Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ang Impluwensya ng Musika
Makikita natin sa isang eksperimento sa mga daga kung paano tayo maaapektuhan ng musikang pinakikinggan natin.
Kapag tinatanong ko ang isang tao, “Ano ang pinaka-naaalala mo tungkol sa Primary?” ang madalas na sagot ay, “Ang musika.” Hindi natin malilimutan ang mga titik sa mga awitin sa Primary—nakatimo ang mga ito sa ating puso. Tingnan natin, halimbawa, ang sumusunod na mga awitin sa Primary. Makukumpleto ba ninyo ang bawat parirala?
“Sinisikap kong tularan …”
“Ama sa Langit kayo ba’y … ?”
“… Aklat ni Mormon ”
Habang kinukumpleto ninyo ang bawat pangungusap, nasumpungan ba ninyo ang inyong sarili na kinakanta ang himig?
Kung gayon, siguro ay dahil pinalalakas ng musika ang ating mga pandamdam, inaantig ang ating damdamin, at ibinabalik ang mga alaala. Kaya hindi nakapagtataka na ipinagdiriwang natin ang mga paglalaan ng templo sa isang kaganapang pangkultura kung saan lumalahok ang mga kabataan sa nakasisiglang musika at pagsasayaw. Sa mga kaganapang ito “magkaingay [tayong] may kagalakan sa Dios” at “awitin [natin] ang kaluwalhatian ng kaniyang pangalan” (Mga Awit 66:1–2).
Lagi Tayong Naaapektuhan ng Musika
Itinuturo sa Para sa Lakas ng mga Kabataan na “malaki ang epekto ng musika sa inyong isipan, espiritu, at ugali.”1 Mapagyayaman ng musika ang inyong buhay sa napakaraming paraan, ngunit maaari din itong maging mapanganib. Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “Ang musika ay makakatulong sa inyo na mas mapalapit sa inyong Ama sa Langit. Magagamit ito para magturo, magpasigla, magbigay-inspirasyon, at magkaisa. Gayunman, ang musika, dahil sa bilis, tiyempo, intensidad, at mga titik nito, ay maaaring magpahina sa inyong sensitibidad sa mga espirituwal na bagay. Huwag punuin ng di-kaaya-ayang musika ang inyong isipan.”2 At maaaring hindi na mahalaga kung pinakikinggan ninyong mabuti ang mga salita o hindi; ang mga salitang nilapatan ng musika kadalasan ay madaling matutuhan at matandaan.3 Kaya pala tayo pinag-iingat na “piliing mabuti ang musikang pinakikinggan [natin].”4
Mga Daga, Musika, at Pagkatuto
Ang gusto ninyong musika ay maaari ding makaapekto sa kakayahan ninyong makatapos ng gawain o matuto. Sinuri ng dalawang nagsasaliksik ang pagkakaugnay na ito sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga epekto ng musika at ritmo sa nervous system ng mga daga. Sa loob ng walong linggo, hinayaang makinig ng mga balse (musikang napakaganda at napakahusay ng pagkalikha) ni Strauss ang isang grupo ng mga daga, samantalang ang ikalawang grupo ay hinayaang makinig sa magulong musika ng tuluy-tuloy na pagtambol. Ang ikatlong grupo ay inilagak sa tahimik na lugar.
Pagkaraan ng walong linggo, inilagay ang mga daga sa isang maze para humanap ng pagkain. Ang mga daga sa ikalawang grupo ay nagpagala-gala na walang direksyon—“isang malinaw na pahiwatig na nahirapan silang matuto”—at mas natagalan silang makahanap ng pagkain kaysa nang magsimula ang eksperimento. Ang mga dagang lantad sa “magulong musika ay hindi lang nahirapang matuto at makaalala, … kundi nagbago rin ang galaw ng mga selula sa utak nila.” Nakakatuwa ang natuklasan ng mga nagsasaliksik: “Naniniwala kami na pinilit ng mga daga na huwag pansinin ang epekto ng maingay at magulong musika. … Nahirapan silang labanan ang kaguluhan.”5
Ano ang maituturing na “kaguluhan” sa ilang musika ngayon—mga bagay na maaaring makahadlang sa inyo na matuto nang husto? Maaaring may kinalaman ito sa ritmo at tiyempo ng musika (tulad sa mga daga) o sa mga salitang ginamit o mga mensaheng inihahatid. Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang lipunan ay dumaranas ng hindi kapansin-pansin ngunit matinding pagbabago. Nagiging lalong mapagpaubaya ito sa kung ano ang tatanggapin nito para maglibang. Bunga nito, karamihan sa mga itinatanghal na mga tugtugin ng mga sikat na mang-aawit ngayon ay tila mas naglalayon na manggambala kaysa magpayapa, mas makapukaw kaysa magpapanatag.”6
Kailangan ang Panahon at ang Espiritu
Hindi lamang ritmo at mga titik ng walang tigil na tugtugan ang nakapipinsala. Sa pakikinig sa gayong musika, hinahadlangan din natin ang tahimik na mga sandali para tayo makapag-isip nang malinaw at makinig sa Espiritu. Sa The Screwtape Letters, isang popular na nobelang Kristiyano, isang tauhang nagngangalang Screwtape ang kumatawan kay Satanas at pinilit akitin ang mabubuting kaluluwa sa kanyang layon. Sabi ni Screwtape, “Nakakatawa na laging iniisip ng mga tao na nagpapasok tayo ng mga bagay-bagay sa kanilang isipan: ang totoo ay natutupad natin nang husto ang ating layon sa pag-aalis ng mga bagay-bagay sa kanilang isipan.”7 Talagang alam ni Satanas na hindi na niya kailangang punuin ng masasamang bagay ang ating isipan sa tuwina kung maiaalis naman niya ang ating pansin sa mga bagay ng Espiritu. “Kung palagi kayong nakikinig ng musika, maaaring mawalan kayo ng tahimik na sandali para magnilay, makiramdam, at makatanggap ng espirituwal na patnubay.”8
Kailangan natin ang patnubay ng Espiritu Santo sa tuwina. Dahil diyan, dapat nating piliing mabuti ang musikang pinakikinggan natin at ang mga sayawang dinadaluhan natin. Hayaang gabayan kayo sa Espiritu, at kapag may mga alinlangan kayo sa musikang pinakikinggan ninyo o sa inyong sitwasyon, magkaroon ng lakas ng loob na kumilos para manatili sa inyo ang Espiritu.