2013
Pagmamahal ng Ama sa Langit
Setyembre 2013


Pagmamahal ng Ama sa Langit

Anna Nikiticheva, Russia

Ilang araw na ang nakalilipas hiniling ng mga kaibigan namin kung maaaring makituloy sa amin ang kanilang anak na si John at ang kasintahan nito para mamalagi sa loob ng isang linggo. Si John ay di-gaanong aktibo, at ang kanyang kasintahan ay hindi miyembro ng Simbahan. Pinatulog namin ang babae sa silid ng aming anak na lalaki at si John naman sa sopa sa sala.

Bago sila dumating, nagdasal kami sa Ama sa Langit, na nagtatanong kung paano namin sila pakikitunguhan—bilang mga guro, magulang, o kaibigan? Dumating ang sagot na kailangan naming sundin ang mga paramdam ng Espiritu at tulungan sila sa espirituwal.

Tuwing gabi magkasama kami ng asawa at anak ko na nag-aaral ng mga banal na kasulatan. Sa unang gabi ng aming mga panauhin, naisip namin na hindi namin sila dapat yayaing sumali sa pag-aaral namin. Ngunit nang sumunod na gabi bago kami mag-aral ng banal na kasulatan, nahihiyang kumatok si John sa pintuan namin at sinabi, “Natatakot pong magtanong si Mary, pero gusto po niyang malaman kung puwede kaming sumali sa inyo.”

Binuksan namin ang pintuan, pinapasok sila, at sinimulan naming pag-aralan nang sama-sama ang Aklat ni Mormon. Hindi pa nakapagbasa ng mga banal na kasulatan si Mary kahit kailan at hindi niya alam kung naniniwala siya sa Diyos. Inamin niya na pagdating niya sa aming tahanan, natakot siya na baka yayain namin siyang sumali sa isang bagay ukol sa relihiyon na hindi niya nauunawaan.

Para mapanatag si Mary, kinuwentuhan siya ng asawa ko tungkol sa plano ng kaligtasan, sa Tagapagligtas na si Jesucristo, sa Unang Pangitain ni Joseph Smith, at sa Aklat ni Mormon. Nag-usap kami hanggang hatinggabi.

Kinabukasan, sumama sina John at Mary sa amin para magpaturo sa mga missionary. Hinding-hindi ko malilimutan ang diwang namayani sa silid. Pagkaraan ng isang simpleng talakayan, pinag-usapan namin ang banal na katangian ng ating Ama sa Langit. Pagkatapos ay nagtanong si Mary kung bakit tinutulutan ng Diyos ang pagdurusa kung mahal Niya tayo, isang tanong na matagal ko nang napagnilayan.

Ilang araw bago iyon nakatanggap ako ng liham mula sa isang kaibigang nakunan sa kanyang pangatlong anak, kaya naantig ang puso ko sa tanong ni Mary. Nagpatotoo ako na ang mga panahon ng kaligayahan at kagalakan kung minsan ay hindi makapagturo sa atin nang matindi at walang hanggan na katulad ng mga panahon ng trahedya sa ating personal na buhay. Sinabi ko kay Mary na maaari tayong mapatibay ng dalamhati tulad ng pagpapatibay ng apoy sa bakal. Kung mananatili tayong tapat sa Diyos habang nagdaraan tayo sa mga pagsubok, lalago ang ating pananampalataya.

Hindi malilimutan ang talakayang iyon. Pagkatapos ay tahimik lang kaming nakaupo habang sumasaksi ang Espiritu sa pagmamahal ng ating Ama sa Langit. Nang mag-angat ng tingin si Mary, maningning at puno ng luha ang kanyang mga mata.

Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa darating na mga taon, ngunit natitiyak ko na ang pagkaunawang nakita ko sa mga mata ni Mary noong araw na iyon ay makakatulong sa kanya habang siya ay nabubuhay at ilalapit siya sa kanyang Ama sa Langit.