Ang Ating Paniniwala
Ang Priesthood ay Dapat Gamitin nang Karapat-dapat
Ang Ama sa Langit ay nagbibigay ng bahagi ng Kanyang kapangyarihan at awtoridad sa karapat-dapat na mga lalaking miyembro ng Simbahan. Ang itinalagang awtoridad na ito ay tinatawag na priesthood. Ang mga mayhawak ng priesthood ay awtorisadong kumilos sa pangalan ng Panginoon sa pamumuno sa Kanyang Simbahan, sa pagtuturo ng ebanghelyo, pagbabasbas sa maysakit, at pagsasagawa ng mga sagradong ordenansa na kailangan para sa kaligtasan.
Ang priesthood ay dapat gamitin nang karapat-dapat dahil, gaya ng inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith, “ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit, at … ang kapangyarihan ng langit ay hindi mapamamahalaan ni mahahawakan tanging alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan” (D at T 121:36). Kaya nga, may pagkakaiba sa pagitan ng awtoridad at ng kapangyarihan ng priesthood. “Ang awtoridad ng priesthood, na karapatang kumilos sa ngalan ng Diyos, … ay ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Ang kapangyarihan ng priesthood ay dumarating lamang kapag ang gumagamit nito ay karapat-dapat at kumikilos nang naaayon sa kalooban ng Diyos.”1
Dahil ang priesthood ay kapangyarihan ng Diyos, Siya ang nagtatakda ng mga pamantayan ng pagkamarapat sa paggamit nito at inihahayag Niya ang mga pamantayang iyon sa Kanyang mga propeta at apostol. Ang mga mayhawak ng priesthood ay nagiging karapat-dapat sa pamamagitan ng pagsisisi ng kanilang mga kasalanan at pamumuhay nang ayon sa ebanghelyo at mga utos ni Jesucristo. Ang patnubay ng Espiritu Santo sa kanilang buhay ay makatutulong sa kanila para malaman kung sila ay karapat-dapat.
Ang mga mayhawak ng priesthood ay nagkakaroon ng kapangyarihan ng priesthood sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsunod:
-
Maging mabait sa iyong asawa, mga anak, at sa iba.
-
Maging karapat-dapat sa pagtanggap ng sakramento.
-
Sumamba sa templo.
-
Maglingkod nang tapat sa iyong tungkulin.
-
Gamitin ang priesthood kapag kailangan.