2013
Maawaing Katulad ni Cristo
Setyembre 2013


Maawaing Katulad ni Cristo

Ang awtor ay naninirahan sa New York, USA.

Ang mortal na ministeryo ng Tagapagligtas ay naglalaan sa atin ng mga praktikal na halimbawa kung paano tayo magiging maawain.

Nang mawala nina Propetang Joseph Smith at Martin Harris ang 116 na pahinang isinalin mula sa Aklat ni Mormon, matindi silang kinagalitan ng Panginoon (tingnan sa D at T 3:6–8, 12–13). Panandaliang nawala kay Joseph ang pribilehiyong magsalin at nagdalamhati siya sa kanyang pagsuway.1 Matapos magpakumbaba at magsumamo sa Panginoon na siya ay mapatawad, tiniyak ng Tagapagligtas kay Joseph, “Tandaan, ang Diyos ay maawain; … at ikaw ay pinili pa rin, at muling tinatawag sa gawain” (D at T 3:10).

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Si Cristo ang ating huwaran. Sa Kanyang mga turo [tungkol sa awa] at maging sa Kanyang buhay, ipinakita Niya sa atin ang paraan. Pinatawad niya ang masasama, ang mahahalay, at yaong naghangad na saktan at ipahamak Siya.”2

Ipinapakita sa mga banal na kasulatan na isa sa mga banal na katangian ng Tagapagligtas ang pagiging maawain. Itinuro ni Jesus, “Mapapalad ang mga mahabagin” (Mateo 5:7), at “Magmaawain kayo, gaya naman ng inyong Ama na maawain” (Lucas 6:36).3 Ang kahulugan ng awa ay pagkahabag at lakip ang damdamin at pagpapakita ng pagdamay, kabaitan, pagpapatawad, at pagmamahal. Madalas tayong maawa kapag nalalaman natin ang kakaiba at nakalulunos na mga sitwasyon ng iba. Ipinakita ni Jesucristo ang walang-hanggang kakayahan Niyang maawa. “Hindi [Niya] matingnan ang mukha ng mga tao nang hindi nasasaktan sa kanilang pagkalito, pagkabagabag, at paghihirap. … Kapag nakakita siya ng mga taong nahahapis at nangakalat na gaya ng mga tupang walang pastol, naaantig ang kanyang puso sa pagkahabag sa kanila.”4

Karga ng isang pastol ang kanyang nawawalang tupa sa ilang

“Kapag nakakita [ang Tagapagligtas] ng mga taong nahahapis at nangakalat gaya ng mga tupang walang pastol, naaantig ang kanyang puso sa pagkahabag sa kanila.”

Ang Nawawalang Tupa, ni Newell Convers Wyeth, kinopya sa pahintulot ng Colby College Museum of Art

Ang sumusunod na mga alituntunin mula sa mga salaysay sa Bagong Tipan ay naglalarawan kung paano nagpakita ng awa ang Tagapagligtas at kung paano natin pipiliing maawa sa iba.

Nagpakita ng awa si Jesus sa pamamagitan ng hindi paninisi sa iba.

Sa Huling Hapunan, ilang oras bago ang pagkakanulo, naghapunan si Judas Iscariote sa Paskua kasama ang iba pang mga disipulo. Nang sabihin ni Jesus, “Ako’y ipagkakanulo ng isa sa inyo,” ang mga disipulo, pati na si Judas, ay nagtanong sa Kanya, “Ako baga, Panginoon?” (Mateo 26:21–22). Tumugon si Jesus kay Judas, “Ang ginagawa mo, ay gawin mong madali” (Juan 13:27). Pagkatapos sa pasukan sa Halamanan ng Getsemani, muling nagkita sina Jesus at Judas. Sabi ni Judas, “Magalak, Rabi” at binati ng halik ang Tagapagligtas (Mateo 26:49), kaya nagtanong si Jesus, “Sa isang halik baga ay ipinagkakanulo mo ang Anak ng tao?” (Lucas 22:48). Ang sagot ni Jesus, bagama’t pananagutin si Judas sa mga bunga ng kanyang ginawa, ay hindi paninisi kundi pagsamo kay Judas na isipin kung tama ang kanyang ginagawa.

Matapos tiisin ni Jesus sa mga kamay ng mga Romanong kawal ang maraming oras ng pagkabilanggo, pambubugbog, paglatigo, puwersahang paglalakad sa buong lungsod, at pagpasan at pagkapako sa krus, maawain Niyang minasdan ang mga nagpahirap sa Kanya at nagsumamo, “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34).

Nagpakita ng awa si Jesus sa pamamagitan ng pagpiling mahalin sa halip na sumpain sila.

Sa mga unang araw ng Kanyang ministeryo, tumigil si Jesus para magpahinga at uminom sa balon sa Samaria sa isa sa Kanyang mga paglalakbay. Dumating ang isang babae sa balon para sumalok ng tubig, at kinausap siya ng Tagapagligtas. Nagulat siya nang kausapin siya ni Jesus, “sapagka’t hindi nangakikipagusap ang mga Judio sa mga Samaritano.” Ngunit binalewala Niya ang mga tradisyong nakaimpluwensya sa iba na hamakin siya. Itinuro Niya sa kanya ang tungkol sa tubig na buhay ng ebanghelyo, at nagpatotoo Siya sa kanya, “Ako [ang Mesiyas] na nagsasalita sa iyo.” (Tingnan sa Juan 4:3–39.)

Sa mga araw na matatapos na ang Kanyang ministeryo sa mga taga-Perea, nagdaan si Jesus sa lungsod ng Jerico noong papunta Siya sa Jerusalem. Isang maliit at mayamang lalaking nagngangalang Zaqueo ang umakyat sa puno para makita ang Tagapagligtas pagdaan Niya. Napansin siya ni Jesus at sinabing pupunta Siya sa bahay ni Zaqueo. Nagreklamo ang ilan sa mga disipulo ni Jesus nang makita nila ito, na sinasabing si Jesus “ay pumasok na nanunuluyan sa isang taong makasalanan.” Ngunit nakita ni Jesus ang kabutihan ni Zaqueo at sinabing, “Dumating sa bahay na ito ngayon ang pagkaligtas, sapagka’t siya’y anak din naman ni Abraham.” (Tingnan sa Lucas 19:1–10.)

Nagpakita ng awa si Jesus sa pamamagitan ng pagbibigay sa iba ng maraming pagkakataong magsisi at mapatawad.

Sa mga unang araw ng Kanyang ministeryo, bumalik si Jesus sa sinagoga sa Kanyang bayang sinilangan sa lungsod ng Nazaret, kung saan Siya sumamba nang maraming beses. Binasa Niya sa mga nagtipon doon para sa Sabbath ang isang propesiya mula kay Isaias tungkol sa Mesiyas. Pagkatapos ay malinaw Niyang pinatotohanan sa kanila na Siya ang Mesiyas. “Nangapuspos ng galit” ang mga tao sa sinagoga sa Kanyang mga salita, at kanilang “ipinagtabuyan siya sa labas ng bayan … upang siya’y maibulid nila” sa gulod. (Tingnan sa Lucas 4:16–30.) Ang matatagal nang kaibigan ni Jesus ay naging mga kaaway Niya. Kalaunan, nangahas na muling bumalik si Jesus sa Nazaret at nagturo sa mga tao. At kahit muli silang nagalit sa Kanya, dalawang beses Niyang tinangkang tulungan sila na makaunawa. (Tingnan sa Mateo 13:54–57.)

Mga pinuno ng mga Judio ang pinakamahihigpit na kaaway ng Tagapagligtas. Hinangad nilang patayin Siya dahil naging banta Siya sa kanilang mga tradisyon. Subalit paulit-ulit silang hinimok ni Jesus na magsisi at umayon sa katotohanan. Nakatala sa mga banal na kasulatan ang di-kukulangin sa 10 mahahalagang sermon na pinatungkol ni Jesus sa mga pinunong ito kung saan tinukoy Niya ang kanilang mga kasalanan at inanyayahan silang magsisi.

Nagpakita ng awa si Jesus sa pamamagitan ng pag-iwas na maghinanakit.

Jerusalem ang lugar kung saan magdurusa at mamamatay ang Tagapagligtas kalaunan. Maaari sana Siyang magdamdam at magalit sa lungsod at sa mga tao roon; sa halip ay madalas Siyang nagpahayag ng kalungkutan sa kanilang kasamaan at pagtangging magsisi.

Ilang araw bago ang Kanyang Pagpapako sa Krus, pumasok sa Jerusalem si Jesus na sakay ng isang asno. Maraming alagad ang nagalak, naglatag ng kanilang mga kasuotan sa Kanyang daraanan at pinuri ang Diyos. (Tingnan sa Lucas 19:28–38.) Ngunit batid ni Jesus na hindi magtatagal ang katapatan ng mga tao sa Jerusalem. Nang masdan Niya ang lungsod sa huling linggo Niya sa lupa, napaiyak ang Tagapagligtas, na sinasabi, “Oh Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinusugo sa kaniya! makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, … ay ayaw kayo!” (Mateo 23:37; tingnan din sa Lucas 19:41–44).

Ilang araw lang ang lumipas, kinalaban ng mga tao si Jesus at hiniling nilang patayin Siya. Nang kunin ang Tagapagligtas para ipako sa krus, sinundan Siya ng “isang makapal na karamihan sa bayan, at ng mga babaing nagiiyakan at nananambitan dahil sa kaniya.

“Datapuwa’t paglingon sa kanila ni Jesus ay sinabi, Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan, kundi tangisan ninyo ang inyong sarili, at ang inyong mga anak” (Lucas 23:27–28). Sa kabila ng kahihiyang dinanas Niya sa harap ng publiko at matinding pagdurusa Niya sa kamay ng mga tao sa Jerusalem, ang Tagapagligtas ay hindi naghinanakit sa kanila at nagpahayag ng kalungkutan sa pagtanggi nilang magsisi.

Nagpakita ng awa si Jesus sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan.

Sa isa sa Kanyang mga paglalakbay, pumasok si Jesus sa lungsod ng Nain, kung saan nakita Niya na “inilalabas ang isang patay, ang bugtong na anak na lalake ng kaniyang ina, at siya ay bao” (Lucas 7:12). Inilarawan ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumunod na himala sa kanyang aklat na Jesus the Christ: “Nahabag ang ating Panginoon sa nagdadalamhating ina, na nawalan na ng asawa at anak; at, nadama sa Kanyang Sarili ang sakit ng kanyang dalamhati, sinabi Niya sa magiliw na tinig, ‘Huwag kang tumangis.’ Hinawakan Niya ang higaan [at] … sinabi Niya sa bangkay: ‘Binata, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka.’ At narinig ng patay ang tinig Niya na Panginoon ng lahat, at agad naupo at nagsalita. At buong giliw na ibinigay ni Jesus ang binata sa kanyang ina.”5

Gumawa si Jesus ng napakarami pang himala para sa mga tao sa mga oras ng pangangailangan. Pinagaling Niya ang ketongin, pinayapa ang dagat, at ibinangon ang anak na babae ni Jairo mula sa mga patay. Pinagaling Niya ang isang lalaking maysakit sa tubig ng Betesda, ang isang taong bingi na pautal kung magsalita, at ang 10 ketongin. Bawat isa ay may matinding pangangailangan.

Binuhay ni Jesucristo ang anak na babae ni Jairo mula sa mga patay

Gumawa si Jesus ng maraming himala para sa mga tao sa mga oras ng pangangailangan. Pinagaling Niya ang isang ketongin, pinayapa ang dagat, at ibinangon ang anak na babae ni Jairo mula sa mga patay.

Mga paglalarawan ni Dan Burr

Ipinakita ng Tagapagligtas ang landas na tatahakin. Mapagsisikapan nating maging maawain sa pamamagitan ng hindi paninisi sa iba, pagpapasiyang mahalin sa halip na sumpain ang iba, pagbibigay ng maraming pagkakataon sa iba na magsisi, pag-iwas na maghinanakit, at pagtulong sa mga nangangailangan. Habang lalo nating natatanto at naaalala ang maraming awang ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Jesucristo, lalo tayong matututong maawa sa iba.

Ipinayo ni Pangulong Uchtdorf: “Laganap na ang hinagpis at kalungkutan sa buhay na ito hindi pa man natin ito nadaragdagan ng sarili nating pagmamatigas, hinanakit, at pagkamuhi. … Alisin natin ang ating mga hinanakit. … Iyan ang pamamaraan ng Panginoon.6

Nang bisitahin ng nabuhay na mag-uling Panginoon ang mga Nephita sa lupain ng Amerika, tinuruan Niya ang mga tao. At nang oras na para umalis si Jesus, “muli niyang iginala ang kanyang mga paningin sa maraming tao, at namasdan na sila ay luhaan. …

“At kanyang sinabi sa kanila: Masdan, ang aking sisidlan ay puspos ng pagkahabag sa inyo.

“Mayroon bang maykaramdaman sa inyo? … Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo; ang aking sisidlan ay puspos ng awa” (3 Nephi 17:5–7; idinagdag ang pagbibigay-diin). Walang hanggan ang Kanyang awa. Bibiyayaan Niya tayo ng banal na kaloob na awa kung lalapit tayo sa Kanya (tingnan sa Moroni 10:32).

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 81–84.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” Liahona, Mayo 2012, 76.

  3. Ang salitang Griyego sa Mateo 5:7 ay eleémón, na ang ibig sabihin ay mahabagin. Ang salitang Griyego sa Lucas 6:36 ay oiktirmón, na ang ibig ding sabihin ay mahabagin.

  4. Charles Edward Jefferson, The Character of Jesus (1908), 154.

  5. James E. Talmage, Jesus the Christ, ika-33 ed. (1977), 252.

  6. Dieter F. Uchtdorf, “Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” 77.