2013
Ang Pinakamahabang Sacrament Meeting
Setyembre 2013


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Ang Pinakamahabang Sacrament Meeting

Ang awtor ay naninirahan sa Lagos, Nigeria.

Ang sacrament meeting ay karaniwang tumatagal nang 70 minuto. Ngunit isang araw ng Linggo tila walang katapusan iyon.

Gustung-gusto kong basahin ang mga aklat ng mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa relihiyon. At dahil ang mga aklat na ito ay hindi madaling makuha sa Nigeria, nanghiram ako sa isang kaibigan ko. Sa hangad na maibalik ang mga aklat ng kaibigan ko sa loob ng ilang araw, lagi kong dala ang mga ito at binabasa ko kapag may bakanteng oras ako.

Isang araw ng Linggo dala ko ang isang hiram na aklat nang dumalo ako sa sacrament meeting sa ward kung saan ako nakatalaga bilang high councilor. Binasa ko ang aklat habang hinihintay kong maibigay sa bishop ang isang mensahe mula sa stake presidency. Nang dumating ang bishop, ipinakausap niya sa akin ang kanyang unang tagapayo dahil kailangan niyang batiin ang ilang bisita. Matapos ipasa ang mensahe sa unang tagapayo, naupo na ako sa pulpito.

Gayunman, kauupo ko pa lang nang mapuna kong nawawala ang aklat ng kaibigan ko. Dahil mga limang minuto na lang ay magsisimula na ang miting —at dahil nakaupo na ang namumunong awtoridad sa pulpito—naisip kong hindi ako dapat umalis. Nanlulupaypay dahil nabigo ko ang kaibigan ko, nagsimula ang pagdurusa ko sa pinakamahabang sacrament meeting na dinaluhan ko.

Inasam kong bumilis ang paglipas ng oras, ngunit bawat bagay na pinag-usapan sa miting ay parang tinalakay nang napakatagal. Alumpihit ako, habang tahimik na nagdarasal na pangalagaan sana ng Diyos ang aklat. Hindi naman talaga mahahaba ang mga mensahe, ngunit nahalinhan ng sobrang pag-aalala ang isipan ko. Limang minuto bago natapos ang miting, hindi na ako makatiis. Nag-abot ako ng maikling liham sa unang tagapayo na nagtatanong kung naiwan ko ang aklat sa tabi niya. Umasa ako na tatango siya. Sa halip ay umiling siya.

Hindi ako pumikit sa pangwakas na panalangin at sa halip tiningnan kong mabuti ang dalawang natitirang lugar na naisip kong maaaring kinaroroonan ng aklat. Samantala, nagpasiya ako na, kung kailangan, pupunta ako sa mga klase ng Sunday School para ipaalam na nawalan ako ng aklat.

Gayunman, ang nakakagulat, nang matapos ang sacrament meeting, biglang nagbago ang pakiramdam ko, at hindi na ako nag-alala tungkol sa aklat. Ipinakita sa akin ng Espiritu Santo—sa loob lang ng ilang sandali ng espirituwal na kaliwanagan—na wala akong dahilan para mag-alala. Nalaman ko na ang talagang mahalaga ay kung pangangalagaan ko o hindi ang mga bagay na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos. Agad nalista sa isipan ko ang natatandaan kong ipinagkatiwala sa akin ng Dios: ang aking kaluluwa, pamilya, mga dinadalaw ko sa home teaching, mga dapat kong bahaginan ng ebanghelyo, mga miyembro ng ward na pinaglilingkuran ko, yumao kong mga ninuno na kailangang gawan ng ordenansa sa templo, at iba pa.

Nakita ko nga ang aklat matapos ang isang mahalagang karanasan sa pagsusuri sa sarili. Ngunit sa pagtatapos ng pinakamahabang sacrament meeting, nakita ko rin ang mga aspeto ng buhay ko na kailangan kong ayusin. At ipinasiya kong maging tapat sa paggawa ng mga dapat kong unahin na nais ng Ama sa Langit.

Mga paglalarawan ni Les Nilsson