2013
Paglilingkuran Ko ang Diyos nang Buong Puso, Kakayahan, Pag-iisip, at Lakas
Setyembre 2013


Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary

Paglilingkuran Ko ang Diyos nang Buong Puso, Kakayahan, Pag-iisip, at Lakas

Isang araw sa oras ng recess, nakita ni Madison ang isang batang babae na umiiyak dahil may nagsabi rito ng masama. Nalungkot si Madison para sa bata at nilapitan niya ito para aliwin. “Gusto mo, laro tayo?” tanong niya sa bata.

Nang araw na iyon, naglingkod si Madison nang buong puso. Sinundan niya ang halimbawa ni Jesucristo at nagpakita ng pagmamahal sa isang nangangailangan. Maipapakita natin ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit sa paglilingkod sa iba nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. Maibibigay natin ang ating sarili sa paglilingkod!

Paano tayo naglilingkod nang buong puso? Makapaglilingkod tayo nang buong puso sa pagpapakita ng pagmamahal at kabaitan sa iba. Nagmamalasakit tayo sa pangangailangan ng iba. Kapag naglilingkod tayo nang masaya, naglilingkod tayo nang buong puso.

Paano tayo naglilingkod nang buong pag-iisip? Makapaglilingkod tayo nang buong pag-iisip kapag iniisip natin kung paano matutulungan ang iba. Kapag nakita natin ang mga pangangailangan ng mga nasa paligid natin at inisip kung ano ang ating maitutulong, naglilingkod tayo nang buong pag-iisip.

Paano tayo naglilingkod nang buong kakayahan at lakas? Ang paglilingkod nang buong kakayahan at lakas ay maaaring sa paggawa ng mga gawaing-bahay at pagsisikap na tulungan ang iba. Madalas nating mapagpapala at mapaglilingkuran ang matatanda sa paggawa ng mga bagay na mahihirapan silang gawin.

Kaliwa: paglalarawan ni Greg Newbold; Kanan: mga paglalarawan ni Val Chadwick Bagley