Nagsasalita Ngayon
Sinabi ni Elder Perry sa mga Nagtapos sa Kolehiyo na Panatilihing Balanse ang Buhay
Nagsalita si Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol sa seremonya ng pagtatapos sa Brigham Young University sa Provo, Utah, USA, noong Abril 2013. Binanggit niya na kailangang balansehin ang buhay at binigyang-diin na kailangang pag-ukulan ng oras ang pamilya, trabaho, pag-aaral, paglilingkod, sarili, at lalo na ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Ipinayo niya sa mga nagtapos na mamuhay nang masinop. “Ang isa sa pinakamahahalagang aral na matututuhan ninyo sa lahat ay ang katiwasayan at kapayapaang nagmumula sa pamumuhay nang ayon lamang sa kinikita ninyo,” sabi niya.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagbubuo ng tahanang nakasentro kay Cristo. “Ang pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw ay dapat maging bahagi ng tahanan ng bawat Banal sa mga Huling Araw,” sinabi niya. “Gawing mahalaga at aktibong bahagi ng inyong buhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.”
Binisita ni Elder Nelson ang Asia North Area
Mula Pebrero 23 hanggang Marso 3, 2013, binisita ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Asia North Area. Sinabi ni Elder Nelson na saanman siya magtungo sa mundo, iisa lang ang kanyang mensahe. “Narito tayo upang magturo at magpatotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo,” sinabi niya sa mga miyembro sa area. “Ang atin ay isang mensahe ng kapayapaan at kagalakan, ng pagpapalakas sa mga pamilya, pagbibigkis sa mag-asawa, ng mga anak sa kanilang mga magulang, at ng mga tao sa kanilang mga ninuno … nang matamasa nilang lahat ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos kapag nagwakas na ang kanilang buhay sa lupa.”
Bukod pa sa pakikipag-usap sa mga lider ng priesthood at miyembro sa buong area at sa isang espesyal na district para sa mga sundalo sa Okinawa, kinausap din ni Elder Nelson ang dalawang lokal na opisyal ng pamahalaan sa Japan.