2013
Ang Katarungan at Awa ng Diyos
Setyembre 2013


Ang Katarungan at Awa ng Diyos

Mula sa isang mensahe sa fireside, “Borne Upon Eagles Wings,” na ibinigay noong Hunyo 2, 1974, sa Brigham Young University. Para sa buong teksto sa Ingles, bumisita sa speeches.byu.edu.

Elder Jeffrey R. Holland

Alam ko na muli nating makakapiling ang Tagapagligtas, na kung tayo ay tapat sa Kanya, tayo ay magiging malaya—walang pumipigil at walang nagbabawal—at na matatanto natin sa mga marka ng pako sa Kanyang katawan ang Kanyang pagdurusa at paghihirap at matinding sakripisyo para sa atin.

Bottom of upper half of Christus statue

Larawang kuha ni Jeremy Burke Hunter, hindi maaaring kopyahin

Hindi ito katulad ng iba pang seremonya sa pagtatapos o graduation na nadaluhan o nalahukan ko na noon. May 44 na magsisipagtapos, na pawang mga lalaki. Hindi sila nakasuot ng tradisyonal na toga o gora. Bawat lalaki ay nakasuot ng light blue denim na kamiseta at dark blue denim na pantalon.

Hindi idinaos ang seremonya sa isang gym o istadyum o kahit sa isang magandang awditoryum. Idinaos iyon sa isang simpleng kapilyang ginagamit ng iba’t ibang relihiyon sa Utah State Prison. Ang magsisipagtapos na klase ay tagumpay na nakakumpleto ng isang taong kurso sa pag-aaral ng Biblia, na inisponsor ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ngunit bukas sa lahat ng gustong makilahok.

Ang pambungad na panalangin ay inialay ng isang binatang mukhang bata kaysa kanyang edad. Kabadung-kabado siya, ngunit nag-alay siya ng panalangin mula sa kanyang puso. Nahatulan siya ng 10 taon hanggang habambuhay na pagkabilanggo sa salang pagnanakaw na may dalang armas. Ang pangwakas na panalangin ay inialay ng isang lalaking 45 o 50 anyos na mukhang isang karaniwang mabait na tiyo. Nahatulan siya ng habambuhay na pagkabilanggo sa salang pagpatay.

Isang binatang kalalaya pa lamang sa bilangguan ang nagbalik para kunin ang kanyang sertipiko at hikayatin ang kanyang mga kasamahan. Sabi niya, “Mga kasama, hindi talaga maganda sa loob ng bilangguan. Mas maganda sa labas. Tandaan n’yo sana iyan.” Pagkatapos ay bumaling siya sa mga hindi bilanggo, sa mga kaibigan at pamilyang nagsipunta, at sinabing, “Kayo ang liwanag sa dilim. Kung hindi sa pagmamahal ng mga katulad ninyo, hindi namin mararating ang dapat naming marating.”

Nang matapos ang pulong, sinabi ng bilanggong nangasiwa, sa medyo garalgal na tinig at may luha sa mga mata, “Ito ang pinakamasayang okasyon sa taon na ito. Mas masaya pa ito kaysa Pasko. Mas masaya pa ito kaysa Thanksgiving. At mas masaya pa kaysa Mother’s Day. Mas masaya ito dahil naliwanagan tayo, at para na rin tayong nakalaya.”

Light shining through a prison cell door.

Larawan © Thinkstock

Pagkatapos ay sumara nang malakas ang tarangkahan paglabas naming mag-asawa. Nang gabing iyon umuwi kami, at inaamin kong hindi ako makatulog. Hindi mawala sa isip ko ang karanasang iyon. Madaling araw pa kinaumagahan, may mga naramdaman at naisip ako at isang sagot tungkol sa pagkabilanggo at kalayaan (at ang kaugnayan ng mga ito sa kaliwanagan at pagmamahal) na noon lamang napasaakin.

Ang Katarungan ng Diyos

Ang isang impresyon na napasaakin noong gabing iyon ay na ang Diyos ay makatarungan. Sinabi ni Alma: “Iyo bang ipinalalagay na ang awa ay makaaagaw sa katarungan? Sinasabi ko sa iyo, Hindi; kahit isang kudlit. Kung magkakagayon, ang Diyos ay titigil sa pagiging Diyos” (Alma 42:25). Sinabi ni Apostol Pablo sa mga taga-Galacia, “Huwag kayong padaya; ang Dios ay hindi napabibiro: sapagka’t ang lahat ng ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya” (Mga Taga Galacia 6:7).

Ang isa pang sumunod kong naisip ay na ang talagang ibig sabihin ni Pablo ay aanihin natin kung ano ang ating itinanim. At muli kong naisip na kung nagtanim tayo ng mga ligaw na damo, huwag nating asahang aani tayo ng mga strawberry. Kung nagtanim tayo ng galit, huwag nating asahang tatanggap tayo ng saganang pagmamahal. Kung ano ang ating itinanim, iyon ang ating aanihin.

Pagkatapos ay may iba pa akong naisip nang maalala ko ang kalalakihang iyon na nakaasul na kamiseta: isang bagay ang anihin ang bunga ng ating itinanim, ngunit kahit paano ay palaging mas marami tayong inaani. Nagtatanim tayo ng kaunting ligaw na damo, at marami tayong naaaning ligaw na damo—taun-taon, malalaking palumpong at sanga nito. Hindi ito mauubos maliban kung putulin natin ito. Kung nagtanim tayo ng kaunting galit, bago pa natin mamalayan ay nakaani na tayo ng matinding galit—na nag-aapoy at mapait at masungit na humahantong sa matinding pagkasuklam at pag-iisip ng masama sa kapwa.

Pagkatapos, sa kabaligtaran, napanatag akong malaman na ang una kong naisip—na ang Diyos ay makatarungan—ay hindi naman pala gaanong nakakatakot. Nakakatakot mang isipin na lahat tayo ay nagkasala, nakakatakot mang isipin na ang Diyos ay makatarungan, mas nakakatakot para sa akin ang isipin na ang Diyos ay hindi makatarungan.

Ang isang mahalagang alituntunin ng doktrina ng mga Banal sa mga Huling Araw ay na kailangan nating malaman na ang Diyos ay makatarungan upang makasulong tayo. Isa sa mga katangian ng Diyos ang pagiging makatarungan, at hindi tayo magkakaroon ng pananampalataya—dahil sa takot—na mamuhay nang matwid o higit na magmahal o lalo pang magsisi kaagad kung hindi natin naisip kahit paano na mabibigyan tayo ng katarungan, kung naisip natin na magbabago ang isip ng Diyos at magpapasiya na magtakda ng iba pang mga tuntunin.1 Dahil alam natin na ang Diyos ay makatarungan at titigil sa pagiging Diyos kung hindi Siya gayon, sumasampalataya tayo na makasusulong tayo, batid na hindi tayo magiging biktima ng di-makatwirang paghatol o pabagu-bagong isip o hindi magandang araw o masamang biro. Lubos na nakahihikayat ang katiyakang iyan.

Ang Awa ng Diyos

Pagkatapos ay may isa pa akong naisip. Lubos akong nagpapasalamat na dahil makatarungan ang Diyos, kailangan din Niyang maging isang maawaing Diyos. Sa Alma 42, matapos ituro ni Alma kay Corianton na kinailangan ng Diyos na maging makatarungan, sinabi niya na kailangan ding maging maawain ng Diyos na iyon at na aangkinin ng awa ang nagsisisi. Ngayon, ang kaisipang iyan ay kakaiba sa akin dahil kabibisita ko pa lang sa bilangguan. Ang kaisipang ito ay nagpasigla sa akin: Maaangkin ng awa ang nagsisisi. Naisip ko na kung kailangang ipasok ang kalalakihang iyon sa bilangguan upang samantalahin ang kaloob na awa—at kung pagpunta nila roon ay matagpuan nila ang ebanghelyo ni Jesucristo o ang mga banal na kasulatan o ang Pagbabayad-sala—sulit ang pagkabilanggo nila.

Kaya pumaroon tayo sa lugar ng pagsisisi—sa bishop o sa Panginoon o sa mga taong nasaktan natin o sa mga nakasakit sa atin. May sarili tayong maliliit na bilangguan, sa palagay ko, sa buong paligid natin. Kung pagpunta lamang doon ang kailangan para tunay tayong makapagsisi at maging marapat sa kaloob na awa, kailangan nating gawin iyon.

Alam kong hindi madaling bumalik at itama ang pagkakamali at magbagong-buhay, ngunit buong puso akong naniniwala na mas madali at tiyak na mas kasiya-siyang magbagong-buhay kaysa magpatuloy at subuking maniwala na walang epekto ang katarungan.

Mathematical equation written out on a whiteboard.

Paglalarawan ni Welden C. Andersen

Sabi ng isang paborito kong British scholar: “Palagay ko hindi lahat ng pumipili ng maling landas ay nasasawi; ngunit masasagip sila kung maibabalik sila sa tamang landas. Ang isang [problema sa matematika] na [mali ang pagkalutas] ay maitatama: ngunit magagawa lamang ito kung babalikan ninyo ito hanggang sa makita ninyo ang mali at [saka kayo] magsimulang muli mula roon, hindi lamang sa simpleng pagpapatuloy. Maaaring ituwid ang masama, ngunit hindi ito maaaring ‘pagmulan’ ng mabuti. Hindi ito napaghihilom ng panahon. Dapat itama ang kasamaan.”2

Kaya ang Diyos ay makatarungan, “aangkin ng awa ang nagsisisi” (Alma 42:23), at ang kasamaan ay maitatama.

Kailangan ang Pagsisisi

Ang huli at kasiya-siyang naisip ko ay naipaunawa sa akin ang marahil ay hindi ko talaga naunawaan kahit kailan. Iyon ay kung bakit sa bawat henerasyon, sa bawat dispensasyon, inulit ng Panginoon ang sinabi Niya noong una sa mga doktrina ng dispensasyong ito: “Huwag mangaral ng anuman kundi pagsisisi sa salinlahing ito; sundin ang aking mga kautusan” (D at T 6:9). Naging napakaganda, nakakatulong, at nakakaantig ang kaisipan at talatang iyan para sa akin. Nalaman ko sa paraang hindi ko naunawaan noon na wala nang ibang paraan kundi ang magsisi.

Kung kayo ay katulad ng iba pang mga mortal, kailangan ninyong baguhin ang ilang pag-uugali ninyo, maaari kayong makawala sa ilang espirituwal na pagkabilanggo at kadenang pumipigil sa inyo, at may mga kasalanan kayong maaari ninyong pagsisihan. Isang halimbawa lamang ang gagamitin ko: ang gapos ng kamangmangan.

Para sa akin, ang sukdulang espirituwal na pagkabilanggo sa ating buhay ay ang hindi sapat ang ating nalalaman. Bata pa lang ay natututo na tayo ng mga kasabihan. Ang dalawa rito ay “Ang kamangmangan ay kaligayahan” at “Hindi ako masasaktan ng hindi ko alam.” Taos-puso kong sinasabi sa inyo na walang makakasakit sa inyo nang higit kaysa sa bagay na hindi ninyo alam. Naniniwala ako na mananagot tayo sa espirituwal na pagkabilanggong napasukan natin at parurusahan tayo sa buhay na ito o sa kabilang-buhay para sa mga bagay na hindi natin inalam.

Sa mga alituntunin ng ating relihiyon nalaman natin na hindi tayo maliligtas sa kamangmangan (tingnan D at T 131:6), na anuman ang matutuhan natin sa buhay na ito ay kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli (tingnan sa D at T 130:18), na malaki ang kalamangan natin sa daigdig na darating kung marami tayong alam (tingnan D at T 130:19), na maliligtas tayo ayon sa ating natutuhan,3 na ang liwanag at katotohanan ay tumatalikod sa masama (tingnan D at T 93:37), na ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan (tingnan sa D at T 93:36), at marami pang iba. Minsan noong nagsisimula ang dispensasyong ito, ang buong Simbahan ay sinabihan. Sabi ng Panginoon sa bahagi 84 ng Doktrina at mga Tipan:

“At binibigyan ko kayo ngayon ng isang kautusan na mag-ingat hinggil sa inyong sarili, na makinig na mabuti sa mga salita ng buhay na walang hanggan.

“Sapagkat kayo ay mabubuhay sa bawat salita na magmumula sa bibig ng Diyos.

“Sapagkat ang salita ng Panginoon ay katotohanan, at anumang katotohanan ay liwanag, at anumang liwanag ay Espiritu, maging ang Espiritu ni Jesucristo” (mga talata 43–45; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang simula ng pagbalik sa piling ng Panginoong Jesucristo sa huli, na siyang itinuturo sa atin sa bahagi 84, ay ang salita.

“Kung kayo’y magsipanatili sa akin, at ang mga salita ko’y magsipanatili sa inyo,” pagpapahayag ng Panginoon sa Kanyang ministeryo, “ay hingin ninyo ang anomang inyong ibigin, at gagawin sa inyo” (Juan 15:7; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang Kahalagahan ng Kalayaan

Kung pipili tayo ng isang tema para sa ating buhay—ang buhay na alam natin ngayon, hindi ang buhay bago tayo isinilang at hindi ang buhay na darating—ang temang iyon ay kailangang may kinalaman sa paghahanap ng tunay na kalayaan. Alam natin na mahalagang bahagi ng malaking Kapulungan sa Langit ang ginugol sa pagtuturo sa atin kung paano tayo makasusulong tungo sa ganap na kalayaan. Ang paraan ng Ama ay may kalayaan at pagpili—ang kalayaang magkamali ngunit sa huli’y ang kalayaang magtagumpay. Napakaraming ibinigay na pananggalang at buong kapangyarihan ng sansinukob ang ginamit upang matiyak ang ating kalayaang magpasiya at makabalik sa ating selestiyal na tahanan. Kabilang sa mga pananggalang na ito ang kabuuan ng mga katotohanan ng ebanghelyo at ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na si Jesucristo.

Joseph Smith Jr. sitting on straw in Liberty Jail in Missouri. Joseph is writing on a piece of paper with a feather pen. Joseph Smith received the revelations contained in D&C 121-122 while in Liberty Jail.

Si Joseph Smith sa Liberty Jail, ni Greg K. Olsen, hindi maaaring kopyahin

Talagang dumaranas tayo ng pagkaalipin at pagkabilanggo kapag hindi tayo malaya. Naisip ko tuloy na sana’y nabilanggo akong minsan sa buhay ko para madamdamin kong maipahayag ito. Sana’y makapangusap akong tulad ni Pedro o ni Pablo at magsirating ang mga anghel para gulatin ang mga tanod at buksan ang mga pintuan ng bilangguan (tingnan sa Mga Gawa 12:5–11; tingnan din sa 16:25–26) o tulad nina Alma at Amulek at mapaguho ko ang mga pader ng bilangguan (tingnan sa Alma 14:23–29) o tulad ni Joseph Smith, na kayang isulat ang pinakabanal na kasulatan ng ating dispensasyon mula sa isang madilim, marumi, at mapanglaw na bilangguan (tingnan sa D at T 121–23). Nagpapasalamat tayo sa Diyos na nabubuhay tayo sa panahong ito, na ang Pangulo at propeta ng ating Simbahan ay hindi kailangang matakot na mabilanggo at kung kailan tayo, sa aspetong pulitikal at pisikal man lang, ay hindi kinakailangang igapos o alipinin. Ngunit may iba pang mga uri ng gapos at iba pang mga uri ng bilangguan sa ating buhay na kailangan nating wasakin. Lahat ng gagawin natin kaya tayo naparito ay kailangan nating gawin.

Buong puso akong naniniwala na kung magsisisi tayo sa ating mga kasalanan, kung patatawarin natin ang mga kasalanan ng iba, kung lalakasan natin ang ating loob sa ating mga sitwasyon at gugustuhin nating lunasan ito, aabutin tayo ng buhay na Ama nating lahat at, sabi nga sa banal na kasulatan, “dadalhin [tayo] tulad sa mga pakpak ng mga agila” (D at T 124:18).

Nakasakay na ako sa mga pakpak ng mga agila. Alam ko nang buong puso na ang Diyos ay buhay at na si Jesus ang Cristo. Alam ko na si Jesus ang namumuno sa Simbahang ito, na ito ang Kanyang Simbahan, na Siya ang pangulong bato sa panulok, kung saan inilatag ang pundasyon ng mga buhay na apostol at propeta. Alam ko na muli nating makakapiling ang Tagapagligtas, na kung tayo ay tapat sa Kanya, tayo ay magiging malaya—walang pumipigil at walang nagbabawal—at na matatanto natin sa mga marka ng pako sa Kanyang katawan ang Kanyang pagdurusa at paghihirap at matinding sakripisyo para sa atin. Alam ko na dapat nating pagsisihan ang ating mga kasalanan at na ang Diyos ay kailangang maging makatarungan, ngunit nalulugod ako sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta na kung saan laganap ang kasalanan, mas lalong sagana ang biyaya at na “aangkin ng awa ang nagsisisi.”

Para malaman pa ang tungkol sa paksang ito, tingnan sa D. Todd Christofferson, “Pagtubos,” Liahona, Mayo 2013, 109; at Craig A. Cardon, “Nais ng Tagapagligtas na Magpatawad,” Liahona, Mayo 2013, 15.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Lectures on Faith (1985), 50–54.

  2. C. S. Lewis, The Great Divorce (1946), viii.

  3. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 309.