2013
Ang Aking mga Panalangin ng Pasasalamat
Setyembre 2013


Ang Aking mga Panalangin ng Pasasalamat

Ang awtor ay naninirahan sa Nevada, USA.

Nang magipit kami sa pera, nadama ko na napakarami naming pangangailangan na dapat ipagdasal. Maitutuon ko ba talaga ang aking mga panalangin sa pasasalamat lamang?

Ilang taon na ang nakararaan bumili kaming mag-asawa ng bahay na gustung-gusto namin at malaking oras at pera ang ginugol namin para maipaayos at mapaganda ito. Pagkaraan ng labingwalong buwan, bumagsak ang ekonomiya. Kinailangan naming gastusin ang perang pinaghirapan naming kitain at ipunin para ipambayad sa napakalaking utang na ipinambili ng bahay at sa iba pang mga gastusing hindi namin inasahan.

Lumipas ang mga buwan na puno ng mga pagsubok at problema sa pera. May isang buwan na hirap na hirap kami sa mga gastos sa pagkukumpuni ng bahay at sasakyan, mga gamot, at pagbaba ng suweldo. Agad naubos ang ipon namin.

Naaalala ko na nagdasal ako, na paulit-ulit na hinihiling ang mga bagay na kailangan namin. Namroblema ako nang husto, at nahirapan akong asikasuhin ang mga anak namin at ang mga pangangailangan ng aming pamilya dahil sa kalungkutan at kawalan ng pag-asa. Gayunpaman, patuloy akong nagdasal, na naghahanap ng kapanatagan at alam kong ito ang magpapatatag sa akin para hindi na ako malungkot pang lalo.

Pagkaraan ng ilang buwang pagdarasal na humihingi ng tulong, nagsimula akong mag-isip ng mga paraan para makapanalangin nang mas taimtim. Ipinaalala sa akin ng Espiritu ang payo ng mga lider ng priesthood at ang mga talata sa banal na kasulatan na nagturo ng kahalagahan ng pasasalamat sa Ama sa Langit. Naipaunawa sa akin ng mga pahiwatig na ito na kailangan kong higit pang magpasalamat sa mga pagpapalang natanggap ko at huwag gaanong humiling ng mga bagay na kailangan ko at ng aking pamilya. Nagpasiya ako na sisikapin ko sa loob ng isang linggo na huwag nang humiling ng kahit ano at magpasalamat na lamang sa aking mga panalangin.

Mahirap iyon. Nadama ko na napakaraming pangangailangan ng aking pamilya. Pakiramdam ko ay binigo ko ang aking pamilya sa hindi paghiling ng mga biyayang kailangang-kailangan namin. Paano ako bibiyayaan ng Panginoon kapag hindi ako humiling?

Kahit kinakabahan ako, sinubukan kong gawin iyon. Hindi nagtagal, natanto ko na ang aking mga panalangin ay hindi na paulit-ulit na paghiling ng mga biyaya. Muli akong nagkaroon ng kakayahang mahiwatigan ang mga pangangailangan ng iba at makita ang mga biyayang akin pa rin sa kabila ng mga problema ko. Lalo akong inilapit sa Tagapagligtas ng aking pasasalamat, at pinanatag ako sa mga paraang hindi ko sana natanggap sa ibang paraan.

Lagi kong naiisip ang isang talata sa banal na kasulatan: “Nguni’t kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasa’y iginagatong sa kalan, hindi baga lalonglalo na kayong pararamtan niya, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya?” (Mateo 6:30). Nakadama ako ng pagpapakumbaba sa banal na kasulatang ito habang patuloy akong nagdarasal. Sa pasasalamat, lalo akong natutong tunay na magpakumbaba.

Habang lumilipas ang mga araw ng linggo, ang mga panalangin kong dati ay “Salamat po sa Inyo sa pagkain, damit, at tirahan” ay naging “Salamat po sa Inyo sa pamilyang Inyong iningatan at pinangalagaan nang husto, sa proteksyong patuloy Ninyong ibinibigay sa amin. Salamat po sa Inyo sa mga biyayang patuloy Ninyong ibibigay sa amin.” Naaalala ko ring sinabi ko sa panalangin na, “Salamat po sa pag-aaruga Ninyo sa Amin, sa pag-aalala Ninyo sa amin, at sa paraang inihahanda Ninyo para malagpasan namin ang pagsubok na ito, anuman po ito.” Kalaunan, ang aking mga panalangin ay hindi lamang panalangin ng pasasalamat, hindi lamang panalangin ng pagpapakumbaba, kundi maging ng pananampalataya. Nagpakita ako ng pananampalataya, nang hindi humihiling ng mga pagpapala, na bibiyayaan kami ng Panginoon, at lalo pang lumakas ang aking pananampalataya.

Sa mga panalanging ito, lagi kong naiisip ang sakripisyo ng mga Banal noon, at itinatanong ko sa aking sarili kung ano ang handa kong isakripisyo. Lumipas pa ang ilang araw, at ibinenta namin ang bahay namin. Talagang napakabagal at napakababa ng bentahan ng bahay at lupa noon, ngunit nakamamangha na pinalad kaming maibenta ang bahay namin. Bagama’t malaki ang nalugi sa amin—tulad ng aming inasahan—ang pamilya namin ngayon ay makapagtatatag ng mas matibay na pundasyon sa aspetong temporal.

Gayunpaman, hindi ang pagbebenta ng bahay namin sa gayon kahirap na panahon ang himalang naranasan ko mula rito. Ang himala ay ang pananampalatayang natamo ko at ang pagkaunawang nakamtan ko. Ipinahayag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na ang pasasalamat ay isang “nakapagliligtas na alituntunin.”1 Sa palagay ko ay naranasan ko ang sinasabi niya nang ibaling ko ang aking puso at mga panalangin sa Ama sa Langit, at tumanggap ako ng kapanatagan, kapayapaan, at patnubay. Ang natamo kong patotoo tungkol sa pasasalamat ay na naghihikayat ito ng pagpapakumbaba, ang pagpapakumbaba ay naghihikayat ng pananampalataya, at ang pananampalataya ay naghahatid ng mga himala.

Tala

  1. Tingnan sa James E. Faust, “Gratitude as a Saving Principle,” Ensign, Mayo 1990, 85–87.

Larawang kuha ni Craig Dimond © IRI