2013
Sa Kabila ng Maninipis na Dingding
Setyembre 2013


Mula sa Misyon

Sa Kabila ng Maninipis na Dingding

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Kalaunan na lang namin nalaman na, nang turuan namin ng ebanghelyo ang isang pamilya, naturuan din namin ang kanilang kapitbahay.

Bilang mga misyonera, ibinahagi namin ang ebanghelyo sa isang maralitang babaeng nakatira sa paanan ng mataas na burol malapit sa maliit na lungsod sa hangganan ng Asunción, Paraguay.

Si Soledad at ang kanyang asawang si Oscar ay nakatira sa isang kuwarto ng isang mahaba at makipot na bahay na ang totoo ay isang hanay lamang ng magkakatabing kuwarto na may maninipis na dingding sa pagitan. Bawat kuwarto ay isang maliit na tirahan na may isang bintana, isang pinto, isang mesa, at isang kama. May ilang ganitong gusali sa lugar na ito, na gawa sa kahoy, pawid ang bubong, at lupa ang sahig. Ang mga luad na isiniksik sa mga siwang ay nakahadlang sa pagpasok ng lamig.

Nakinig si Soledad

Si Soledad ay may tatlong musmos na anak, at siya mismo ay bata pa rin—at laging abala sa gawaing-bahay. Iyon lang ang kaya niyang gawin para mapangalagaan ang kanyang tahanan at ang araw-araw na pangangailangan ng kanyang mga anak. Pero tila gusto naman niyang bisitahin namin siya at alam niya na kailangan niya ang Diyos sa kanyang buhay.

Malayang ipinahayag ni Soledad kung ano ang naiisip at nadarama niya. Umibig siya at sumamang magtanan kay Oscar, kahit tutol ang kanyang mga magulang. Pareho silang hindi nakatapos ng pag-aaral at walang trabaho, at malabo ang kanilang kinabukasan. Inisip niya kung pinabayaan na siya ng Diyos at kung pinarurusahan Niya sila dahil sa kanilang mga maling desisyon.

Naglalako si Oscar ng mga paninda sa pagsisikap na tulungang makaraos ang kanyang pamilya. Kapag maraming benta, bumibili siya ng pagkain at, kung minsan, ng kaunting pasalubong sa mga anak. Pero kapag mahina ang benta, madalas siyang umuuwi na desperado, galit, at lasing.

Nahirapan kaming magkompanyon na tulungan silang harapin ang napakaraming temporal na problema. Ngunit ipinadama rin sa amin ng Espiritu na patuloy namin silang mahalin at turuan, kahit kung minsan ay parang mabagal ang pagsulong nila. Matapos ang ilan pang pagbisita at taimtim na pagdarasal, nadama namin na kailangan namin silang bigyan ng panahon na pag-isipan ang naituro namin, pag-aralan ang Aklat ni Mormon, at manalangin.

Ipinaliwanag namin ang aming mga alalahanin kay Soledad, at nabagabag siya. Akala niya ay pababayaan na namin ang kanyang pamilya. Sinabi rin niya sa amin na buntis siya sa pang-apat nilang anak at hindi niya alam kung paano sila makakaraos. Galit na sinabihan niya kaming umalis at huwag nang bumalik.

Nakinig Din si Juan

Gayunman, wala kaming kamalay-malay na ang kapitbahay nilang si Juan ay nakikinig pala sa kabila ng dinding sa mga itinuturo namin. Bata pa siya, mausisa, at napakamahiyain. Noong nakikinig siya, marami siyang tanong tungkol sa plano ng kaligtasan, sa Aklat ni Mormon, at sa pagsisisi. Hinihiram pala niya ang Aklat ni Mormon ni Soledad, binabasa ito, at ipinagdarasal ang lahat ng tahimik niyang pinag-aaralan.

Lumipas ang mga araw. Nagsimulang mag-alala si Juan nang hindi na kami bumalik para turuan sina Soledad at Oscar. Pagkatapos isang gabi, habang malakas ang bagyo, tinanong niya si Soledad kung saan kami nakatira at paano niya kami makokontak. Hindi raw nito alam, at nagsimulang umiyak si Juan. Nagpatotoo siya kay Soledad na totoo ang aming mensahe at lumabas sa dilim ng gabi para hanapin kami habang bumubuhos ang ulan, habang nagpuputik ang mga kalsada dahil sa tubig-baha.

Ilang oras pa ang lumipas, patuloy siyang naghanap kahit pagod at nagiginaw. Nagsimula siyang manalangin habang gumagaygay sa dilim, na nangangako sa kanyang Ama sa Langit na kung tutulungan Niya siya na mahanap kami, magpapabinyag siya at maglilingkod sa Kanya habambuhay. Samantala, dahil namangha sa patotoo ni Juan, ipinagdasal ni Soledad na bumalik kami. Umuwi na si Juan ngunit patuloy siyang nanalangin at nagbasa ng Aklat ni Mormon sa sumunod na dalawang araw. Nanalangin din nang taimtim si Soledad at kinausap niya si Oscar. Magkasama nilang sinimulang basahin ang Aklat ni Mormon.

At Nakinig ang Ama sa Langit

Dalawang araw pagkaraan ng bagyo, habang nakaluhod kaming magkompanyon sa panalangin, may nagtulak sa amin na bumalik sa maliliit na bahay sa paanan ng burol. Agad kaming nagpunta, at pagdating namin, sinalubong kami nina Soledad, Oscar, kanilang mga anak, at ni Juan na lumuluha sa galak at katuwaan. Sinabi nila sa amin ang lahat na nangyari, at mula noon, lahat sila ay sabik nang matuto tungkol sa ebanghelyo. Hindi nagtagal at nabinyagan si Juan, at sumunod kaagad sina Soledad at Oscar.

Naaalala ko na nagtaka ako kung bakit lubhang ipinadama sa amin na patuloy kaming magturo kahit noong hindi gaanong interesado sina Soledad at Oscar. Naaalala ko na nagtaka ako kung bakit ganoon na lang ang kagustuhan naming bumalik gayong pagalit nila kaming itinaboy. Ngunit nang makita ko ang kagalakang dumating sa buhay ni Juan at pagkatapos ay sa pamilya nina Soledad at Oscar, nalaman ko na hindi lamang nakikinig si Juan sa kabila ng maninipis na dingding kundi nakikinig din ang Ama sa Langit sa mga panalangin ng bawat isa sa amin, mga panalanging nagmula sa puso.