2013
Ano ang Maganda sa Malaki at Maluwang na Gusali?
Setyembre 2013


Ano ang Maganda sa Malaki at Maluwang na Gusali?

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Kapag sinabi sa inyo ng mundo na mas mabuti ang kanilang paraan, magkaroon ng lakas ng loob na manindigan at ipamuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo.

paths and buildings

Mga paglalarawan ni Steve Kropp

Si Abby ay sabik na makapunta sa prom pero inisip niya na sana ay medyo katulad ng mga damit na suot ng mga kaibigan niya ang bago niyang damit. Inisip niya na mas kaakit-akit at modernong tingnan ang mga kaibigan niya sa suot nilang bestida na walang manggas kaysa hitsura niya sa kanyang disenteng damit, at nag-alala siya na baka siya lang ang nakasuot nang ganoon.

Si Nate ay kasama ng kanyang kaibigan isang gabi nang maglabas ng ilang lata ng serbesa o beer ang isa sa mga kabarkada niya at ipinasa-pasa ang mga ito. Nang tumanggi si Nate noong una, na sinasabing, “Hindi ako puwede,” sinimulan siyang pagtawanan at tuksuhin ng mga kaibigan niya. Ayaw ni Nate na isipin ng mga kaibigan niya na wala siyang pakisama, kaya inisip niyang sumipsip ng kaunting beer para hindi na nila siya pagtawanan.

Pamilyar ba sa inyo ang mga sitwasyong ito? Tulad nina Abby at Nate, bawat isa sa atin ay dumarating sa puntong kailangan nating magpasiya kung ano ang pipiliin nating gawin. Sa mahihirap at mahahalagang desisyong ito, kung minsan ay natatakot tayong panindigan ang ating pinaniniwalaan dahil natatakot tayong mamukod-tangi.

Naranasan mismo nina Abby at Nate ang ilan sa mga pagsubok na inilarawan sa pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay. Sa pangitaing iyon, nalaman natin na ang dalawa sa mga pangunahing dahilan kaya nililisan ng mga tao ang makipot at makitid na landas ay dahil nabubulag sila sa tukso (tingnan sa 1 Nephi 8:23; 12:17) at nahihiya sila sa panlalait ng mga taong nasa malaki at maluwang na gusali (tingnan sa 1 Nephi 8: 26–28). Suriin natin ang dalawang bahaging ito ng pangitain ni Lehi para malaman kung hindi lamang natin ito higit na mauunawaan kundi matututo pa tayo rito na panindigan at ipagtanggol ang tama.

Tumahak sa Landas na Ito

Ang problema sa mga tukso ng mundo ay talaga namang katuksu-tukso ang mga ito, hindi ba? Sabi nga ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Sino ang nagsabi na hindi nakakatuwa ang kasalanan? … Ang kasalanan ay kaakit-akit at kanais-nais. … Ang kasalanan ay madaling gawin at marami kang kasama na masaya.”1

Ayaw man nating aminin, marami sa ibang mga landas na iyon ang kadalasa’y nakakaganyak. Ang ilan sa mga daan ay biglang pumapaling sa mga nakakatuwang direksyon, samantalang ang iba ay dahan-dahang lumiliko kaya mukhang tumatahak pa rin sila sa landas ng ebanghelyo. Ang ilan ay may nakahahalinang alpombrang pula patungong katanyagan. Ang iba ay mukhang nalalatagan ng ginto at mamahaling hiyas.

Ganitung-ganito rin ang pang-akit ng malaki at maluwang na gusali. Kunsabagay, ang ilan sa mga pinakamayaman, pinakabantog, pinaka-kaakit-akit, at pinakamalakas na impluwensya sa daigdig ay naninirahan doon! Sino ang aayaw na makasama, tularan, at gayahing manamit ang mga taong iyon? Kadalasan ay mukhang mas masaya ang buhay nila kaysa sa atin na nagsisikap manatili sa landas ng ebanghelyo.

Katulad ng kaibigan nating si Abby, kapag lalo nating pinansin ang mga nakatira sa malaki at maluwang na gusali, baka nga lalo pa tayong mainggit o malungkot o magalit. Maaaring isipin nating hindi yata makatarungan na napakarami nilang magagandang bagay samantalang tayo’y nagsusumigasig na manatili sa landas patungo sa punungkahoy ng buhay.

Alam ni Satanas na ang isa sa pinakamaiinam na paraan para makumbinsi ang mga tao na lisanin ang landas ng ebanghelyo ay ang papaniwalain sila na napakahirap, nakababagot, o makaluma ang manatili sa tamang landas. Hindi mahalaga sa kanya kung alin sa ibang mga landas ang tahakin natin—anumang landas ay puwede—basta’t hindi iyon landas ng ebanghelyo.

“Ano ang Lasa ng Bungang Iyon?”

Ang pagkutya sa matatapat ay paboritong gawin ng mga tao na nasa malaki at maluwang na gusali. Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “May ilang kilalang tao at iba pa … na madalas ay minamasdan ng madla na mahilig mambatikos nang harapan sa relihiyon sa kabuuan, at kung minsan, lalo na sa Simbahan. Kung hindi matibay ang ating patotoo, ang gayong pagbatikos ay magiging dahilan upang mag-alinlangan tayo sa sarili nating mga paniniwala o determinasyon.”2

Tila saanman tayo magpunta sa buhay, sa personal man o sa internet, lagi nang may bukas na bintana sa malaki at maluwang na gusaling malapit sa atin na may isang taong handang ituro ang kanyang daliri at pagtawanan ang mga bagay na mahalaga sa atin. Siguro naranasan na nating lahat ang pangungutyang ito sa ibat’t ibang pagkakataon, at maaaring napakasakit nito. Alam natin na dapat tayong tumugon sa paraang katulad ni Cristo, ngunit hindi ito laging madali. Ayaw ninuman na pagtawanan o hamakin ng iba ang kanyang taimtim na mga paniniwala. Tulad ni Nate, maaaring tumutugon tayo kung minsan sa mga katagang “Hindi ako puwede—Mormon ako,” para lamang pagtawanan tayong lalo ng iba.

“Hindi Ako Puwede …”

Napansin ba ninyo na laging nakatuon ang mga nangungutya sa mga salitang hindi puwede? Tulad ng, “Bakit hindi ka puwedeng uminom niyan?” “Bakit hindi ka puwedeng sumama sa aking mamili kapag Linggo?” o “Bakit hindi ka puwedeng makipagseks bago ka ikasal?”

Ang pagtutuon sa salitang hindi puwede ay maaaring makapagpahina sa atin. Pakiramdam natin ay mahina tayo at naduduwag. Pakiramdam natin ay para tayong mga kaawa-awang biktima ng isang Diyos na nagkulong sa atin para hindi tayo maging masaya.

Lumang-luma na ang taktikang ito. Sa katunayan, ginagamit na ito ni Satanas sa simula pa lamang. Nang ilagay ng Diyos sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden, sinabi Niya sa kanila, “Sa lahat ng punungkahoy sa halamanan ay malaya kang makakakain” (Moises 3:16). Ang mga salita bang “lahat ng punungkahoy” ay paghihigpit na para sa inyo? Kahit sinabi ng Diyos kina Adan at Eva na may mga tiyak na ibubunga ang pagkain ng punungkahoy ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama, hindi Niya sila talaga pinaghigpitan kailanman. Kanilang-kanila ang buong halamanan at sinabihan silang, “Ikaw ay maaaring mamili para sa iyong sarili, sapagkat ito ay ibinigay sa iyo” (Moises 3:17). Para sa akin kalayaan iyan!

Kaya nakakatuwa na nang dumating si Satanas kalaunan sinabi niya, “Oo, sinabi ba ng Diyos—Hindi ka dapat kumain sa bawat punungkahoy ng halamanan?” Moises 4:7. Parang itinanong lang ni Satanas na, “Bakit hindi ka puwedeng kumain ng bunga ng punungkahoy na iyan?” sa tonong nangungutya na tulad ng nasa mga bintana ng malaki at maluwang na gusali. Nagtuon si Satanas sa isang bagay na sinabi ng Diyos na may kaakibat na bunga, at pinalabas niya na gustong pagkaitan ng Diyos sina Adan at Eva. Binaluktot ni Satanas ang mga salita ng Diyos, at nagdagdag ng mga kasinungalingan para kumbinsihin silang sundin siya sa halip na sundin ang Diyos. Sa huli, ang pagkain ng bunga ay bahagi na pala ng plano noon pa man. At ang Diyos ay naglaan ng isang Tagapagligtas upang bigyan ng pagkakataon sina Adan at Eva at kanilang mga anak na umunlad at makabalik.

“Ayaw Ko!”

At ano ba talaga ang ibig nating sabihin kapag sinasabi nating “Hindi ako puwede—Mormon ako”? Ang sinasabi ba talaga natin ay, “Gusto ko sana, at kung hindi lang ako Mormon, gagawin ko ‘yan”? May kaibigan ako dati na mahilig magbiro tungkol sa lahat ng bagay na gusto niyang gawin kung hindi siya miyembro ng Simbahan. Ang problema, hindi ko masabi palagi kung nagbibiro nga siya.

Sa halip na magtuon sa hindi puwede at huwag, mas maganda kung gagamitin natin ang mga salitang ayaw. Iyon bang “Ayaw ko—Mormon ako.” Ang paggamit ng ayaw sa halip na hindi puwede ay binabago ang tuon ng mga kataga at ipinapakita na may kakayahan tayong pumili para sa ating sarili. Sa pagsasabi ng “Ayaw ko,” sinasabi nating, “Pinipili kong huwag gawin iyan, hindi dahil sa ako ay nabubulagan o pinaghihigpitan, kundi dahil naniniwala ako sa kalayaan at pananagutan, at gusto kong gawin ang tama. Pinipili kong kumilos at hindi ako pinakikilos” (tingnan sa 2 Nephi 2:14, 26).

Ang paggamit ng “Ayaw ko” sa halip na “Hindi ako puwede” ay kahanga-hangang pagpapakita ng katapangan. Hindi kailangan ng tapang para sundan ang mga tao sa iba’t ibang landas ng mundo. Magagawa iyan ng sinuman. Ang manindigan para sa katotohanan ay nagpapakita ng tunay na pananampalataya. Ang pamumukod-tangi sa mundo ay nangangailangan ng tunay na katapangan. Ipinapakita nito na tunay nating ginagamit ang ating kalayaan at talagang nag-iisip tayo para sa ating sarili. Ang mga tao sa malaki at maluwang na gusali ay laging tinutukoy bilang mga taong walang pangalan, walang mukha. Sa huli, ang kanilang mga salita ay hungkag at walang kabuluhan. Sa tapat na paggamit ng ating kalayaan, magkakaroon tayo ng tapang na sabihin, tulad ni Lehi at ng matatapang at matatapat na miyembro ng kanyang pamilya, “Hindi namin sila pinansin” (1 Nephi 8:33).

Sa kabila ng patuloy na pagsama ng daigdig, ang mga naninindigan at tumatahak sa landas ng ebanghelyo ay tunay na namumukod-tangi. Ngunit hindi sila nag-iisa. Tulad ng paanyaya sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson, “Nawa ay maging matapang tayo at handang manindigan sa paniniwala natin, at kung kailangan nating manindigang mag-isa, nawa ay magawa natin ito nang buong tapang, pinalalakas ng kaalaman na totoong hindi tayo nag-iisa kapag naninindigan tayo sa panig ng ating Ama sa Langit.”3

Mga Tala

  1. Spencer W. Kimball, Faith Precedes the Miracle (1972), 229.

  2. Thomas S. Monson, “Tapang na Manindigang Mag-isa,” Liahona, Nob. 2011, 60–61.

  3. Thomas S. Monson, “Tapang na Manindigang Mag-isa,” 67.