Pinili Ko ang Tama
Kung tumanggi akong inumin ang alak parurusahan ako, at gayon din ang aking pamilya.
“Matuto sa iyong kabataan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos” (Alma 37:35).
Sumama ako sa pamilya ko sa pagbisita sa nayon ng mga magulang ko para ipagdiwang ang Bagong Taon. Tatlong taon na kaming hindi nakakabisita roon, at inaasam naming makitang muli ang aming mga kaibigan at mga miyembro ng pamilya. Pagdating namin, masaya nila kaming sinalubong.
Pagsapit ng Bisperas ng Bagong Taon, kasama naming nagtipon ang iba para sa tradisyonal na seremonya sa pagbati sa panganay na lalaki ng bawat pamilya na sana’y mabigyan siya ng proteksyon, mahabang buhay, at kasaganaan. Ako ang panganay na lalaki sa pamilya namin. Nalaman ko na lahat ng nakikibahagi ay inaasahang uminom ng alak bilang bahagi ng seremonya.
Lubha akong nag-alala. Alam ko na ang pag-inom ng alak ay labag sa Word of Wisdom. Ngunit alam ko rin na kung hindi ko iinumin ang alak, maaari akong maparusahan sa kawalan ng galang—at maaaring pati pamilya ko ay maparusahan din. Pagkatapos ay naalala ko ang itinuro sa akin ng aking ina: kapag nalagay ka sa isang sitwasyong hindi mo kayang kontrolin, dapat kang manalangin sa Ama sa Langit at humingi ng tulong sa Kanya.
Tahimik akong nagdasal, “Ama sa Langit, gabayan po sana ako ng Inyong Espiritu at tulungan akong gawin ang tama.”
Nang ako na ang iinom ng alak, kinabahan ako, pero nagsalita ako nang malakas at malinaw. “Ang katawan ko ay isang templo. Hindi ko lalabagin ang Word of Wisdom,” sabi ko.
Gulat na gulat ang village elder. Bumaling siya sa akin at sinabing, “Mukhang siguradung-sigurado ka sa ginagawa mo. Pakiusap, gusto naming marinig ang iba mo pang mga pananaw.”
Ako at ang pamilya ko ay hindi naparusahan, at lumakas ang aming pananampalataya. Alam ko na tinulungan ako ng Ama sa Langit na magkaroon ng lakas ng loob na piliin ang tama.