Ibinalik nang may Dangal
Ang awtor ay naninirahan sa New York, USA.
Ayokong maging magnanakaw, kahit di-sinasadya.
Pagkatapos ng mga klase ko sa hapon, dumaan ako sa isang maliit na tindahan ng mga antigong bagay bago ako umuwi—isang bagay na gusto kong gawin kahit palakas nang palakas ang ulan. Ako lang ang kostumer sa tindahan, at inasikaso ako ng tindera sa pagbili ko ng lamparang nagustuhan ko.
Nang magbukas siya ng supot, napansin ko ang nakadisplay na makukulay na pulseras sa counter. Tiningnan ko ang isa habang isinusupot niya ang lampara. Nasagi niya ang mga nakadispley, at nagkalat sa sahig ang halos kalahati ng mga pulseras. Parang nataranta siya pero tinapos ang pag-aasikaso sa binili ko. Umalis na ako, hawak sa isang kamay ang payong at sa isang kamay naman ang nakasupot na lampara.
Umuwi na ako, hinubad ang mga basang bota, at nagpatugtog. Nang inilabas ko ang lampara mula sa supot, may napansin akong isang bagay sa bandang ilalim ng supot. Pulang pulseras ito. Siguro nahulog ito mula sa display at napunta sa supot ko. Napangiti ako, iniisip na ang sandaling ito ay parang katulad ng isang kuwento mula sa manwal ng Young Women: “Pagkatapos ay naisip ni Valerie ang isang lesson na katatapos lang nilang talakayin sa Laurels class.”
Hinagis ko ang pulseras sa kama at binuksan ang lampara. Pinasigla ng pagkinang nito ang mapanglaw na dapithapon. Dumungaw ako sa bintana. Lalong lumakas ang ulan, at nagpuputik na ang niyebe sa lupa.
Tiningnan ko ang pulseras. Pulang-pula ang kulay nito. Isinukat ko ito. Nakalagay sa etiketa nito ang presyong—$20. Siyempre ibabalik ko ito. Hindi pumasok sa isip ko na hindi ko ito ibabalik. Hinubad ko ito at ipinatong sa nakasalansang mga libro na balak ko nang alisin. Pumunta ako sa kabilang kuwarto para magtimpla ng mainit na tsokolate.
Pagkatapos ay bumalik ako.
Gaano ko na ba katagal na ipinagpapalibang alisin ang mga librong iyon? Matagal na. Gaano katagal mananatili roon ang pulseras kung ipagpapaliban kong ibalik ito?
Intensyon kong ibalik ito. Pero kailan? Patatagalin ko pa ba ito hanggang sa maasiwa na akong ibalik ito? Hahayaan ko na lang ba ito?
Medyo nag-alinlangan pa ako. Dumungaw akong muli sa bintana. Naisip ko na kapapahinga pa lang ng mga paa ko mula sa lamig. Inisip ko ang aking masarap at mainit na tsokolate.
Pagkatapos ay hinablot ko ang pulseras, nagsuot ng bota, at lumabas.
Nang dumating ako sa tindahan, may inaasikasong kostumer ang babae. Tumayo ako at naghintay. Nang matapos siya, inilabas ko mula sa bulsa ng diyaket ko ang pulseras at ipinaliwanag kung bakit napunta iyon sa akin. Parang nagulat siya, medyo nagtaka, at nagpasalamat, at wala nang sinabi. Hindi niya ako ginantimpalaan sa katapatan ko. Simple lang siyang nagpasalamat. At wala ni sinumang nakasaksi noon.
Habang pauwi ako, inisip ko kung bakit palagi kong iniisip na matapat akong tao. Ito ang katangiang pinahahalagahan at hinahanap ko sa iba. Pero ang tunay na katapatan, gaya ng tunay na pagmamahal at tunay na kawanggawa, ay dapat ipakita sa gawa. Gaano man karangal at katotoo ang aking intensyon, naging matapat na tao lang ako nang isinuot kong muli ang mga botang iyon at isinagawa ang intensyon ko.
Nadama kong wala nang nakasuot sa kamay ko at napangiti ako.