Pinagpala Niya ang Sintunado Kong Boses
Randy Lonsdale, Alberta, Canada
Namula ang mga tainga ko sa hiya matapos naming kantahin ng anak kong tinedyer na si Derek ang “Pumayapa, Aking Kaluluwa”1 sa sacrament meeting. Hindi ko gaanong napraktis ang boses ko bago nagsimula ang miting, at dahil dito, nang tangkain kong abutin ang isang mataas na nota, pumiyok ako.
Naupo na ako sa aking upuan, na naaasiwa sa kabila ng magiliw na tingin ng nakangiti kong asawa, na tinitiyak sa akin na hindi ko nasira ang diwa ng miting.
Pagkatapos ng pangwakas na panalangin tumuloy ako sa kotse ko para kunin ang lesson manual. Isang sister sa ward namin ang nakatayo malapit sa pintuan, na humihikbi. Nakaakbay sa kanya ang isang kaibigan para panatagin ang kanyang kalooban. Pagdaan ko, tinawag ako ng umiiyak na sister at pinasalamatan ako sa himnong pinili naming kantahin at sa pagkanta nito sa paraang lubos na nakaantig sa kanya.
Ipinaliwanag niya na patay ang sanggol na isinilang niya ilang araw pa lamang ang nakararaan at simula noon ay pinaglabanan na niya ang galit at kawalan ng pag-asa. Habang kinakanta namin ni Derek ang himno, nadama niya na binalot ng Espiritu ang kanyang nagdadalamhating kaluluwa ng payapa at nakapapanatag na init ng pagmamahal. Pinuspos siya nito ng pag-asang kailangan niya para makayanan ang tindi ng kanyang dalamhati.
Nahihiyang pinasalamatan ko siya at lumabas na ako, na nadaramang pinagpala at nakadama ako ng pagpapakumbaba sa kanyang sinabi. Pagdating ko sa kotse, naalala ko ang isang mensahe sa debosyonal ni Kim B. Clark, pangulo ng Brigham Young University–Idaho. Sinabi niya, “Kapag kumilos tayo nang may pananampalataya kay [Jesus] para gawin ang Kanyang gawain, sinasamahan Niya tayo” sa paglilingkod sa iba at “pinagpapala tayong masabi ang kailangan nilang marinig.” Itinuro din niya na “maaaring medyo asiwa tayo o hindi tayo gaanong perpekto sa talagang sinasabi at ginagawa natin. … Ngunit dadalhin ng Tagapagligtas ang ating mga salita at kilos sa puso ng mga tao sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Dadalhin Niya ang ating taos ngunit di-perpektong pagsisikap at gagawin itong isang bagay na tama lang, tunay na isang bagay na perpekto.”2
Napuno ng luha ng pasasalamat ang aking mga mata nang bumalik ako sa meetinghouse. Napagpala ng Panginoon ang isang di-perpektong pagkanta at dinala nang perpekto ang mensahe nito sa nagdadalamhating puso ng isang bata pang ina upang panatagin ang kanyang namimighating kaluluwa. Dagdag pa rito, ginamit ng Panginoon ang nakakaantig na karanasang ito para dalhin sa puso ko ang mas malalim na pag-unawa sa isang napakahalagang alituntunin ng ebanghelyo.