2013
Maging Liwanag sa Inyong mga Kaibigan
Setyembre 2013


Maging Liwanag sa Inyong mga Kaibigan

Elder Benjamín De Hoyos

Lumaki ako sa piling ng mga taong kaibigan ko na simula pa noong bata ako hanggang mag-12 anyos ako. Magkakapitbahay kami. Iisa ang paaralang pinasukan namin at dumadalo kami sa birthday party ng isa’t isa. Kung minsan ay kumakain ako sa bahay nila, sila sa amin, at magkasama kaming nagsasaya. Pero noong tinedyer na kami, nagsimulang magbago ang lahat. Hindi sila mga miyembro ng Simbahan, at nagmumura sila, naninigarilyo, at umiinom ng alak. Ibang-iba ang pananaw nila tungkol sa batas ng kalinisang-puri kaysa akin.

Pinag-isipan kong mabuti ang sitwasyon, at saka ko tinanong ang tatay ko kung ano ang gagawin ko. Sabi niya, “Kailangan mong magpasiya. Magkaiba kayo ng matatalik mong kaibigan. Dati’y hindi mo napapansin, pero ngayon napakalaki ng pagkakaiba.”

Nagtiwala ako sa payo ng aking ama. Alam ng mga kaibigan ko na miyembro ako ng Simbahan, kaya nang ipasiya kong huwag sumama sa kanila palagi, naunawaan nila. Kalaunan, hindi na kami gaanong nagkasama-sama kahit magkakaibigan pa rin kami.

Mahirap para sa akin na iwanan ang mga kaibigan ko, pero alam ko na mahalagang mapanatili ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa buhay ko. Naisip ko ang payo ni Alma sa kanyang mga anak na lalaki nang ituro niya sa kanila na manalig sa Diyos. Sabi niya, “Sino man ang magbibigay ng kanyang tiwala sa Diyos ay tutulungan sa kanilang mga pagsubok” (Alma 36:3).

Isa sa mga nakatulong sa akin para malagpasan ang mahirap na panahong ito ay ang pagpunta sa mga aktibidad ng Simbahan linggu-linggo, kabilang na ang Mutual. Naging abala rin ako sa pagsasayaw, sports, at mga youth conference.

Nagkaroon ako ng isang bagong kaibigan na hindi miyembro ng Simbahan, at paminsan-minsan ay niyayaya niya akong sumama sa mga party. Ang mga party na ito ay kasabay ng Mutual, kaya sinasabi ko sa kanya, “Pasensya na. Gusto ko sanang magpunta, pero may iba akong plano.”

Itinanong niya kung ano ang gagawin ko. Sabi ko sa kanya, “Pupunta ako sa Mutual.”

“Ano ‘yung Mutual?” tanong niya.

Ipinaliwanag ko na marami kaming masasayang aktibidad sa Mutual at naglilingkod ako bilang tagapayo sa panguluhan. Sa pangatlo kong pagtanggi sa imbitasyon niya sa akin sa mga party, sabi niya, “Isama mo naman ako sa Mutual.”

Kaya sumama siya sa akin, tinuruan siya ng mga missionary, at nabinyagan kalaunan.

Inaanyayahan ko kayong magdesisyon ngayon para maging liwanag kayo sa inyong mga kaibigan. Ang isang bagay na magagawa ninyo ay dumalo sa seminary. Ginagawa ng mga seminary teacher ninyo ang kanilang bahagi; pinaghahandaan nilang mabuti ang mga ituturo nila sa inyo. Lalong magiging pagpapala sa inyo ang Seminary kapag ginagawa ninyo ang inyong bahagi: basahin ang mga takdang-aralin, manalangin at mag-ayuno at tumanggap at ipamuhay ang mga turo. Natututo kayo kapag parehong ginawa ng nagtuturo at ng tinuturuan ang kailangan nilang gawin.

Noong hayskul ako, isa sa mga kaibigan ko ang nag-imbita sa akin sa party at sinabing, “Itanong natin sa tatay ko kung puwede nating hiramin ang kotse niya.” Ayaw ipahiram sa kanya ng tatay niya ang kotse. Pagkatapos, nang makita ako ng kanyang ama, sinabi nito, “OK, ipapahiram ko lang sa iyo ang kotse kung si Benjamín ang magmamaneho.”

Alam ng taong ito na miyembro ng Simbahan ang buong pamilya ko, hindi kami umiinom ng alak, at maingat akong magmaneho.

Ang reaksyon ng tatay ng kaibigan ko ay nakatulong sa akin na pahalagahan ang mga turo at halimbawang ipinakita ng mga magulang ko. Sa bahay, nagdaraos kami ng family home evening at panalangin ng pamilya. Ang Linggo ay araw ng pahinga para sa amin. Sa ganitong uri ng mga bagay namin naipapamuhay ang ebanghelyo, at masayang-masaya kaming gawin ito. Madalas papuntahin ng tatay ko ang iba pang mga miyembro ng Simbahan sa bahay namin para pag-usapan ang ebanghelyo tuwing Linggo ng hapon. Magkakasama kaming kumakain, pinag-uusapan namin ang ebanghelyo, at pinatitibay namin ang aming pagkakaibigan.

Maghanda ngayon na bumuo ng sarili ninyong matatag na pamilya. Magagawa ninyo iyan kapag masigasig ninyong pinag-aralan ang ebanghelyo. Tandaan na kung kayo ay magtitiwala sa Diyos, taimtim na mananalangin araw-araw, magbabasa ng mga banal na kasulatan, mananatiling dalisay, at gagawin ninyo ang inyong Tungkulin sa Diyos o Pansariling Pag-Unlad, kayo ay poprotektahan mula sa kapahamakan, magiging liwanag sa inyong mga kaibigan, at magagalak sa inyong buhay.

Paglalarawan ni Scott Greer