2013
Matatapat na Halimbawa
Setyembre 2013


Matatapat na Halimbawa

Jean A. Stevens

“Aakayin sila ng isang maliit na bata” (2 Nephi 21:6).

Bilang miyembro ng Primary general presidency, gustung-gusto kong makilala ang mga bata sa iba’t ibang panig ng mundo. Saanman ako magpunta, may nakikilala akong mababait na batang sumusunod kay Jesucristo at tapat na ipinamumuhay ang ebanghelyo. Madalas ay sila ang umaakay sa kanilang pamilya at sa iba sa pagsunod sa mga kautusan.

Minsan ay binisita ng isang General Authority ang isang ward sa Hong Kong kung saan ang mga tao ay nahihirapang suportahan ang kanilang pamilya. Sinabi niya sa bishop na dapat magbayad ang mga miyembro ng kanilang ikapu.

Nag-alala ang bishop. Halos walang sapat na pagkain at pera ang mga tao para tustusan ang kanilang pangangailangan.

“Kung babayaran nila ang kanilang ikapu, pagpapalain sila ng Panginoon,” sabi ng General Authority.

Nag-isip sandali ang bishop. Pagkatapos ay sinabi niya, “Kakausapin ko ang ilan sa pinakamatatapat na miyembro ng aming ward—ang mga batang Primary!”

Nang sumunod na Linggo, binisita ng bishop ang Primary. Tinuruan niya ang mga bata tungkol sa batas ng ikapu. Pinakiusapan niya sila na magbayad ng ikapu sa perang kinita nila. Nangako ang mga bata na magbabayad sila—at nagbayad nga sila!

Pagkaraan ng ilang buwan, kinausap ng bishop ang mga nasa hustong gulang na sa ward. Sinabi niya sa kanila na nagbabayad na ng ikapu ang kanilang mga anak.

“Handa ba kayong magbayad din ng ikapu?” tanong niya.

Naantig ang mga nasa hustong gulang sa matapat na halimbawa ng mga bata. Sinabi nila na magbabayad din sila ng kanilang ikapu. Dahil nagpakita ng halimbawa ang mga bata, natanggap ng kanilang pamilya ng mga pagpapalang kailangan nila (tingnan sa Malakias 3:8–10). Lumago ang pananampalataya at patotoo ng lahat.

Saanman kayo nakatira, maaakay ninyo ang iba sa inyong mabuting halimbawa. Tuparin ang mga kautusan at sundin si Jesucristo. Sa gayon ay magiging pagpapala kayo sa inyong pamilya at sa iba.

Ipinagdarasal namin kayo. At alam namin na, tulad ng mga bata sa Hong Kong, ang inyong halimbawa ay makagagawa ng kaibhan para sa kabutihan!

Larawang kuha © Busath Photography; paglalarawan ni Maren J. Scott