2013
Isang Panalangin sa Aking Puso
Setyembre 2013


Isang Panalangin sa Aking Puso

Ang awtor ay naninirahan sa Metro Manila, Philippines.

Ang pagtatakda ko ng mas matataas na pamantayan sa musikang pinakikinggan ko ay nakatulong para mas makahiligan ko pa ito.

Mahilig ako sa musika, at parang hindi kumpleto ang araw ko kapag hindi ako nakinig dito o kumanta. Nitong huli, may nagbago sa pagkahilig ko sa musika, at may natutuhan akong ilang bagay na nagpabago sa pag-iisip ko tungkol sa at paggamit ko ng musika.

Nagsimula iyon nang basahin ko ang banal na kasulatan kung saan sinabi ng Panginoon, “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso; oo, ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin, at ito ay tutugunan ng pagpapala sa kanilang mga ulo” (D at T 25:12). Nang mabasa ko ang talatang iyon, naalala ko ang isang bagay na itinuro sa akin ng nanay ko. Minsan, nang kumanta ako ng mga himno sa hindi tamang paraan, ipinaalala niya sa akin na ang mga himno ay maaaring maging mga panalangin at kailangan kong kantahin nang maayos ang mga ito. Palagay ko ang talatang ito ay tumutukoy hindi lamang sa mga himno kundi sa anumang awiting kinakanta natin nang may matwid na hangarin. Isipin ang mga pagpapalang darating sa atin, tulad ng sabi sa banal na kasulatan, kapag kumakanta tayo ng mga awitin sa Panginoon.

Nalaman ko rin ang kahalagahan ng pakikinig sa magandang musika. Matapos basahin ang banal na kasulatang ito, sinimulan kong suriin ang listahan ko ng mga kanta at inalis ko rito ang mga hindi nakaayon sa mga turo sa Para sa Lakas ng mga Kabataan.

Hindi nagtagal at kinailangan kong magpasiya tungkol sa musikang wala sa koleksyon ko. Isang araw noong nasa eskuwelahan ako, nagpatugtog ng isang kantang hindi maganda ang isang kaklase ko. Hindi maganda ang pakiramdam ko sa kanta, kaya pinakiusapan ko siyang magpatugtog ng iba, na ginawa naman niya. Alam ko na bawat isa sa atin ay maaari ding magkaroon ng gayong lakas ng loob sa gayong mga sitwasyon. At sa mga pagkakataon na ayaw baguhin ng mga tao ang musika para sa atin, may iba pa tayong magagawa: maaari tayong umalis at pumunta sa ibang lugar.

Alam ko na sa pamamagitan ng magandang musika mas mapapalapit tayo sa ating Ama sa Langit. Ang musika ay maaaring magpasigla at magbigay-inspirasyon sa atin, mag-anyaya sa Espiritu Santo, antigin tayong gawin ang tama, at tulungan tayong madaig ang mga tukso ng kaaway (tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 22–23).

Tandaan na kapag kinakanta natin ang awitin ng mga matwid, para tayong nananalangin sa ating Ama sa Langit.