Mensahe ng Unang Panguluhan
Ang mga Banal sa Lahat ng Panahon
May alaala ako noong bata pa ako sa isang bahagi ng mundo na talagang napakaganda sa apat na panahunan o season ng taon. Bawat buwan na lumilipas ay maluwalhati at napakaganda. Isang napakagandang araw ng taglamig, nabalot ng bagong bagsak na niyebe ang mga bundok at mga kalye ng lungsod. Nalinis ng ulan na dala ng tagsibol ang lahat at dahil dito ang mga puno at halaman ay nagkabunga, nagkadahon, at namukadkad. Matindi ang sikat ng araw sa maaliwalas na asul na kalangitan. At binago ng napakagandang taglagas ang kalikasan at naging matitingkad na kulay orange, dilaw, at pula. Noong bata ako, gustung-gusto ko ang bawat panahon, at hanggang ngayon, gustung-gusto ko ang katangian at kaibhan ng bawat isa.
May mga panahon din sa ating buhay. Ang ilan ay masigla at maganda. Ang iba ay hindi. May mga araw sa ating buhay na kasingganda ng mga retrato o larawan sa isang kalendaryo. At may mga araw at kalagayan din na nagdudulot ng sama ng loob at maaaring maghatid sa ating buhay ng matinding lungkot, poot, at pait.
Natitiyak ko na may mga pagkakataon na iniisip nating lahat na napakaganda siguro kung titira tayo sa isang lupain na puno ng mga perpektong panahon at iiwasan ang di kanais-nais na mga panahon sa pagitan nito.
Ngunit hindi ito maaaring mangyari. Ni hindi ito kanais-nais.
Kapag iniisip ko ang sarili kong buhay, maliwanag na marami sa mga panahon ng pinakamalaking pag-unlad ay dumating sa akin habang dumaraan sa maunos na panahon.
Alam ng ating matalinong Ama sa Langit na para umunlad ang Kanyang mga anak at maging mga nilalang na nilayon na kahinatnan nila, kakailanganin nilang dumanas ng mga panahon ng paghihirap sa kanilang buhay o paglalakbay sa mortalidad. Sinabi ng propetang si Lehi sa Aklat ni Mormon na kung walang oposisyon, ang “kabutihan ay hindi mangyayari” (2 Nephi 2:11). Tunay nga na ang kapaitan ng buhay ang nagtutulot sa atin na makilala, ihambing, at pahalagahan ang katamisan nito (tingnan sa D at T 29: 39; Moises 6:55).
Ganito ang sabi ni Pangulong Brigham Young: “Ang lahat ng matalinong tao na napuputungan ng korona ng kaluwalhatian, kawalang-kamatayan, at buhay na walang hanggan ay kinakailangang malampasan ang bawat pagpapahirap na itinalaga upang danasin ng matatalinong tao, upang matamo ang kanilang kaluwalhatian at kadakilaan. Ang bawat [kalamidad] na maaaring dumating sa mga mortal na nilalang ay pinapayagang dumating … upang ihanda sila na [makapiling ang] Panginoon. … Ang bawat pagsubok at karanasan na inyong nadaanan ay kailangan para sa inyong kaligtasan.”1
Ang tanong ay hindi kung daranasin natin ang mga panahon ng paghihirap kundi kung paano natin haharapin ang mahihirap na karanasan sa buhay. Malaki ang pagkakataon natin sa pabagu-bagong panahon ng buhay na humawak nang mahigpit sa matapat na salita ng Diyos, sapagkat ang Kanyang payo ay hindi lamang nilayon para tulungan tayong maligtasan ang mga unos ng buhay kundi para gabayan din tayo na malampasan ang mga ito. Ibinigay ng ating Ama sa Langit ang Kanyang salita sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta—mahalagang kaalaman na dinisenyo para akayin tayo sa kabila ng mahihirap na mga hamon ng panahon tungo sa hindi mabigkas na kagalakan at maliwanag na ilaw ng buhay na walang hanggan. Mahalagang bahagi ng karanasan natin sa buhay ang magkaroon ng lakas, tapang, at integridad na manangan nang mahigpit sa katotohanan at kabutihan sa kabila ng mga tuksong mararanasan natin.
Ang mga lumusong sa mga tubig ng binyag at nakatanggap ng kaloob na Espiritu Santo ay tumatahak sa landas ng pagkadisipulo at inuutusang patuloy at matapat na sundan ang mga yapak ng ating Tagapagligtas.
Itinuro ng Tagapagligtas na ang araw ay sumisikat “sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap” (Mateo 5:45). Kung minsan hindi natin nauunawaan kung bakit nangyayari ang mahirap, maging ang mga hindi patas, na mga bagay sa buhay. Ngunit bilang mga tagasunod ni Jesucristo, nagtitiwala tayo na kung tayo ay “masigasig na [maghahanap, mananalangin] tuwina, at [magiging] mapanampalataya, … lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa [ating] ikabubuti, kung [tayo] ay lalakad nang matwid” (D at T 90:24; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan, bilang mga Banal, naglilingkod tayo nang buong kagalakan at kusang-loob sa lahat ng panahon. At habang ginagawa natin ito, ang ating puso ay napupuno ng pinabanal na pananampalataya, nagpapagaling na pag-asa, at makalangit na pag-ibig sa kapwa.
Gayunman, kailangan nating dumaan sa lahat ng panahon—kapwa kanais-nais at mapait na karanasan. Ngunit anuman ang panahon, bilang mga tagasunod ni Jesus na Cristo, tayo ay mananatiling umaasa sa Kanya habang naglalakad tayo papunta sa Kanyang liwanag.
Sa madaling salita, tayo ay mga Banal ng Diyos, determinadong matuto sa Kanya, mahalin Siya, at mahalin ang ating kapwa. Tayo ay mga manlalakbay sa pinagpalang landas ng pagkadisipulo, at patuloy nating tatahakin ang landas tungo sa ating makalangit na mithiin.
Dahil dito, tayo’y maging mga Banal sa tagsibol, tag-init, taglagas, at taglamig. Tayo’y maging mga Banal sa lahat ng panahon.