Mahirap talagang gawin ito—ang ganap na pagtukoy sa kasalanan at sa nagkasala! May alam akong ilang pagkakaiba na mas mahirap gawin o mas mahirap ipaliwanag kung minsan, pero kailangan nating sikaping gawin ito nang may pagmamahal.