2013
Pag-asa sa Sarili
Setyembre 2013


Mensahe sa Visiting Teaching

Pag-asa sa Sarili

Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang inyong mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society. Para sa iba pang impormasyon, pumunta sa reliefsociety.lds.org.

Relief Society seal

Pananampalataya, Pamilya, Kapanatagan

Ang pagtustos sa sariling pangangailangan ay ang kakayahan, katapatan, at pagsisikap na tustusan ang espirituwal at temporal na kapakanan ng ating sarili at ng ating pamilya.1

Habang natututuhan at ipinamumuhay natin ang mga tuntunin ng pagtustos sa sariling pangangailangan sa ating mga tahanan at komunidad, may pagkakataon tayong pangalagaan ang maralita at nangangailangan at tulungan ang iba na tustusan ang sarili nilang pangangailangan upang makapagtiis sila sa oras ng paghihirap.

Tayo ay may pribilehiyo at tungkulin na gamitin ang ating kalayaan upang matustusan ang espirituwal at temporal na pangangailangan. Sa pagsasalita tungkol sa pagtustos sa espirituwal na pangangailangan at sa pag-asa natin sa Ama sa Langit, itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol na: “Tayo ay napapabalik-loob at nakakaasa sa ating espirituwalidad kapag mapanalangin nating ipinamuhay ang ating mga tipan—sa pamamagitan ng karapat-dapat na pakikibahagi sa sakramento, pagiging marapat sa temple recommend, at pagsasakripisyo para mapaglingkuran ang iba.”2

Pinayuhan tayo ni Elder Hales tungkol sa sariling kakahayahang temporal, “na kinabibilangan ng pagtatamo ng postsecondary education o vocational training, pagkatutong magtrabaho, at paggasta nang hindi lampas sa ating kinikita. Sa pag-iwas na magkautang at pag-iipon ng pera ngayon, handa tayong maglingkod nang full-time sa Simbahan sa darating na mga taon. Ang layunin ng sariling kakayahang temporal at espirituwal ay ilagay ang ating sarili sa mas mataas na lugar nang maiahon natin sa hirap ang ibang nangangailangan.”3

Mula sa mga Banal na Kasulatan

Mateo 25:1–13; I Timoteo 5:8; Alma 34:27–28; Doktrina at mga Tipan 44:6; 58:26–29; 88:118

Mula sa Ating Kasaysayan

Matapos magtipon ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Salt Lake Valley, na isang liblib na disyerto, gusto ni Pangulong Brigham Young na umunlad sila at magtatag ng mga permanenteng tahanan. Ibig sabihin nito kailangang matuto ang mga Banal ng mga kasanayang magiging daan upang matugunan nila ang lahat ng kanilang mga pangangailangan. Sa pagsisikap na ito, napakalaki ng tiwala ni Pangulong Young sa mga kakayahan, talento, katapatan, at kahandaan ng kababaihan, at hinikayat niya sila sa partikular na mga temporal na tungkulin. Bagamat kaiba sa ngayon ang maraming partikular na mga tungkulin ng kababaihan ng Relief Society, ang mga alituntunin ay hindi nagbabago:

  1. Matutong mahalin ang trabaho at iwasan ang katamaran.

  2. Matutong magsakripisyo.

  3. Tumanggap ng personal na pananagutan o responsibilidad para sa espirituwal na kalakasan, kalusugan, edukasyon, trabaho, pananalapi, pagkain, at iba pang mga kailangan upang mabuhay.

  4. Manalangin para sa pananampalataya at tapang na harapin ang mga hamon.

  5. Palakasin ang iba na nangangailangan ng tulong.4

Mga Tala

  1. Tingnan sa Handbook 2: Administering the Church (2010), 6.1.1.

  2. Robert D. Hales, “Pagkilala sa Ating Sarili: Ang Sakramento, ang Templo, at Sakripisyo sa Paglilingkod,” Liahona, Mayo 2012, 34.

  3. Robert D. Hales, “Pagkilala sa Ating Sarili,” 36.

  4. Tingnan sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 62.

Paglalarawan ni Robert Casey © 2005